ANG PASKO NI JUNJUN (ni Karen Gutierrez)

Ang Pasko Ni Junjun
ni Karen Gutierrez

Ako si Jun-Jun. Masayahing bata. Walong taong gulang. Maliit. Madumi. Pero masaya pa rin. Dito lang ako nakatira sa 7-eleven. Kaya pag hinanap niyo ako, sabihin niyo lang ang pangalan ko tapos ituturo kayo panigurado dito sa 7-eleven. Makikita niyo na ang kama ko dito. Hay… Medyo nakakainis ngayon kasi ang dami na namang taong namamasyal. Kaya kahit Pasko, mainit. Huh… pero yung mga dumadaan ditong may pera, grabe kung magkumot. Piling nasa Amerika. (Ugh..Ugh..)

(Ugh…Ugh…) Oo nga pala noh? Pasko na? Alam niyo ba natatawa ako sa mga batang tulad ko na naniniwala pa rin kay… Sino nga ba yun? Si Klaws? Ay… kay Klos? Ewan, pero sigurado naman ako na kilala niyo na yun. Hala sige, tawa…(Ugh…Ugh…) Haha! Panu ba naman? Ang laki-laki na naniniwala pa dun! E di naman totoo yun! Ako nga e, dito lang ako sa kama ko ilang Pasko na ang dumadaan! Pero di ko pa rin nakikita sa langit yung lumilipad na…. na ano… saka yung sasakyan niya! Para naman silang mga tanga.

Dati naniniwala din ako, araw-araw, hinahanap ko si Klaws. Kahit nga hindi Pasko, nakasabit (Ugh…Ugh…) yung plastic ko sa gate ng 7-eleven e! Kasi iniisip ko, kapag magigising ako, alam ko may laman na yon kahit piso lang. Kaya lang wala! Minsan basura ang laman o kaya minsan nawawala kasi, (Ugh…Ugh…) tinatapon ni kuya gwardya yung plastic ko! huh! (Ugh…Ugh…)

Kaya ngayon, di na ako naniwala pa dun kahit kailan. (Ugh…Ugh…) Umasa lang naman akong parang tanga! Kaya nga payo ko lang sa mga batang mayayaman diyan! Huwag nga kayong magpakatanga! (Ugh…Ugh…)

Isang ordinaryong araw na lang para sa akin itong Pasko. (Ugh…) Kasi araw-araw, lagi nalang naman nakabukas tong palad ko tapos iniisip ko na Pasko kaya panigurado maraming tao ang magbibigay ng limos. Kaya lang mararamot silang lahat. Kaya iniisip ko rin na sana kahit minsan makatanggap ako ng ganoon. Yung regalo? (Ugh…Ugh…) Ano kaya ang (Ugh…Ugh…) pakiramdam?

Hindi na naman ako ma…ka…hinga. (Ugh…Ugh…! Ugh… Ugh…! Ugh… Ugh… Ugh…! Ug..h.)

“Si Jun-Jun tulungan n’yo manong gwardya!!! Dalhin nyo sa ospital!!! Di na ata nahinga!”.


Ang Pasko ni Junjun
ni Karen Gutierrez
Maikling Katha

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento