"Ginto! Ginto... Baka po kayo may ginto riyan?"
"Mga mama.. mga ale... ginto...?" ang alok-anyaya ng isang babaing nakakimona at ang saya ay humihilahod sa sakong at siyang lumilinis sa makapal na alikabok sa bangketa.
" Baka po kayo may ginto?" ang muling sigaw ng babae. " Kung may ginto ako bakit ko ipagbibili? Hindi baga mas mahal ang ginto kaysa kwalta?" sambot ng isang lalaki na ang kausap ay ang kaakbay.
Ang kalipunan ng mga taong naglipana sa Azcarraga, Avenida Rizal at Escolta ay mga mamimiling walang puhunan (karamihan) at mga tagapagbili ng mga bagay na wala sa kanila at lalong hindi kanilang pag - aari.
Ang hanapbuhay ng mga ito ay magtala sa papel ng mga bagay na nababalitaang ipinagbibili. Madalian ag kanilang usapan, Mabilis magkasundo. Tiyak ang pook na tipanan sa harap ng isang mesa: sa ibabaw ng umaasong kapeng-mais na pinapuputla ang kulay ng gatas na may bantong gatas ng niyog. Kung sila'y palarin; kakamal ang libo, kung mabigo naman ay gutom maghapon.
Sa tawaran ay hindi magkamayaw. Tingin, tawad, silip, tingin, tawad. Tingin sa singsing, sa kwintas, hikaw, at pulseras.
" Ilang ply, anong sukat ng goma?" usisa ng isa.
" Ano? In running condition ba? Baka hindi, Mapapahiya tayo," ang paniniyak ng isa naman.
" Aba! sinasabi ko sa iyo... garantisado. hindi ka mapapahiya," tugon ng tinanong.
" Hoy,Tsiko, ang iyong lote, may tawad na. Ano, magkano ang talagang atin doon? Mayroon na ba tayo? Baka wala? Ihanda mo ang papel. Bukas ang bayaran. Tiyakin mo lang ang ating salitaan ha? Kahit hindi nakasulat... ikaw ang bahala. "
" Ako ang bahala, boy. Alam mo na ang bilis natin, hindi ka maaano. Hawak natin ang ibon. "
Ang iba ay maingat; gumamit ng mga lenteng maaninag sa mga tapyas ng brilyante. Nangingilag sa basag na bato: iyong may karbon; iyong may lamat. Malulugi kapagka nabibigla sa pagtawad. Sa bawat may lenteng tumitingin ay marami pang taong nakapaligid na nag - aantay na makasilip naman: makatingin at tumawad sa singsing, hikaw at pulseras. Ang init ng araw ay hindi alumana ng mga taong ayaw iwan ang kakapalan ng nagtatawaran ng lupa, bahay, bakal, pako, trak, lantsa, kabayo, makinilya at iba pang mga bagay. Kakain lamang upang magbalik; babalik lamang upang makipag - usap, tumawad, at tumingin. Ang maghapon ay natatapos sa nakapaghihinayang na pakinabang; nauubos upang umasa sa isang kinabukasang marahil ay lalong mapalad at manigo.
" Balut... balut... baluuuut... baluut!"
"Puto... put.., putt... puto." Iyan ang mga tagapambulahaw sa mga natutulog, sa mga may nanlalambot sa tuhod.
" Isang oras lamang, maaari ba? Ipapakita ko lang sa aking buyer. Magugustuhan ito. Cash ngayon din. Iiwan ko muna ang aking tubog sa iyo. May halaga yan. "
" Huwag na. Dalhin mo, Sisirain mo ba ang iyong pangako? Kilala naman kita. Madali ka. Isang oras ang pangako ng aking kaibigan sa may ari nito. Kaya kung dadalhin mo ay sige. Ibalik mo agad aantayin kita. Hindi ako aalis, bago mag-ikalabindalawa.
Humahangos ang pinagbigyan ng singsing. Naglagos sa kakapalan ng mga tao. Madagil o makadagil ay tuloy sa kanyang paglalakad. Hinahawi ng kanyang mga bisig ang mga tao. Isinisingit niya ang kanyang manipis na katawan. Maikli lamang ang palugit sa kanya sa singsing - isang oras. Ang taong humahangos at nagmamadali at tila nakikipag -agawan ng oras ay si Maciong. Kabilang si Maciong sa mga bumibili nang walang puhunan kundi laway at nakapagbili nang wala kundi sa listahan. Isa siya sa mga ahente sa pamilihang- kalye na lalong malaki ang pakinabang sa kanyang listahan kaysa sa tunay na tinatanggap ng kanyang bulsang palaging puno ng bigong paghihintay.
Si Maciong na kasalungat ng katwiran ay bata ni Luisita, ang kanyang kabiyak ng dibdib, ay may paniniwalang ang pananagumpay sa buhay ay nakasalig sa kaunting bilis ng isip na kanyang tinatawag na "abilidad". Ang abilidad na iyan ni Maciong ay siyang ipinangangako kay Luisita. Maipakikilala niya ito sa iba't ibang sukat ng goma; sa mga hawak niyang option sa trak, sa awto, sa bahay, sa lupa at marami pang iba. Iyan ang kanyang inaasahang masasalapi hindi maglalaon. Mga katapatan lamang niya ang kaniyang pinagsasabihan. Baka siya'y maunahan kung siya'y magsasabi. Mabibigo ang kaniyang pangarap. Muli siyang susumbatan ni Luisita.
Nakaraan din si Maciong sa kumukutong mga tao.
" Teng... teng... teng...teng..," ang tinig nang dumaragsang dambuhalang trambya na maraming sakay na hindi makapasok sa loob, tranbiyang tila baga isang kalabaw na 'di makayang lumulon sa sinsamungal na sakate sa kanyang namumuwalang bunganga.
Nangunyapit lamang si Maciong sa tansong hawakan sa tranbya. Doon siya nagpalumaging nakabitin.
" Pasok po sila... pasok po kayo... dito sa loob at maluwag. Pasok..,pasok.,." ang dugtong na utos ng konduktor. Hindi alumana ni Maciong ang pagdudumali ng konduktor. Laging hindi napapansin ni Maciong na ang kanyang pagsambot sa tiket ng isang umibis ay sinusulyapan ng konduktor. Ang pagpasok ni Maciong sa loob ng trambya ay hindi nalingid sa kabatiran ng konduktor. Hindi pansin ni Maciong ang pagpapatunog ng taladro ng konduktor. " Narito, " sabay abot ni Maciong ng tiket na halos mainit - init pa buhat sa kamay ng kaiibis na mapagkawanggawa na sinambutan ni Maciong.
" Hindi ba kapapasok mo lamang?"
" Kanina pa po ako, bumago lamang ng upo. "
" Saan kayo sumakay? "
" Sa trambya, saan pa?"
Hindi napigil ng mga nasa paligid na nakikinig ang pagtatawanan, na naging snhi g pamumutla ng konduktor.
"Saan kang pook ng Maynila, nagsimulang sumakay?" ang buong linaw na tanong ng konduktor sa hangad na makabawi sa pagkapahiya,
"Itinanong mo na kanina iyan," tugon ni Maciong. "Itatanong mo na naman. Ewan ko ba? Tingnan mo sa tiket. Diyan mo iginupit kanina. Hindi ka ba marunong bumasa?"
Naghagikgikan ng tawa ang mga nasa paligd nila na nakikimatyag sa kanilang pagmamainitan.
Buong pagngingitngit na tinitigan ng konduktor ang gusot na buhok ni Maciong. Sinukat ang laki ng bisig nito; hinagod ng malas ang taas at nang ang kanyang mapanuring paningin ay dumako sa kupi-kuping tainga ni Maciong na tila kulubot na sitsarong - Bocaue ay nagkunwang tinungo ang pintuan ng trambya upang makaibis at makasampa ang maraming sakay.
Mag-iikalabing-isa na at kalahati ng tanghali. May kalahating oras pang nalalabi sa ibinigay sa kanyang palugit upang maipagbili ang singsing. Natitiyak ni Maciong ang pakinabang na halos binibilang na niya sa kanyang palad na hindi nag-aamoy kwalta may ilang buwan na.
Nagdudumaling nanaog si Maciong sa Plaza Burgos. Nag-uumihit na sinundan ang isang taong may bitbit na bayong. Tinawag niya sa pangalan ang taong iyon. Lumingon ang tinawag. Nagkakilala silang dalawa.
" Hoy Tasio dala ko ang singsing. Bumibili pa ba ang ating buyer?"
"Aba, eh... kailan ba tayo huling nagkausp? Matagal na. Nawala na sa loob ko. Akala ko'y wala kang makukuha, sayang, nakabili na, Bayaan mo at sa ibang araw."
Hindi makuhang ilabas ni Maciong sa bulsa ang kanyang kamay na buong higpit na nakahawak sa singsing. Naaalala niya at inuulit-ulit ang kanyang gunam-gunam ang "Bayaan mo at sa ibang araw" na katulad na rin ng katagang " mabibigo yata ako magpakailanman." Tinitigan ni Maciong ang pagdaragsaan ng mga tao sa Plaza Burogs. Unahan sa pagsakay sa trambya. Hindi makaigpaw sa itaas ang ga may mahihinang mga tuhod lalong mahihinang bisig sa pagdaraingkilan. Ang mga babae ay naging mapagbigay sa paggitgitang yaon; hindi nila napansin ang pagkaipit ng kanilang katawan sa matitipunong bisig; halos mayupi ang kanilang mga likod-ang dibdib. Ang kutob ng dibdib ni Maciong ay halos magpatahip ng kanyang polo shirt na mamasa-masa na sa pawis.
Sa paningin ni Maciong ay may kulay pa rin ang sikat ng arw, bagama't ang matitingkad na kulay na yaon ay pilit na pinangungupas ng nagsalabat na dilim na pumipindong sa tuktok ng mga nagtatayuang gusali.
Ang tinatahak ni Maciong ay makikinis na mukha ng aspalto na kadidilig pa lamang. Ang ganti ng liwanag buhat sa mararangyang tahanan ay tila matutulis na palasong nagtalusok sa makikinis na mukha ng kalsadang tinatahak ni Maciong.
" Balut... balut... Baluut... baluuut".
" Putooo... putooo... puto... puto..!".
" Maciong, kain na. Malaki ba ang tinubo mo kahapon?" ang naging tanong ni Liusita. " Hindi mo na ako nabigyan ng balato. Ibibili ko lamang ng iyong sapatos."
Nangiti si Maciong. Nalalaman niyang siya ay nililibak o binibiro ni Luisita.
" Maciong, tigilan mo na ang lintik na buy and sell na iyan. Payat ka na, ang pambili mo lang ng sigarilyo ay hindi mo pa makita. Panay lakad... lakad... tuwid...lakad,,. tuwid.. sa libu-libong wala. Nasaan ang iyong lion's share at itong chicken feed ko ang siyang inaalmusal mo. Panay na ang kita ko sa labada ang iyong nginangangahan para kang luklak na ibong nag-aantay ng ngungo ng ina."
" Luisita, masasabi mo ang lahat sapagkat iyan ang iyong nakikita. Hindi abot ng isip mo kung bakit si Pedrong Makunat ay tagapangasiwa ngayon ng Lucky Sport Real State Agency, si Kamelong Palos, hayan... may malaking tanggapan ng bakal at ang halaga ng kaniyang bakal ay sampung ibayo ng kanyang dating puhunan. Sila ay nagsipamula sa walang katulad ko. Si Ruperto, si Mariano, kapwa may bahay na ngayong sarili. Hindi ba ang mga diyablong iyan ay katulad ko rin na nagsimula sa lapis at papel?... at si Calixto, si Melano, aba! Baka masilaw ka sa kanilang suot na brilyante? Mamatahin mo, ngunit mayroong libreta sa bangko. Sila ay para-paraang nauna sa akin, ngunit nahuli ako upang mauna. Hindi sila makatitiyak sa aking abilidad.
" Lubayan mo ako Maciong. Sa abilidad mong iyan, diyan ka magugutom. Kain na. Lalamig ang salabat. Baka naiinip sayo ang iyong kaisplit."
" Nalalaman ko ang aking ginagawa. ang aking kapalaran ay hawak ng aking dalawang palad. Ang daigdig ay nakapaloob sa aking ulo."
" Naku, magtigil ka na, Makita ko. Bagay sa iyo ang magsaka. Doon ka sa gitna ng bukid magbungkal at tiyak ang iyong pakinabang. Hindi mo kami mabubuhay sa swing-swing na iyan. Hindi namin makakain ang lintik na listahang iyan. Magsisilaking tanga at walang muwang ang iyong mga anak." Kumain si Maciong ng walang imik. Ilang subo lamang ang kaniyang ginawa at ilang higop ng kapeng-mais. Kabilang na naman si Maciong sa hukbo ng mga nagbibili at bumibili ng hindi kanila at wala pa sa kanila.
" Tiyak ba ang iyong sinasabi? Malayo ba? Pick-up hane?'
"Oo, pick-up lang. Malapit lang. Tayo na."
Pulu-pulo ang nag -uusap. Kani-kaniyang alok; kani-kaniyang tawad. May humihipo ng singsing. May sumisilip, may lumelente sa maliit na tapyas ng brilyante. Silip.., tingin... tawad... silip... tingin,.. tawad..
" Maciong, ano ba ang iyong line ngayon? Mayroon ka bang buyer na goma ng trak? Mayroon akong dalawampu."
" Ako, kahit anong pagkakasalapian. Totoo ba ang goma mo? Magkano... malayo ba? Tingnan natin," wika ni Maciong.
" Diyan lang sa tabi - tabi, isang libong piso ang halaga ng isa."
" Diyan lamang? Tayo na, tingnan natin. Kung sa bagay dala na ako sa iyo. Madalas kang mag-alok ng wala. Nasusubo ako sa kompromiso sa aking mga kausap. Makita ko muna bago ko ialok."
" Ikaw naman, patay-patay ka." ang salag na kausap. Inialok ko sa iyo ang arina, pinabayaan mo. Ang pako, ang trak, ang makina, at ang makinilya. Mabagal ka naman eh...!"
Hindi pa sila nalalayo sa kakapalan ng mga nagbibili ng wala ay nasalubong ni Maciong ang dati niyang kakilala, si Tasiong Abuloy na lalong kinasusuklaman niya tuwing magugunita ang kanyang kabiguan sa singsing.
" Mayroon ba tayo riyan?" ang bungad ni Tasio.
" May buyer ka ng goma?" " Iyan ang hanap ko.
Nasaan.., ilan... magkanao?"
" Dalawampu... isang libo't dalawang daan ang isa; malapit lang."
" Sold. Kung mapahigit ko sa halaga ninyo ay akin ha? Wala na kayong pakialam sa higit doon... Iba na amg malinawan," pagunita ni Tasio.
" Halika na. Iyong lahat. Hoy, Tsiko, ang sabi mo sa akin ay isang libo lamang." ang bulong ni Maciong sa kanyang kausap. " Wala ka ring pakialam sa labis doon. Hayan".. naririnig mo. Huwag kang magsasalita tungkol sa halaga at bayaran mo. Ako ang bahala."
Dalawang tango lamang ng pagsang -ayon ang iginanti ng kausap ni Maciong. Nagtuloy sila sa isang makipot na lagusan. Tuloy silang pumasok sa silong. Maraming agiw na nagsalabat sa daan. Nabulabog ang mga daga. Ang amoy ng mga lumang kasangkapan ay nakapagpapakalma ng sikmura. Tinalikwas ng nagbibili ang ilang piraso ng yero at nabuyangyang sa kanilang nag-aalinlangang paniniwala ang dalawampung goma ng trak na may balot pang papel.
Lumabas na bigla si Tasio upang tumawag sa telepono. Nakilala ni Maciong ang kaugnayan ni Tasio nang ang goma ay hakutin ng trak. Kitang kita ni Maciong na binibilutan ng sapot ng gagambang bahay ang isang langaw na mabating sa hibla. Habang minamasdan ang agiw na naglawit sa may tagulamig silong na siyang nagpapangit sa silid na yaon ay hindi maubos - maisip ni Maciong kung bakit doon niya natagpuan ang kapalarang ipinagkait sa kanya ng makukulay na sikat ng araw.
Pumailanlang ang isipan ni Maciong. Naririnig ni Maciong ang kiriring ng telepono. Nauulinigan niyang itinatanong kung si Manedyer Maximo Kabangis ay naroon at kung nais bumili ng goma, ng pako, ng langis, ng yero ng trak, ng makina, ng bahay ng lote. Naramdaman ni Maciong na ang hapo at bigong pag-asa niya ay dahan-dahang humihimlay sa malambot na kama. Bumabasa ng pang-umagang pahayagan ang mga paningin ni Maciong na namangha sa isang tagumpay na inaasam-asam at nang ito ay dumating ay hindi niya maunawaan. Naririnig ni Maciong ang awit sa radyo; dinig na dinig niya ang " Tindig, aking Inang Bayan; Lahing pili sa Silangan."
Binalak pa rin ni Maciong na ihagis sa nanlilimahid na kandungan ni Luisita ang bungkos ng mga sasampuing piso. Gugulatin niya si Luisita. Hindi na siya bibili ng lumang damit sa panulukan ng mga daang Asuncio Azcarraga para sa kanyang apat na anak na kailan lamang ay hindi niya kayang ibili ng bago. Ipamumukha niya kay Luisita na siya'y may abilidad.
Nagkukumahog si Maciong nang siya ay umuwi nang tanghaling iyon. Ang biglang pamimintog ng bulsa ni Maciong ay damang-dama at nabubunggo ng kanyang mga hita sa kanyang mabilis na paghakbang. Nakapaglagos si Maciong sa kakapalan ng mga tagapagbili ng wala sa kanila, ngunit di niya gaanong alintana ang mga pagtatawaran, ang pagtitipanan ang pagtutuwid sa ibayong pakinabang. Sa ganang kay Maciong ay kanyang lahat ng mga kalye ng Maynila - ang buong Maynila.
" Mama... mama... genuine camel po... genuine... gen..."
" Hoy, bigyan mo ako." ang tawag ni Maciong." Magkano?" sabay dukot sa kanyang bulsa na naging masikip sa balumbon ng mga sasampuing piso at walang anumang kumuha ng tatlo nito, iniabot sa bata, kinuha ang sangkahang Camel at ang bata ay iniwang tuwid na tuwid.
Mga ilang sandali pa, ang bata ay humahabol kay Maciong upang ibigay ang sukli.
" Mama... ang inyong sukli..."
" Ah! Hindi bale," tugon ni Maciong, " sa iyo na..." ang dugtong pa na ang tinig ay sinadyang ilakas upang marinig ng maraming nagdaraan. Hinigit ni Maciong ang kanyang balikat; tinutop ang kanyang bulsa; tumingala sa langit samantala'y patuloy ang usok ng kanyang sigarilyo at ang alingawngaw ng alukan at bilihan sa pamilihang kalye ay patuloy...
Patuloy ang pagkiriring ng telepono. Ang pukpok na bakal sa hulo, sa liwasan ng lungsod ng Maynila, ay patuloy. Ang mga nagtatayugang gusali ay tila nagbabantang umabot sa rurok ng langit. Ang alimbukay ng aso ng alkohol sa lansangan ay nakahihilo, Tigb ang mga karitela, Punuan ang mga trambya. Humahangos ang mga tao sa lahat ng lansangan ng Maynila. Gumagalaw ang lahat ng bisig, ang lahat ng isip, ang buong katawan ng Maynila.
NAGMAMADALI ANG MAYNILA
ni Serafin C. Guinigundo
Maikling Kwento
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento