Pag-ibig sa Dayuhang Lupa
By Ron Coladilla Mia a.k.a. NiteWriter
Nasanay na maglakbay sa mundo na mag-isa
Walang inaasahan kundi sariling mga paa
Sariling sikap at sariling kayod
Upang pamumuhay ay maitaguyod
Huwarang anak sa kanyang mga magulang
Maasahang kaagapay sa mga kapatid na ang iba’y wala pang muwang
Taga suporta sa kanilang pangangailangan
Takbuhan sa oras ng kagipitan
Sa kakulangan ng kinikita sa sariling bayan
Hindi na napigilan ang pakikipagsapalaran
Sa ibayong dagat siya’y namasukan
Kung saan ang sweldo’y sagana’t mas mainam
Hindi inaasahan na sa kanyang paglalakbay
Doon matatagpuan, magiging kabahagi ng buhay
Pusong matagal nang nag-iisa
Biglang tumibok at nagkaron ng bagong sigla
Sa una’y pinipilit na ito’y pigilan
Iniisip ang maari nitong kahinatnan
Handa na ba siyang muling umibig
O mananatili munang mag-isa hanggang pamilya’y di na gipit
Ilang beses iniwasan ang sigaw ng puso
Nagbingibingihan sa tinitibok nito
Sinubsob ang sarili sa tambak na trabaho
Upang makalimutan ang tawag ni kupido
Subalit bawat hakbang nila’y tila iisa
Animo’y isang kalye lamang at kanilang kilala
Sinadya mang lakbayin ay ibang kalsada
Ngunit sa dulo nito’y sila rin pala ang magkikita
Pareho ang istorya ng kanilang pangingibang bayan
Naglakbay sa dayuhang lupain upang pamilya’y matulungan
Iahon ang kanilang pamumuhay sa kahirapan
Kahit sariling kaligayan ay isakripisyo ng panandalian
Ngunit mahiwaga talaga ang pana ni kupido
Kahit gaano kalayo ang lalakbayin nito
Tawirin man ang dagat sa kabilang parte ng mundo
Masapul lang ang dalawang pusong nakatakdang magtagpo
Ilang buwan ng digahan at pagkakaibigan
Narating din nila ang mabulaklak na tagpuan
Doon ay sabay nilang nilakbay ang bukas
Bilang isang pusong may iisang hangarin para sa pamilya
Pag-uwi sa sariling bayan ay sinalubong ng galak
Mga pamilya nila’y tuwang-tuwa sa kanilang pusong nagkatapat
Pagbibigkis ng dalawa kanilang ipinagdiwang
Walang pagsidlan ng tuwa ang kanilang kasiyahan
Dalawang puso na naglakbay sa magkaibang daan
Nagtagpo sa ibang bayan at doon nagkaibigan
Umuwing mag-kaisa at magkadaupang palad
Pag-ibig ng dalawang bayaning busilak at wagas
Pag-ibig sa Dayuhang Lupa
By Ron Coladilla Mia a.k.a. NiteWriter
Tula
Source : Rojan88.Wordpress.com
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento