Bakit Tumataas Ang Dagat Kapag Bilog Ang Buwan?
Kwentong Bayan
Matagal na matagal na, ang mga diwata lamang ang nabubuhay dito sa daigdig. Ang lupa , dagat at langit ay pinagha-harian ng 3 makapangyarihang ‘diwata’. Ang ‘diwata’ ng langit ay si Araw at anak niya ang napaka-gandang Buwan.
Aliwan ni Buwan ang mamasyal lagi na sa kalawakan ng langit, nakaluklok sa kanyang gintong saksakyan. Minsan, nakakita siya ng isang bagong daanan na, pagtahak niya, ay naghantong sa kanya sa labas ng kaharian ng langit. Duon, kung saan nagtagpo ang langit at dagat, maraming kakaiba at magaganda siyang nakita. Lalo siyang na-aliw at abala sa pamamasyal nang gulatin siya ng isang tinig sa likod. “Saan ka nagmula, hay, ikaw na pinaka-magandang nilalang?”