Pasko sa Katipunan Avenue (ni Gary Granada)

Kung tama ang alala ko, ang survey raw ay mga 36% ng mga single women/men ang unattached. Marami-rami naman pala kami, kaya okay lang. Akala ko last week ay finally makakasama na ako sa mga mapalad na mga taong may minamahal at may nagmamahal. Pinaasa lang pala niya ako huhuhu. Kaya pagsapit ng pasko, for the nth time, mag-isa na naman ako.

Makalagpas ang hatinggabi, binaybay ko ang mga kalsada ng Quezon City, driving aimlessly. Surprisingly, quiet ang mga lansangan. Bakit wala masyadong nagpapaputok? Ganun na ba kahirap ang buhay? May street party sa bandang Katipunan. Tumigil ako at pinanood ang mga nagsasayawang mga bihis na bihis.

Nakakaaliw na rin lalo ang get-up ng mga bakla, walang keber. "Keber" nga ba yun? Hindi ko na talaga masakyan itong constantly updating vocabulary ng mga kabataan...

May kumatok sa salamin. Wala nang salita-salita. Nagkakaintindihan na kami kung ano ang gusto niya. Hindi na rin ako nagsalita. Binaba ko na lang ang bintana at inabutan ang bata ng limang piso. Sabay alis nang wala man lang ni ha ni ho. Sabagay, limang piso...

At mula sa loob ng madungis na pick-up, sinundan ko ang direksyon ng bata. Isang grupo ng apat o limang pulubing nakahilata sa gilid ng isang poste. Umiyak ako ng malalim. Hindi ko na alam kung dahil sa nalungkot ako para sa kanila o dahil sa nalungkot ako para sa sarili ko. Sala-salabat na ang dahilan.

Ganito ba ang pasko? May mga taong may dahilang magdiwang at may mga ilang wala man lang matuluyang tahanan? At hangin lang ang pagitan sa kanila. Ni hindi nga dingding...

At naalala ko ang isang kwento ng Pasko na galing sa Biblia. Hindi ito nababanggit at hindi ito nabibigyang pansin sa tuwing magpapasko. Kasi kung ikukuwento ito tuwing pasko, baka hindi na magiging commercially viable ang Christmas industry. Ito ay tungkol sa isang mass murder na naganap sa Chapter 2 ng Matthew.

Pinapatay ni Herod ang mga batang hanggang 2 years old. Kung gaano kasakit ang mamatayan ng isang anak ay hindi kailan man natin maintindihan. Kaya nakakapangilabot isipin ang nangyaring genocide na yun noong unang kapaskuhan sa Israel.

Sabi ng UNICEF, 12 million children die every year largely due to malnutrition. Ibig sabihin, sa bawat minuto, sampung bata ang namamatay dahil sa kawalan.

Ito ang buong larawan ng Pasko. Totoong may napakadakilang dahilan upang magbunyi at magdiwang. Ngunit totoo ring maraming mga tao ang nalulugmok sa sari-saring pasanin, pasakit at kawalan. Paano ang pasko ng mga walang kasama sa buhay? Paano ang pasko ng mga walang bahay? Paano ang pasko ng mga namatayan?

At ito rin marahil ang hamon sa ating mga hindi masyadong nagdurusa ngayong kapaskuhan. Paano tayo magpapakasaya sa gitna ng mga katotohanang ito?

Paano nga ba ipakikilala ang langit sa lupa, ang luwalhati sa dalamhati, ang kaalwan sa kawalan.


Pasko sa Katipunan Avenue
ni Gary Granada
Pasasalamat:  www.GaryGranada.com

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento