Dinuguan sa Tren (ni Al Santos)

dinuguan at kare-kare
kinamay na kanin
sa tren papuntang Leuven
sa bayan ng tinapay at keso
sa lupain ng tsokolate at puting yelo

walong bibig
at labing-anim na kamay
ang sumasalok sa tatlong tupperware
na nagsesebo sa dinuguan at kare-kare
at kaning lamig

bon appetit, bati ng nakangising konduktor
sa umpukan g kakaibang dayuhan
habang nabubundat
ang walong tiyan
sa tren papuntang Leuven


Dinuguan sa Tren
ni Al Santos
Tula

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento