Kahit Apat-apat ang Kotse Ko (ni Gary Granada)

Nakakahiya sa mga manggagawa na hirap na hirap makasakay papasok sa trabaho at pauwi sa bahay. At sa mga estudyanteng naglalakad na lang papunta at pabalik sa eskwela para makatipid ng kahit paano. Nakakahiya rin sa mga wala talagang pamasahe kaya pasabit-sabit sa likod ng mga jeep. At sa mga naglalako ng kung anu-anong bitbit at palakad-lakad, tawid-tawid ang mga mapanganib na mga lansangan para maghanap-buhay. Nakakahiya sa kanila, kaya kahit apat-apat ang kotse ko, yung pinakaluma ang ginagamit kong sasakyan.

Nakakahiya naman sa mga maliliit na magsasaka na binubuhat lang sa ulo ang kaing ng mga gulay papunta sa palengke. At sa mga naglalako ng isda na ang pangunahing puhunan ay balde at mga paa. Pati na rin sa mga traysikad drivers na magiting na binabaybay ang mga kasuluk-sulukan ng bansa nang walang gastos sa gasolina. Nakakahiya sa kanila, kaya kahit apat-apat ang kotse ko, yung pinakasimple ang ginagamit ko.

Nakakahiya sa mga kooperatibang maliliit na wala man lang magamit na sasakyan. At sa mga maliliit na bayang walang ambulansya. At sa mga extension workers na gumagastos ng sariling pamasahe para pagsilbihan ang mga liblib na mga lugar. Pati sa mga madre, pastor, pari, teachers at community organizers na nangangaral at namumuhay ng simpleng pamumuhay para mapalapit sa mga simpleng tao. Kaya kahit apat-apat ang kotse ko, yung pinakamura ang ginagamit kong sasakyan.

Naniniwala kasi tayo na ang economic development ay may kinalaman sa morale ng mga mamamayan. Dahil sino ba naman ang sisipaging maging productive kung nakikita ng mga tao na nagpapasasa sa sarap ang mga namumuno sa kanila. Isipin n'yo na lang ang pakiramdam ng mga pawisang nagsisiksikan sa bus at jeep tuwing pasukan at uwian pagdaan ng isang luxury car na may special congressional o cabinet plate. Ikaw ba, gaganahan ka bang maging productive kung alam mong sasamantalahin lang naman ang mga gamit ng bayan at yaman ng bansa ng mga magagaling na hinayupak na mga sipsep pa kaysa linta?

Kaya kahit apat-apat ang kotse ko, yung pinakawalang borloloy ang ginagamit kong sasakyan. Tutal, hindi naman nadadagdagan ang aking kontribusyon sa lipunan kung ako ay nakikitang nakasakay sa makikinis at mamahaling kotse. Ang maidagdag lang noon sa akin ay yabang at pagmamalaki at pagtatangi sa kapwa at mga taong wala sa posisyon. Ang madadagdag lang sa akin noon ay mayayamang kaibigan na mababa rin ang turing sa mga mahihirap. E, yun pa naman ang pinakamalapit sa puso ng Presidente, ang mga mahihirap. Nakakahiya naman sa Presidente. Oo nga pala, paismid na tinanong ng Presidente kung inaasahan daw ba nating sumakay sa ordinaryong FX ang mga cabinet officials. Ang sagot po natin ay, "Dapat lang!"

Ayaw ko sanang ipagyabang pa pero kung pipilitin ay sasabihin ko na rin kung anu-ano yung tatlo ko pang kotse. Panay imported at brand new. Style Ferrari. Nabili ko lang lahat last year. Sa Shell station.


Kahit Apat-apat ang Kotse Ko
ni Gary Granada

Pasasalamat: www.GaryGranada.com

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento