SAAN PATUNGO ANG LANGAY-LANGAYAN? (ni B. S. Medina, Jr.)

Iisa lamang ang aking mithi. Ang makalaya sa kaalipinan. Pagkat alipin ako.

Alipin ako ng aking sariling pagananasang guminhawa at lumigaya ngunit nababakla ang daigdig na sa wari’y lumalaki, at ako’y naiiwan tila butil ng buhanging makapuwing ma’y di makasugat. Alipin ako ng sariling nangangambang di makarating sa paroroonan (ngunit saan?) gangga-binlid na sarili. Alipin ako ng aking sariling nagnananasang makatawid sa dagat ng pakikitalad na payapa kung minsan ngunit kadalasa’y maalimpuyo. Alipin ako ng sariling pagkat luwad ay makaluwad, pagkat ako’y sa tao ang puso, diwa at kaluluwa. (Ngunit hindi ba ako’y likha ng Diyos? At sa kanya iniwangis? Nasaan ang pagkawangis na iyon? Nasaan ang aking pagka-Diyos?)


Ito ang aking mithi: Paglaya.

At ako’y nagtatanong: Ano ang paglaya?

Ang paglaya’y ang pagkakilala sa sariling kakayahang mabuhay sa daigdig ng kawalang-katiyakan, ang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng buhay (na di lagging katuwaan, ngunit di rin naman laging kapighatian). Ang paglaya’y ang pagkakilala sa maraming suliranin sa buhay at ang pagkatulong malutas ang mga ito. Ang paglaya’y ang pagkaunawa sa puu-puong kahulugan ng damdamin ng tao. Ang paglaya’y ito: ang pagkaunawa sa sarili at sa daigdig. Ngunit paano ko mauunawaan ang aking sarili?

Sa salamin, ang larawan ko’y mistulang ako: naroon din ang buhok na dating malago, ngayo’y manipis, ang mukhang hawas na may guhit na ng hapis at kahapon, ang katawang dating matipuno’y mahagway ngayon. At sa kamalayan ay naghuhumiyaw na tanong: Sino ka? Nakikilala mo ba ang iyong sarili? Hindi! Oo! Nakikilala ko ang aking sarili sa kanyang hubad na larawan, ngunit di ko lubusang natatalos ang tunay na kalooban, pagkat hanggang ngayo’y gapos pa ako ng kahangalan, bigti pa rin ako ng karuwagan, alipin pa rin ako ng kasalanan. Wala sa akin ang pagkaunawa sa aking sarili, lubha pa sa kaninuman: ako’y hindi malaya at ngayon, akong dating maraming makamit, akong dating maraming nais marating, akong dating maraming mithiin sa buhay, ay may iisang pagnanais na lamang – ang makalaya sa kaalipinan.

Hinahanap ko ang kalayaan, sa kapatagan, sa kabundukan, sa bayan, sa ilang na pook, sa lahat ng dako ng daigdig; sa hilaga, sa kanluran, sa timog, sa silangan; nariyan sa alinman diyan ang kalayaang hinahanap ko. Alam ko: Ang kalayaan ay nasa lahat ng dako. Ito’y tila hanging malayang malalanghap (ngunit may pumipigil sa aking paglanghap): ito’y tila hanging malayang madarama (ngunit mukha ko’y namamanhid). Paano ang malayang paglanghap ang malayang pagdama, paano?

Sa salamin ay naroon ako.

Ako’y lalaking tinukso ng pagkakasala sa pamamagitan ng nilikhang sa tadyang ko nanggaling. Bakit nangyari ito, sa akin ang buong Paraiso; walang hapis, pawang ligaya. At nang ito’y naganap, nawala ang ligaya, nahalili’y hapis. At ako’y napahiya sa sarili, unang-una. Tumingala ako. Sa kabughawan, sa bunton ng mga ulap, hinanap ko ang Maykapal, ngunit wala siya. Inulilig ko ang kanyang tinig, ngunit biningi ako ng katahimikan. Nasaan ka, Diyos ko? Bigla-biglang sinaklot ng pangamba at agam-agam ang aking katauhan. Mawawala na sa akin ang mga biyayang kaloob ng Maykapal. At nang bumaba ang Serafin, batid kong tuluyan nang nawaglit para sa akin ang Paraiso: Hindi na ako malaya: pagkat alipin na ako ng aking sariling pagkasala.

Sapul noon ay hinanap ko ang kalayaan.

Buhat sa Paraiso, ako at ang aking katambal ay may tataluntuning landas sa paghanap ng kalayaan ng dating kaginhawaan at kaligayahan, ngunit saan? Di ba tanging Paraiso lamang ang katatagpuan ng walang-katapusang ligaya? Sa kabughawan ng langit ay naroon ang nagsasalimbayang mga langay-langayan. Nakikita ko ang langkay-langkay na mga ibon sa kanilang paglipad. Ngunit saan patungo ang langay-langayan? At ako, kasama ang sa aki’y nagbuhay, katulad ng langay-langayan, ay saan patungo? Saan masusumpungan ang ligaya at ginhawa, ang kalayaang sa wari’y tuluyan nang nawaglit?

Ito ang natitiyak ko: habang may buhay , ako’y ako rin: ang tao. At saka ito: ang patutunguhan ko’y walang katiyakan, pagkat inilulunsad ko ngayonang aking daong sa dagat ng pakikitalad; pagkat sa akin at sa kasama ko ay pinid (matutuluyan kayang pinid?) ang Paraiso.

Ang daigdig ay totoong malawak: hindi masundan ng aking paningin ang haba’t luwang nito. Batid ko na kung makalalagos ang aking paningin sa tinutuntungan kong lupa’y hindi maaabot ng tingin ang lalim nito. Sinlawak ng kalupaan ang karagatan. Ang dagat ay tubig. Sinasabing ang tubig ay kristal na napananalaminan. Marahil sa pagiging kristal nito’y makikita ko ang pusod ng dagat, makikita ko ang kagandahang itinatago niyon. Subalit hindi: ang dagat ay singhiwaga ng lupa. Sumalok ka ng tubig, magagawa mo’t masasalat ang kanyang kanipisan, ngunit sa kabila nito’y hindi mo makikita kung ano ang inililihim sa ilalim.

At nauunawaan ko. Mahiwaga ang daigdig, at ako, kasama ang sa aki’y nagbuhat, ay maglalakbay sa dagat ng pakiktalad nang may isang mahalagang bagay na nababatid: kahiwagaan. Kaya marahil hindi ko maware ang sarili: kaya marahil hindi ko nakilala ang tunay kong kaakuhan, pagkat nababalot ng hiwaga ang Tao.

Maganda ang sikat ng araw. Nadama naming ang init. Sumalab sa balat. Sumilong kami sa ilalim ng malalabay na sanga ng unang punong aming natagpuan. Saka lamang kami nakadama ng bahagyang ginhawa. Ngunit pagod na kami. Masakit ang aming mga paa. May galos at paltos na ang aming mga talampakan. Nakadama na kami ng sakit. Wala na nga kami sa Paraiso: doon, ang nayayapaka’y alpombrang malambot, maginhawa. Wala na, wala na kami sa Paraiso. At ngayong tumatagal ang aming inilalagi sa labas na iyon ay nakadarama na kami ng uhaw. Nanunuyo ang aming lalamunan. Patuloy ang paggiti ng saganang pawis. At kumakalam na ang aming sikmura. Ngunit anong hiwaga! Ang punong kinatitigilan namin ay may bungang nakabitin. (“Huwag ninyong kakainin ito.” Walang gayong tinig kaming naririnig. Gaya noong makalimot kami.) iniabot ko yaon: ngunit mataas ang sanga, hindi kayang lundagin. Kailangan kong akyatin ang puno. Ito ang pakikitalad, ito ang pakikipamuhay, ito ang kaalipinan. Pagkat alipin na ako ng aking sarili. Ng daigdig, ng buhay. Hindi na ako malaya.



Noon nagbagu-bago ang anyo ng araw – naroong sumilip, sumikat, kumubli. At nagbagu-bago ang kulay ng langit – naroong bughaw, abuhin, itim. At noon nagbagu-bago ang hampas ng hangin – naroong mayumi, masungit, mabangis. Ang mga ito’y tanda ng kawalan ng katiyakan ng anumang bagay sa daigdig. Ito ang kahiwagaang bumabalot sa lahat ng nilikha.

Noon ko nadama ang puu-puong damdamin. Mga damdaming kay hirap unawain: ito ay kaalipinang pinagdurusahan ng sarili. Gayundin ang nadarama ng katambal ko. Sinimulan naming pagtuwangan ang pakikipagsapalaran, gumawa kami ng masisilungan laban sa init at lamig, laban sa sungit ng panahon at kalikasan. Gumawa kami ng damit laban sa init at lamig, sa panahon at kalikasan. Ngunit ano itong pakikipagtunggali sa kalikasan? Di ba’t sa kalikasan kami nabubuhay? (Ito, ito ang kahiwagaang bumabalot sa katotohanan – nagbibigay-kulay, nagbibigay-ganda, nagbibigay-halaga. Pagkat hindi ba kapag may hiwagang nais liripin, kumikilos ang mga tao, nagpupunyagi? Ang pagsisikap na ito ang pintig ng buhay na lumilikha ng kulay, ganda, at halaga.).

Akong Tao at ang katambal na sa tadyang ko nanggaling ay magkasama habang may buhay sa daigdig. Magkasama kami sa pakikipagtunggali. Pagkat siya rin ang kasama ko sa Paraiso. (Noo’y pawing ligaya!) Ngayon ay hindi ko matingnan ang katawan ng aking katambal. Hindi ko na matitigang matagal ang hubog niyon, pagkat nagdadalang-hiya ako. Ngunit may nadarama akong kakaibang damdamin, hindi yaong pag-ibig na mapagkupkop, malambing, magiliw, kundi mabangis, mapilit, maalab. Gayundin marahil ang nadama ng aking katambal. Kasabay ng damdaming iyon ang kamalayang dadalawa lamang kami sa daigdig (“Hayo at magsupling!”) kailangan naming ng kasama. Nasaan ka, manlilikha! Nasaan ka, Diyos! Narito! Narito! Nasa aking sarili: ako ang manlilikha, ngunit sa aba ko, hindi ako ang Diyos! Ito ba ang bahagi ng pagka-Diyos sa akin? Ang damdaming nadarama ko? Ito na ang pag-ibig sa kanyang lalong makabuluhang katuturan: maalab, mapilit, mabangis!

Ang ikalawang salin ay sa damdaming iyon nagbuhat. Sa ganyan ding damdamin magbubuhat ang iba pang salin. Ang lahat at lahat ay sa damdaming iyan magbubuhat. At ako, na Tao, at siya na katambal ko, ay nagsupling: supling at supling: salin at salin. Ito ang kahiwagaan ng paglikha sa Tao: kayraming kawangis, kahawig: kayraming kawangis ng Diyos, kayrami niyang binigyan ng bahagi ng kanyang pagka-Diyos. Hindi mapupuwing ang katotohanang itong napasaakin: ang pag-ibig ay bahagi ng Diyos na isinapi sa Tao.

Kayraming tao sa daigdig. Kayrami kong kawangis, kayrami kong kawangis, kayrami kong larawan. Dumarami ang sakay ng daong naming nakalutang sa dagat ng pakikitalad at saka nahasik ang iba-ibang damdaming taglay ang hiwaga ng pakikipamuhay. Ang katapat ng pag-ibig ay nabigyang-tiis, naging poot, at saka nag-usbong ang pakikipagkaisa o pagbukod, pakikipagtalik or pakikipagalit. Sumibol ang pakikipag-unawaang naging pakikipag-digmaan.

Ito ang hininga ng buhay: ang pagtigil sa daigdig na ito ay isang malaking pakikipaghamok, buhat sa Paraiso’y napalutang na ako, kasama ang sa aki’y nanggaling, sa dagat ng pakikitalad. Ngunit ano itong pakikipaghamok – pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig? Ito’y pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig. Nababatid ko, sapagkat nadarama ko rin ang iba-ibang damdaming nasaksihan kong nagpagalaw, nagpakilos, sa aking mga supling sa lahat at lahat. Sa Tao.

At habang umiinog ang araw – sumisilip, sumisikat, kumukubli ay nadarama ko ang pagbabago: nasaksihan ko, naririnig ko, nalalanghap ko. Ang mga pagbabagong lalo’t laong naglalayo sa akin sa Paraiso. Nawawala, nawawala nang tuluyan wari ang Paraiso, at ako’y tila ganap nang magiging alipin ng aking sariling nagkasala (ulit-ulit kong sinasabi: Diyos ko, Diyos ko, subalit ang taghoy ay walang tinig.).


Nagbabago na rin ang tanawin. Marami nang gusaling naitayo: bato, kahoy, putik. Ang kapatagan ay pinarikit ng mga halamang tanim ng mga Tao. Ang kagubatan ay unti-unting nahahawan. Subalit Diyos ko, ako man ay nagbabago; nawawala ang dating lakas – tumatakas, tumatakas. Ngunit kailangang maikulong ko sa aking kalamnan ang lakas upang tumibay ang katawan ko sa pakikitunggali sa buhay.

Marami-marami na ang aking mga supling: marami na ang tao. Lumalawak ang sakop ng tao. Ang mga pook-pook ay sumisikip: sa malas ay lumiliit ang kalupaan ngunit kabalintunaan, lumalaki, lumalaki ang daigdig, pagkat nabibigayan niya ng lunan ang lahat. (Ito ang kahiwagaan ng daigdig: may puwang sa kanyang kaliitan ang lahat na parami nang parami: lumalaki, lumalaki ang daigdig at akong Tao ay naiiwang tila butil ng buhanging makapuwing ma’y di makasugat: pagkat alipin. Ang tinig ko’y walang lakas pagkat wala akong laya, taghoy ko’y walang tinig.)

Sumilang ang mga bayan-bayanan. Nakalikha ang mga tao ng mga wika at paraan sa pagsulat, natutuhan ng mga supling ko ang mga makipag-unawaan sa isa’t isa sa pamamagitan ng salita (sari-saring salita) at sulat (sari-saring sulat). Subalit dahil din sa pagkakaibang ito’y ng-uugat ang di-pagkakaunawaang pagkat nawawala ang tatak ng pagkakaisa. Isa pa ring kabalintunaan: bumuo ng salita upang magkaunawaan, ngunit siyang salita ring dahilan ng di-pagkakaunawaan. Bakit ganito? Pagkat sumipot ang pagkakani-kaniya, sumibol ang pagkamakasarili. Ito’y mga tanda ng pagkagapi, ng pagkatalo, ng sarili: napaalipin nang lubos ang tao sa sariling nagkasala, hindi, hindi nga ako malaya!

Nagkaroon ng sariling ari-arian ang tao. May mga kasangkapang tanging kanila, walang makakagalaw. Gaya rin ng karapatang kumilos, lumakad, manahanan, mabuhay na hindi dapat sansalain. Ito’y ipagtatanggol hanggang sa magtigis ng dugo at kumitil ng buhay! May mga kagamitang kanya: iilang malapit sa puso lamang ang makagagalaw. Dito nagbinhi ang inggit at pag-iimbot, pagkat may mga taong nagnanais na magkamit ng ari ng iba. Kung may mga supling akong mapanarili, mayroon pa ring naging mapagkamkam.

Sa salamin ay minasdan ko ang aking larawan, pagkalipas ng maramin-maraming panahon. Nahahapis ako, may pilak na ang aking buhok.


SAAN PATUNGO ANG LANGAY-LANGAYAN?
ni B. S. Medina, Jr.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento