HONG KONG HANGGANG BUKAS (ni U Z. Eliserio)

Hong Kong Hanggang Bukas
By U Z. Eliserio


Itinapon ni Culasa ang huling titi sa umaapaw na basurahan. Tapos na ang trabaho n’ya sa araw na ‘yon.

“Sa tao yata ‘yun,” sabi ng janitor, si Abigail. Buong araw nakatindig lamang s’ya, habang pinaghihiwalay ni Culasa ang mga titi. Trabaho ni Abigail na itapon ang laman ng basurahan.

Tumayo si Culasa sinuri ang bundok ng mga titi. Nang makita n’ya ang kanyang hinahanap hinalikan n’ya ito. “Oo nga ‘no?” Inilagay n’ya ito sa kaldero, kasama ang lampas isang dosenang kauri nito. “Naku, salamat ha?” Dagdag kita rin ‘yon.”

“Ok lang ‘yun. Nga pala, gusto mong magkape paglabas natin dito?” Umubo si Abigail, sabay buhat sa basurahan.

“Sige ba!”

“Kita na lang tayo sa labas.”

Sa lababo naghugas ng bibig at mga kamay si Culasa. Pagkatapos bumanyo s’ya. Gusto sana n’yang magpalit ng damit para sa paglabas nila ni Abigail, pero hindi s’ya nakapagdala ng extra t-shirt. Kagabi kasi s’ya naglaba, at lahat ng maganda n’yang pangtaas ay kasalukuyang nasabit sa sampayan sa banyo ng kanyang apartment.

Kulay regla ang langit ng Hong Kong nang magkita silang dalawa sa labas ng dambuhalang gate ng Hau Industries. Panay tamod ang pantalon ni Culasa. Magkahawak-kamay suroy-suroy sila sa mga walang lamang kalsada.

“Ok ka ba sa Mang Jenny’s?”

Tumango si Culasa at pinisil n’ya ang kamay ni Abigail. Trapik ang kanyang isipan, sa mga araw na ‘yon. May sulat na dumating galing Manila. Nakabuntis ang kanyang bunsong kapatid. Maaari ba s’yang magpadala ng pera para sa kasal, o sa aborsyon, tanong ng kanyang ina.

Sa TV kagabi napanood n’ya ang pambobomba sa United Arab Emirates, kung saan s’ya dapat nagtrabaho kundi lang mga sinungaling at magnanakaw ang mga tao sa Nolasco Recruitment Agency.

Pinakamalala ang mga bituin. Kung ano ang sinasabi ng mga ito sa kanya gabi-gabi. Mula pa nang dumating s’ya, anim na buwan na ang nakalilipas. Hiling ng kanyang puso na dumating na ang mga kamatayang ibinababala sa kanya, nang tumigil na ang mga signos ng mga bangkay.

Si Mang Jenny, kwento ni Abigail nang unang date nila ni Culasa, ay apo ng isang janitor na umasenso sa Hong Kong ilang dekada na ang nakalilipas. Noong bata pa’y payatot ito, ngayo’y tabatsoy na ‘tong balbasarado. Medyo may kuba, kasal ito, tulad ng lolo, sa isang Briton.

“Hay naku, Cu, h’wag mong sabihing magpapaloko ka rito kay Ab?”

Umupo sila sa tapat ng counter, magkahawak kamay.

“Mang Jenny naman,” sabi ni Abigail, “wala namang siraan!”

Nagtawanan silang tatlo.

“Matalog po Mang Jenny,” sabi ni Culasa, “tig-isa kami.”

Tumungo sa ref ang lalake. “Anong klaseng mata?”

Nagpalitan ng tingin ang dalawang babae. “Kambing po,” sabay nilang sagot.

“Espesyal na okasyon ba?” Nag-astang immigration officer si Mang Jenny, nanlalaki ang mga mata, nakataas ang ilong, ngising aso. “At ano namang klaseng itlog?”

“Pato,” sabi ni Abigail.

“Manok syempre,” sabi ni Culasa.

Nagsimulang magluto si Mang Jenny.

Bumaling si Culasa sa kanyang kasama, na nakatutok kay Bill Hung sa TV. “Banyo lang ako,” sabi n’ya, sabay pisil sa kamay ni Abigail. Pinasok n’ya ang loob ng Mang Jenny’s, binati ang mga silyang walang nakaupo. Halos laging patay ang restawrant. Nasa dulo nito ang banyo, at si Culasa lang ang tanging gumagamit nito.

“Eto na namam tayo,” isip n’ya, sabay tulak sa pinto at bukas ng ilaw. Ang sahig, mga pader at kisame’y puno ng mga ipis.

Unang beses na nakita n’ya ang mga ito, sa unang linggo n’ya sa Hong Kong, sa una nilang date ni Abigail, tumakbo s'yang sumisigaw pabalik sa counter saka sumuka.

Ngayong sanay na tuloy lang s’ya sa inodoro, napapangiwi na lang sa bawat katawang napipisa. Kilala na s’ya ng mga ipis, at hindi na sila dumadapo sa kanyang buhok. Tulad din ng maraming bagay sa Hong Kong, napamahal na ang mga ito sa kanya.

Pagbalik n’ya sa counter nakahanda na ang kanilang hapunan. Sa gitna ng kanyang sunny side up, sa ibabaw ng dilaw ng itlog, naroon ang mata ng kambing.

“Kape o.” Inabutan s’ya ng tasa ni Abigail.

Humigop si Culasa. “Salamat, salamat.”

Tahimik silang kumain, habang pinapanood ang patalon-talon ng channel ni Mang Jenny. Minumura nito ang bawat programang madaanan.

May imaheng humili sa mga mata ni Culasa. “Teka lang po, pakibalik sa channel na ‘yun.”

“Alin,” tanong ng lalake, “‘to?”

Tumango si Culasa.

“At ano naman ang—”

Nakita nilang sabay-sabay. Video ng lalakeng nakaskimask, tinataga ang leeg ng isang babae. Nagsasalita ng Mandarin ang reporter, voice over. “Filipina” at “UAE” lang ang kanilang naintindihan. Mahirap manood ng balita sa Hong Kong.

“Napanood ko na ‘yan.” Tuloy ang paglilipat-lipat ng channel ni Mang Jenny. “Ayan, videoke!” Inilabas n’ya ang kanyang mike at nagsimulang humiyaw ng “Country Roads, Take Me Home.” Nagmadaling kumain ang dalawang babae, para makasali sa pagkanta.

Toka ni Culasa ang paghahatid sa gabing iyon, ibig sabihin kakailanganin nilang dumaan sa mga abandonadong bahagi ng distrito. “Ano raw ‘yung pangalan ng pinugutan?” Naglalakad sila ngunit hindi hawak kamay.

“Hay naku, Cu, kalimutan mo na ‘yun.”

“May kaklase ako, katulong sa UAE.”

“O, e nars naman ‘yung pinugutan.” Tumigil sa paglalakad si Abigail. Nakapamewang sabi n’ya, “At kung s’ya man, pasalamat ka pa rin hindi ikaw!”

Tumigil na rin sa paglalakad si Culasa. “Nalulungkot lang ako, Ab. Filipino ‘yung pinatay.”

“E ano ngayon? Araw-araw may namamatay sa gutom sa India!” Kinuha ni Abigail ang kanyang kamay. “Ganyan lang siguro ang buhay. May umaalis, may naghihintay.”

“Ayokong pugutan ng ulo, Ab.” Lumayo si Culasa. “Ayoko!” Pumikit s’ya at tumakbo.

Ang una n’yang nakita pagmulat n’yang muli ay ang mukha ni Abigail.

“Bumangga ka sa poste.”

May ice bag sa kanyang noo.

“Diyos ko naman kasi.”

Sinubukang tumayo ni Culasa, imbes dahil sa kirot sa kanyang leeg napasigaw s’ya.

Hinaplos ni Abigail ang kanyang kamay. “H’wag ka na ngang makulit.”

“Bawal ‘to,” sabi n’ya, “Masesesante tayo.”

Hinalikan s’ya ni Abigail sa ilong. “Bawal pag nahuli.” Inabutan s’ya nito ng baso at dalawang tabletas.

“Pampatulog?”

“Pangtanggal ng sakit.”

Ininom ni Culasa ang gamot. “Salamat, salamat.”

“Wala ‘yun.” Tumayo si Abigail. “Dyan ka lang, gagawa lang ako ng sandwich.” Umuubo, tumungo ito sa kusina.

Walang nagbago sa apartment. Mas malaki nang konti sa kanya, dahil delikado sa kalusugan ang trabaho ng kanyang kaibigan, at mas malaki nang konti ang bayad kay Abigail. Nakahiga s’ya sa sofa. Puno ng sofa ang sala. Binili ni Abigail ang mga ito mula sa isang opisina, dalawang taon na ang nakaraan, nang ideklarang kailangan nang wasakin ang gusali.

“Magkano naman?” tanong ni Abigail noon.

Katakataka ang sagot: “Murang-mura!” Filipino pala ang manager, binigyan sila ng discount.

Nang una n’yang pasukin ang bahay ng kaibigan, nakitulog s’ya. Sa sumunod na umaga binalaan s’ya ng kanyang boss: maulit pa ‘yon ipapadeport s’ya. Kung paano nalaman ang kanilang ginawa walang may gustong magsabi sa kanya, ngunit suspetsa ni Culasa alam ito ng lahat.

“Ituloy natin ‘to,” sabi noon ni Abigail.

Walang pag-aalinglangan si Culasa. “Sige, pero hanggang hatid lang ha?” Yakap ang pirma sa kanilang pasalitang kontrata. “Mag-ipon tayo, tas uwi. Sa Pilipinas tatanggapin tayo.” Hindi sumagot si Abigail.

Bukod sa mga sofa, panay din TV ang sala. Pati ang banyo, pati ang tulugan. Walang gumagana, kahit isa. Koleksyon ni Abigail. Binibili n’ya sa junk shop, minsan dalawang beses isang linggo. Nililinis s’ya, pagkatapos pinipinturahan, pink, dilaw, lila. Pagkatapos, bibigyan n’ya ng mga binti, na s’ya mismo ang lumilok mula sa kahoy. Ang iba nama’y nilalagyan n’ya ng pakpak, mula sa mga balihibo ng manok mula kay Mang Jenny. O di kaya’y winewelding n’ya sa gulong ng bisekleta. Iba-iba. May pangalan si Abigail para sa bawat isa.

“Ab?” sabi ni Culasa. “Ab? Pahingi na ring gatas. Ab?”

Walang sagot.

“Titi ng Ama Ab, walang takutan!” sigaw n’ya. “Pag eto biro break na tayo!”

Itinulak n’ya patayo ang kanyang sarili. Tinanggal ng gamot ang sakit, ang kaso, wala na rin s’yang balanse. Kung hindi s’ya sa isa pang sofa bumagsak, putok sana ang ulo n’ya sa sahig.

Hindi makatayo gumapang s’ya papuntang kusina, panay ang tulak sa mga nakaharang na TV. Natagpuan n’ya ang walang malay na Abigail sa sahig, kutsilyo sa kanang kamay, keso sa kaliwa, tumutulo ang plema mula sa bibig.

“Salamat sa Diyos bunggalo ang bahay mo!” Tulak lang ang gamit ng mga binti, hinila ni Culasa ang kanyang sarili, at ang katawan ni Abigail, mula bahay nito hanggang ospital. Inabot sila ng halos apat na oras. Buti na lang walang ulirat si Abigail, sugat-sugat ito sa aspalto ng mga kalsada. Sa kanilang paglalakbay isang sasakyan lang ang kanilang nakaenkwentro, taxing tinalsikan pa sila ng tubig-baha.

Nang mabawi ni Culasa ang kakayahang makatayo tulog pa rin si Abigail. Nasa kwarto sila na para sa limang tao, pero wala nang ibang pasyente. Wala ring doktor.

“Ab, Ab. Titi ng Ama Ab,” sabi ni Culasa, “umuwi na lang tayo ng Pilipinas.”

May dumating na nars, Filipino. Kulay ng buhok ang batayan ni Culasa, bago pa man magsalita ang lalake. May hawak itong clipboard. “Magkasama kayo kanina?”

Tumango si Culasa, sabay ngiwi dahil sa kirot.

“Bawal ‘yon.”

Tango ulit. Sakit ulit.

“Isusulat ko rito natawagan ka n’ya bago s’ya himatayin.”

“Wala kaming telepono pareho.”

“Titi ng Ama,” sabi ng nars. “Bahala na. Pag may ibang nagtanong, galingan mo ang pagsisinungaling. Kundi lahat tayo tigbak.” Umalis na ito.

Noong nasa Pilipinas pa s’ya, panay ang mura ni Culasa sa lahat ng nakikita n’yang nagpapablonde ng buhok. Sa Hong Kong dalawa ang kanyang nakilalang ganito. Ang isa’y gusto n’yang laging hawak ang kamay. At ang isa naman, kakakilala n’ya pa lang, gusto n’yang halikan ang mga paa.

Bago mag-alas dose nagbalik na ang ulirat ni Abigail. Pinakawalan s’ya sa sumunod ding umaga. Binigyan s’ya ng dalawang araw na pahinga ng Hau Industries, at pagkatapos ng isang linggo pa’y sinesante.

Inalok kay Culasa ang posisyon ng janitor. Tinanggap n’ya ito. Kailangan nila ng pera.

“Magagaya ka lang sa ‘kin,” sabi ni Abigail. “Umuwi na lang tayo.” Nakabalandra ito sa sofa.

“At ang mga sofa mo? Ang mga telebisyon?” Nagpaplantsa ng uniporme si Culasa. Ikalawang linggo n’ya sa pagiging janitor. “Pag gumaling ka na, makakapagtrabaho ka uli. Mag-ipon tayo. Kahit pambili ng jeepney man lang. Saka tayo bumalik ng Pilipinas.”

Nagsama sila pagkatapos ng aksidente. Syempre, bawal. Walang trabaho, hindi na kaya ni Abigail rumenta ng apartment. Sa sweldong janitor kaya ni Culasang buhayin silang pareho.

“Hindi na ako gagaling.”

“Titi ng Ama Ab.” Ibinato ni Culasa ang plantsa sa isang telebisyon. “Sabi mo hindi mo ako papaiyakin.”

“Ayokong mamatay sa Hong Kong.” Nagsimula itong umubo.

Pinulot ni Culasa ang plantsa. “Tibay ni Mimi, hindi man lang nagalusan.” Hinimas n’ya ng pakpak ng TV. “Magpahinga ka ha? Tas mamaya magluto ka. Gusto ko masarap ang hapunan natin.” Nag-uniporme na s’ya at umalis, tangay-tangay ang mga ubo ni Abigail sa kanyang ulo.

Sa Hau Industries pinalitan n’ya si Abigail. Si George naman ang umukopa sa kanyang posisyon. Tuwid ang kanyang tayo habang hinahalikan ng lalake ang mga titi sa mesa. Mabagal ito sa paghihiwalay, madalas nakakalimutan na sa bowl inilalagay ang mga titi ng tao. Ganito tumakbo ang kanilang unang araw ng magkasamang pagtatrabaho:

“Kaming mga Sta. Ana ay galing Bulacan,” he said. “Siga ang tatay ko dun. Tatlong taon ang napatay bago makulong. Ang nanay ko naman mama—”

“George!”

May titi ito sa kamay. “Cu?”

“Ang trabaho mo ay umamoy ng titi, hindi ang magkwento.”

Matagal sila bago mag-usap muli.

Pero hindi 'yon inalala ni Culasa. Mas marami s'yang mas malaking problema.

Madalas uuwi si Culasa para matagpuang walang hapunan at puro suka ni Abigail sa mga sofa. Parati nitong iyak: “Bakit hindi ako dinedeport?”

Alam ni Culasa ang sagot pero hindi n’ya kinukwento.

Nang matanggap n’ya nang hindi na kailanman gagamitin ng kanyang kaibigan ang kusina nagsimula s’yang dumaan sa Mang Jenny’s para bumili ng kanilang paboritong matalog. Mabilis ang pagkain ni Abigail pag ito ang pasalubong, na ikinatutuwa naman ni Culasa, bagaman sa suka lang ito lahat nagtatapos. “Kaysa naman hindi s’ya kumakain,” bulong n'ya sa sarili.

Isang gabing walang bituin at bagong buwan, imbes na kunin agad ang kanyang take-home, sumaglit ng tingin si Culasa sa TV ni Mang Jenny. Nakilala n’ya ang mga gate sa report. Gintong may malaking “H.” “Saan po ‘yan?”

“Sa inyo?”

“Ba’t andaming pulis?”

“Para bugbugin ang mga nagrarally.” Nagkamot ng ilong ang lalake. “Niloloko mo ‘ko Cu?”

“Po?” Fumeyk s’ya ng tawa. “Ay, opo. Kayo naman o, di na mabiro.” Kinuha n’ya ang nakaplastic nilang hapunan. “Sige po, mauna na ‘ko.”

“Ingat.”

Mag-isa si Mang Jenny nang iwan n’ya ito.

Nang marating n’ya ang kalyeng walang poste ng ilaw napansin n’yang may sumusunod sa kanya. Dalawa! Nang ilang metro na lang ang layo ng mga ‘to tumakbo si Culasa.

Hinabol s’ya ng mga ‘to. “Tigil!” sigaw ng lalake.

“Titi ng Amang magnanakaw kababayan ko pa man din,” isip ni Culasa. Nabitawan n’ya ang mga matalog. “Bilis mga paa!”

“Sandali lang!”

Kumaliwa s’ya sa kanto.

“Mag-usap tayo!”

May ilaw sa kalyeng iyon. Doon n’ya piniling lumaban. Nabigla ang dalawa sa kanyang pagtigil, at nagawa n’yang bayagan ang isa. Hindi n’ya ito nagawa sa isa pang nanghahabol. Babae ito. “Kilala kita?” tanong ni Culasa. Nakataas pa rin ang kanyang mga kamao, handa pa ring sumipa ang mga paa. O tumakbo. Oo, kilala n’ya ang babae. Janitor din ito sa Hau Industries too. “Jessy? Jessica?”

“Ako si Kathleen. Pareho tayo ng trabaho.”

Ang lalake ay si George. Plakda ito sa kalsada.

“Gusto ka lang naming maka-usap,” Kathleen said, “tungkol sa unyon.”

Tinajakan n’ya ‘to sa mukha.

Bagsak si Kathleen.

“H’wag n’yo akong isama sa katarantaduhan n’yo!” Gusto nang umiyak ni Culasa. Matagal pa ang sweldo. Sayang ‘yung matalog. Pera ‘yon. Buhay nila ni Abigail ‘yon. Mabagal ang lakad n’ya pauwi.

Isang kanto ang layo mula sa kanilang bahay narinig n’ya ang mga sirena. “Ab!” Tumakbo s’ya papunta sa kanilang apartment. “May sunog! May sunog!” isip n’ya. Sa kanyang imahinasyon dire-diretso s’yang tumakbo paloob, hindi man s’ya makahinga sa usok, lamunin man s’ya ng apoy.

Pulis at ambulansya ang kanyang natagpuan sa labas ng kanilang apartment. Isang dosenang usisero ang nakapaligid sa mga sasakyan.


“Titi ng Ama! Nahuli kami!” Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ni Culasa. May bangkay sa stretcher, may taklob ditong puting tela.

Pinilit n’yang mapalapit sa patrol car.

Blonde ang isa sa mga pulis.

“Kababayan! Kababayan!” sigaw ni Culasa rito. Pasakay na ito ng kotse, blanko ang tingin nang lapitan n’ya. “Kababayan!” Ngising aso, pumasok ang kotse sa sasakyan. Bumulusok ito palayo.

Hahabulin sana ni Culasa ang ambulansya pero wala na rin ito.

“Anong nangyari? Mga kapit-bahay, anong nangyari?” Pauwi na rin ang mga usisero, at wala naman s’yang nakitang blonde sa mga ito. “Mag-isa na s’ya sa Hong Kong.”

Napaupo si Culasa sa asplato. Tulo-uhog.

Mula sa kanyang likuran may nagsalita: “May nagsasama kasing dalawang babae sa apartment na ‘yon. Idedeport sana. E nanlaban, ayun. Patay.”

Mabagal ang pagtingin ni Culasa patalikod. Ayaw n’yang maniwala. Baka pantasya lang n’ya ang tinig.

Pero hindi, hindi. Hindi lang pantasya. “Ab! Titi ng Ama, Ab! Akala ko nawala ka na sa ‘kin!”

Lumuhod si Abigail at nagyakapan sila. “Bungag ka talaga Cu, dalawang kanto pa ang layo ng bahay natin!”

“Ha?” Napatingin si Culasa sa gusali sa kanilang harapan. Dalawang palapag ito. “Oo nga ‘no?”

Nagtawanan sila.

“Cu?”

“Ab?”

“Umuwi na tayo. Hindi ko kaya rito. Hindi nabubuhay ang tao para umamoy ng titi.”

“Hindi na naman—”

“O magbantay sa nang-aamoy ng titi.”

Tumango si Culasa. “Sige. Bukas na bukas din.” Hinigpitan n’ya ang yakap sa kaibigan. “Pero dito muna tayo, upo lang tayo.”

Hinalikan s’ya ni Abigail sa ilong. “Kumusta araw mo?”

“Ayun, nambayag ng katrabaho. Nagmakaawa sa pulis. Nanood ng TV.”

“Nanood ka ng TV habang inaaresto ako?”

“H’wag kang magsimula. Isang minuto lang ako sa Mang Jenny’s. Hinintay ko lang ‘yung order.”

“Kumusta mga ipis?”

“May napatay na naman ako kanina.”

“Ganun talaga pag ipis.”

“Oo.” Lalong humigpit ang yakap ni Culasa kay Abigail. “Oo, ganun talaga pag ipis.”


Hong Kong Hanggang Bukas
By U Z. Eliserio



Source : Kwentong-U.Blogspot.com

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento