Walang Panginoon (ni Deogracias Rosario)

Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahi't saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.

"Tapos na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas.

"Ngunit, Marcos…" ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita." Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.

Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't nanlabo pa't walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.

Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita.

"Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.

Akala ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka't hindi pa natatagalang namatay si Anita.


Walang Panginoon
Deogracias Rosario

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento