SA LAMAY (ni Teresita Tria - Tunay)

Madilim ang gabi, animo'y nakikiramay sa kaanak ni Ka Simeon sa kanyang pagpanaw. Walang tigil sa panaghoy ang naiwang pamilya nang biglang basagin ang gabi ng isang malakas na sigaw: Binggo! Naku, simula na naman ng perya sa lamay. Aba kahit na patay ay nagugulantang at mabubuhay! Tayong mga Pilipino ibang klase talaga. Walang sinasayang na pagkakataon upang makapagpalipas ng oras kahit na sa lamay.

Tingnan mo itong si Etong. Walang tigil sa pag-inom ng tuba. Lasing na lasing. Ang sabi ni Itang malungkot daw. Malungkot? Aba'y may nagdadalamhati bang walang humpay sa kaiindak at kakakanta gawa ng kalasingan. Kung hindi kayang iwasan ang pag-inom( dahil sa maling paniniwala na nakakatulong ito) sige, uminom pero lagyan ng kontrol.



Si Hida naman. Walang tigil sa pagpapatugtog ng anong klase ng tugtog ire, hip hop. Kung makababangon lang ako'y sinita ko na ang batang ito. Hindi kinakailangan ang malungkot na tugtog huwag lamang yaong sobrang maingay na animo'y nasa diskohan ka.

Nakita mo ba iyong pamilya ni Gracia? Sus, walang sawa sa kababalasa ng baraha. At si Goryo, ayun at halos mabalian na ang kamay sa kaaalog sa kanyang palarong binggo. Por diyes at singko, ginawa ng sugalan ang lamay. Sabi nila kailangan daw para kahit paano makatulong sa namatayan ang tong. Wala na kayang ibang paraan?

Si Doray nama'y walang sawa sa kadadaldal. Kanina pa yan. Hindi yata pumunta rito para makiramay kundi para makatsika ang Mareng Anda niya. Bakit kaya hindi man lamang maisipan nito na mag-alay ng panalangin? Alam mo na, para sa ikatatahimik ng yumao.

Hindi naman mapigilan itong si Karya ng kakakain ng biskwit at pansit. Nakalimutan yaang ito'y lamay at hindi piyesta. Aba, kaninang pagdating ay diretso na sa kusina. Mabulunan ka sana at nang matauhan.



Ilang ulit ko nang pinagsabihan itng si Diday na lahat ng okasyon ay may tamang pananamit. Muntik nang atakihin si Ka Delfin nang yumuko ito't pulutin ang nalaglag na kutsara. Ikaw ba naman ang makakita ng malabanos na legs nito na halos litaw na ang langit sa sobrang igsi ng damit, tingnan ko lang kung hindi bumigay ang puso mo.

Tinullugan na ni Elmo ang lamay. Hindi naman bawal o kaya'y masama ang matulog sa lamay. Pumili lamang ng lugar na pahihingahan. Hindi sa kung saan naroon ang labi ng yumao ka pa hihilata. Nagsisikuhan tuloy ang dumarating parang nagtataka kung alin ang totoong patay. ( Aba, iyung hindi naghihilik!)

Kung ganito nang ganito ang buhay sa lamay nakapagtataka ba kung magpakita o magparamdam sa mga naglalamay ang namayapa na? O di kaya'y magparamdam man lamang? Tiyak walang makikipagsiyesta... este... lamay pala sa susunod na gabi kapag nakakita ng multo ang mga ire. Aba hindi ko naman kasalanan kung himatayin sila't manigas sa takot. Ang sarap ng aking higa rito sa aking kabaong, sukat nila akong ginulantang.


SA LAMAY
Teresita Tria - Tunay
Maikling Kwento

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento