Ipinagpalit Mo (ni: Avon Adarna)

Ipinagpalit Mo
ni: Avon Adarna

Ako si Luneta na ipinagpalit mo,
Doon sa Trinoma sa gitna ng barrio,
Ang aking kariktan at taglay na bango,
Inayawan mo’t nilimot ng husto!

Ako si Taguan sa bilog na buwan,
Na noon ay laging pinaglalaruan
Ngayo’y ibinaon at nakalimutan
Telenovela ang pinahalagahan.

Kami naman itong si PO at OPO,
Na nalimot mo ring sira ang pangako,
Sa wari’y nagbaon sa ilang na dulo,
At wala nang irog na isinasapuso.

Pagmamano akong wala nang halaga,
Sa kamay at noo ng bata’t matanda,
Kung paggalang naman ang bihag na dala,
Wala akong puwang sa puso at diwa.

Tradisyo’t kultura nitong Filipino,
Ay tila kasamang nawala sa uso
Ng literatura ng mga ninuno,
At ipinagpalit mo sa kinang ng bago!

Ipinagpalit Mo
(ni: Avon Adarna)
Tula

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento