DILANG ANGHEL (Ni U Z. Eliserio)

Dilang Angel
BY : U Z. Eliserio


Muli't muli akong bumabalik ng Marikina. Pilit kong inaalala ang laging walang lamang KFC kung saan tayo laging kumakain, ang katapat nitong Immaculate Conception Church na dalawang beses nating binisita, ang palengke ng Concepcion, ang tanging malinis na palengke sa Pilpinas. Sa isip ko'y lagi-lagi akong sumasakay sa mga pink na Cubao-SSS Village jeepney, sasabihin ko, "Para po, para," pero di titigil ang sasakyan hanggang di ko binabatak ang tali sa kisame. Sa panaginip na ito'y daraanan ko ang junction na may Meralco office, Jollibee at Caltex, mga institusyon ng kapitalismo na umusisero nang minsang mag-away tayo sa kalsada. Pagkatapos makikita ko ulit ang bahay nina Karina, magtatanong ako sa sarili kahit minsan ba'y nagselos ka sa multo n'ya. At naroon ang Our Lady of Perpetual Succor na sabi mo'y hawig sa Enchanted Kingdom, kung saan gusto ko sanang mag-apply bilang guro para lang mapalapit sa iyo.

Kung nangyari kaya iyon, kung di ako tumuloy ng UP Los Baños, ano kaya ang naging kinabukasan natin? Walang sagot ang mga tanong at lumampas na ang jeepney sa waiting shed kung saan umiyak si Aiko dahil gumamit ng puta ang boyfriend n'ya ng limang taon. (Pare-pareho talaga ang mga lalaki.) Kakaliwa kami at ito na ang Rainbow Street, makulay pa rin ang mga bahay at buhay, tulad ni Sonny Parsons na tatakbong Mayor sa darating na halalan. Naalala ko nang ituro mo sa akin ang mismong lugar kung saan n'ya binaril ang tatlong magnanakaw na lumoob sa kanilang. Naalala ko nang sabihin mong crush mo ang anak n'ya noong schoolmate mo sa Infant Jesus Academy at 'yun pala'y nasa likod natin sa FX. At ito ang Ivory Street na di ko dapat lampasan kasi bahay n'yo na. Minsan nang dumalaw ako sa inyo lumampas ako at napahiya ako sa driver at paikot-ikot pa kami hanggang sa makita ko ang bahay n'yo at bumaba akong masayang-masaya kasi natagpuan na kita at ikaw ang aking tahanan.

Itutulak ko ang kalawanging gate at naroon ang puno kung saan ang kuwento mo’y may swing na ginawa ng Lolo mo noong bata pa kayo. Maririnig kong muli ang kahol ng inyong aso na minsa’y nakawala at hinuli ng Dog Pound at huli na nang subukan n’yong tubusin. At bubuksan ko ang bulok n’yong pinto na dati’y apat ang lock dahil paranoid ang tiya mo at adik ang tiyo mo. Maaalala ko ang inyong mga sofa, lahat amoy ihi dahil sa tiya mo ulit, kung saan kita pilit na hinuhubaran. Sasabihin mo patayin ko ang ilaw at ibaba ko ang blinds sa bintana pero ayaw mo pa rin. Kung nasa mood ka lilipat tayo sa inyong kuwarto.

Ang inyong kuwarto: double deck at isa pang kama, ikaw ang nasa pangtaas na higaan kaya madalas ang nakukusot ay ang bed sheet ng ate mo. Sa paligid ang mga librong regalo ko sa iyo. Sa isang kanto’y ang computer na iniiwan nating nakabukas para kunwari pag may dumating nagta-type lang tayo. At sa pader, ang pekeng bulaklak na bigay sa iyo ni Maynard. Abo na lang ito, tulad nating tatlo.

Di ako nagtatagal sa kuwarto, di naman iyon ang dahilan kung bakit kita minahal, kahit na sa dulo nagmukhang ganoon. Sa sala naman tayo naging magkaibigan. At di lang naman lampungan ang ginawa natin sa sofa. Doon ko rin hinawakan sa unang beses ang iyong mga kamay, at nalamang di mo pala kayang tumingin nang tuwid sa isang taong tumititig sa iyo. Sa sofa kita inakbayan habang nanonood tayo ng Matrix pagkatapos ng dalawang buwang di pag-uusap. Mula sa sofa pinanood kitang magsampay isang araw. Umalan pagkatapos mong magtrabaho, at tinulungan kitang kunin ang mga damit at panty n’yo. Sa sofang ito rin nakatulog ang pinsan mo. Binuhat ko s’ya di ba? Papunta sa kuwarto nilang mag-ina. Pakiramdam ko noon, mahal mo na rin ako.

Kaya bang magpatawad ng mga patay? Kausap kita ngayon, ngunit di ka sumasagot. Maputla ka na, sinta, bagaman kumikinang ang braces mo. Multo ka na’y coño ka pa rin. Ako itong buhay ang patuloy na nilulunod ng kajologan ng mundo. Ganda lang ang kinuha ng apoy sa iyo.

Alam ko kung bakit ako narito, ngayong hapong ito, isang hapong walang pinag-iba sa mga hapon noon, noong hinahatid pa kita. Sa alaala ko’y di itim ang mga pader, di masangsang ang hangin. Bakit mo ba di pa puntahan ang nanay mo? Bakit ba patuloy mo pa rin akong tinatawagan? Samantalang noo’y ang hirap mong pasagutin, sa text at sa aking alok ng pag-ibig.

Ang mga multo ba’y nakakaalala? Naalala mo ba ‘yung kuwento ko tungkol kay Karina? Dulo ng Sityembre noon. Hapon, dumating ako sa UP naka-all black. Naroon din si Angelo. Break na sila pero kunwari magkaibigan pa rin. Sinabi ko kay Angelo na h’wag muna n’yang kausapin si Karina hanggang Oktubre. Di lang kasi ako masagot ni Karina dahil nanggi-guilt trip ang mukhang Smurf n’yang ex. Naisip mo ba ang sarap ng pangyayaring ‘yon, sa kuwento ko sa ‘yo, nang umoo si Angelo. Ngiti ang buong mukha ko. Sabay kaming tatlong sumakay papuntang Marikina, hindi sa kolorum na Tumana kundi sa legal na Katipunan. Dalawang sakay ‘yon pero sa unang beses na paghatid ko kay Karina pakiramdam ko kami na talaga.

Alam mo naman ang katapusan ng kuwentong ito, ang pagpunta namin sa Cow Park, sa McDo. Sabi ni Karina kay Angelo habang katabi ko s’yang kumakain ng French fries: “I gave you something, and you wasted it.”

Ang sarap ng pagkain, ang lamig ng Coke. Ang kaso’y humarap si Karina sa akin. “We won’t talk until October.”

Hindi ko naintindihan. Tatlong buwan ang binigay ko para lang paghiwalayin sila. Kinupal ko ang best friend ko para sa kanya. Sabi ko: “I love you.”

“You don’t love me.” Isipin mo ‘yon! Sa McDo n’ya sinabi ‘yon sa ‘kin, sa McDo!

Naglakad kami papuntang bahay nila Karina. Pumasok si Angelo sa loob, nagcomputer. Sa labas kami nagdramahan. Umuulan. Pinayungan ko s’ya. “Say it again,” sabi ko. Baka pag pinaulit ko’y magbago.

“You don’t love me.”

“Say it again.”

Alam mo naman di ba, kung anong nangyari? Limampung beses kong pinaulit sa kanya, at limampung beses n’yang inulit. Pagkatapos pumasok s’ya sa bahay at pareho kami ng FX na sinakyan ni Angelo pauwi.

Tumawa ka yata, oo tumawa ka nang ikuwento ko sa ‘yo ‘yon. Sabi mo, mahilig ka sa TV pero hanggang palabas lang dapat ang drama. Sabi mo ayaw mo sa drama. Kaya pinilit kong h’wag maging madrama ang kuwento natin. Patawad di ako nakatupad.

Minsan tinanong ko sa iyo: “Ano ang kaibigan?” Umiinom ka ng Coke noon. Sa kakatawa, lumabas sa ilong mo ang Coke. Pero sumagot ka sa tanong ko. “Ang kaibigan,” sabi mo, “ay hindi ‘yung kausap mo araw-araw, o kasama mo lagi-lagi. Ang kaibigan ay ‘yung taong nagparamdam sa ‘yo, kahit sa isang sandali, na walang problema sa mundo, na kumpleto na ang iyong buhay, at puwede ka nang mamatay at maglaho, dahil nakaramdam ka na ng kasiyahang di mapapantayan ng kahit langit.”

Patawad hindi ako naging kaibigan sa iyo.

Nag-away tayo noon, hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil panlimang beses mo na akong binasted. Mahirap kasi ‘yung sampung buwang panliligaw. Ikaw din kasi ang may kasalanan, kasi pumayag kang magpahalik sa suso at puke. Akala ko, may ibig sabihin iyon. Akala ko, may pinatutunguhan tayo. Di ko naman akalaing si Maynard ang mahal mo. Alam ko naman ang ibig sabihin ng “You don’t love me” ni Karina. Ang ibig sabihin niyon ay “I don’t love you.” At iyon, iyon din ang sinabi mo sa akin. Iyon ang dahilan kung bakit ako nagpunta sa puta.

Muli ko bang ikukumpisal ang nangyari? Sige, mukhang iyon naman ang pinarito ko. Sasabihin ko bang muli na nagpasama ako sa pinsan kong si Bildad? Na ang pinili kong puta’y ‘yung kabaligtaran mo? Payatot, singkit, mahaba ang buhok? Ay teka, nasabi mo na nga pala nung huli kong dalaw. Hindi nga naman ‘yon kabaligtaran ng iyong hitsura, kundi parodiya. Eksaherasyon ng iyong ganda. Kaya buto’t balat, kirat at nakawig.

At muli ko bang sasabihing sa Quezon Avenue namin siya pinulot, na malamig sa FX ni Bildad? Muli ko bang idedetalye ang pakikipagdebate dahil ayaw niyang sa bahay ko gawin? (May kaibigan daw kasi s’yang tumuloy sa bahay ng lalake, binugbog at ninakawan ng cellphone.) Muli ko bang papahabain ang puntong ito para hindi tumuloy sa dulo ng kuwento?

Sa Cubao din kami napunta, sa mamahaling motel. Nakakalungkot na mas mahal pa ang putahan kaysa sa puta.

Ayoko nang ituloy.

Tulad din noon, ayokog ituloy.

Pero napasubo na e. Nasubo na n’ya ang titi ko. At sige, hindi naman ako ang biktima. Sa akin ang hawak at haplos, ang lamas at yapos. Sa akin ang yakap at halik, ang suso at pigi. Ipagmamalaki ko bang muli ang mala-feminista kong pagpapahaba ng foreplay? Ang aking pagtatangkang makipag-usap? Kung paanong tatlong beses ko s’yang pinagbihis kasi gusto ko sanang magroleplay: ako si U, at s’ya ikaw at nagtapat na naman ako ng pag-ibig at imbes na pagtanggi’y paghubad ang nakuha kong sagot.

O sige, hindi tatlong beses.

Lima.

Lima, tulad ng nangyari sa totoong buhay, limang paghindi.

At sa ikaanim na beses, iyon na nga. Nang titigan ko s’ya’y hindi s’ya yumuko. Nang amuyin ko’y hindi nagreklamo. Nang dilaan ko’y bumulong ng kung ano-ano. Nang kagatin ko’y nangagat.

Ipinakita ko ba sa iyo ‘yung chikinini? Naging ganoon na ba ako kalupit?

Unang beses kong manghawak nang pisngi, ng tiyan, ng hita, ng kamay nang hindi nagmamadali. Unang beses kong manghalik ng pusod at puke na walang naiinis. Unang beses kong nagtanggal ng brief na walang sumisigaw ng “Isuot mo ‘yan! Isuot mo ‘yan, manonood tayo ng TV!”

Unang beses kong subukang magmahal nang hindi ko mahal.

Hindi ko s’ya inibig. Pero, oo, muli kong ikukumpisal: nagtalik kami.

Iba pala ang pakiramdam na sa puke at hindi sa bibig nakapasok ang titi ‘no? O sige, alam kong wala kang titi, pero sinasabi ko sa ‘yo, iba. Sa bibig kasi, merong mga espasyo. Merong mga siwang na tila ba malamig. Pero sa puke, yakap-yakap ang titi mula sa lahat ng direksiyon. Para itong hinihigop na pinipisa na nahuhulog.

Nilabasan ako sa loob n’ya. Hindi tulad ng nangyayari sa atin, ‘yung kailangan ko pang pumunta sa banyo ninyo para magjakol kasi ayoko ng blue balls.

Hindi ko s’ya sinabihan ng “I love you.” Tulad mo, pag naglalaro tayo. Hindi rin s’ya nagpapahalik sa labi. Tulad mo.

At sinabi ko sa iyo ang lahat nung sumunod na araw. At sinabi mo sa aking hindi na tayo pwedeng magkita at mag-usap. At sa huling beses sa buhay ko, pinaiyak kita.

At iyon nga, naging kayo.

At sa aking imahinasyon pumunta ako sa Marikina, sa bahay n’yo sa Rainbow Street, may dalang posporo’t gasoline. At sa aking imahinasyon sa wakas naipaparamdam ko sa iyo ang init na aking nadarama.

At sa aking imahinasyon abo ka na.

At nandito ako ngayon sa Los Baños, iniisip ka. Binubuhay sa aking imahinasyon. At sa imahinasyon ko’y mahal mo ako. At sa isip ko tapos na akong manligaw, at sa isip ko tuloy pa rin ang aking dalaw.

Miss na kita, kung alam mo lang. Siguro nga alam mo. Ba’t di ka sumasagot sa text, e noong Pasko di ba nagbati na tayo? Nagmisscall ako, not-in-service ang phone mo. Gusto kong itanong kay Weni kung may iba ka ng number, pero di ko na magawa. Ayokong magtext ng, “Hi! How r u? Dis s U :).”

Siguro sa ganito tayo payapa. Dito ako sa Laguna, diyan ka sa Marikina. Patawad kung kupal ‘tong kuwentong ginawa ko para sa ‘yo. Patawad kung di kita lubusang inibig. Pero ‘yung dumalaw ulit sa inyo, o magkapagtelebab hanggang madaling-araw, di na siguro puwede. Isa ka na lang tauhan sa maikling kuwento ko. Ang aking maikling kuwento: may simula, may climax, may ending. Ito ang ending: ‘yung dating tayo, ‘yung dating Marikinang alam ko, wala na ‘yon. Pag nabasa mo ‘to, at nagustuhan mo, sa wakas naging masaya na rin tayo. Kung hindi naman, ok lang. Kahit anong opinyon mo, hihintayin ko. Ako’y mananabik. Kaya lang mukhang di na ako magbabalik.


DILANG ANGHEL
BY : U Z. Eliserio
Maikling Kwento


Source: Kwentong-U.Blogspot.com

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento