TATSULOK NA DAIGDIG
Ni Natsumi Soseki
Salin ni Aurora E. Batnag
Ni Natsumi Soseki
Salin ni Aurora E. Batnag
Paakyat sa landas ng bundok, nakapag-isip-isip ako.
Kapag laging utak ang pinapangibabaw mo, magiging malupit ka. Sumagwan ka sa ilog ng emosyon at matatangay ka ng agos. Palayain mo naman ang iyong mga hangarin at di ka mapakali sa iyong pagkakakulong. Hindi kasiya-siyang mamuhay rito, sa daigdig na ito.
Habang lumulubha ang pagkayamot, ibig mong tumakas kung saan higit na magaan ang buhay. Pagdating lang sa puntong una mong napag-isip-isip na sadyang mahirap mabuhay kahit malayo na ang narating mo, saka isinisilang ang isang tula, o nalilikha ang isang larawan.
Ang mundong ito ay di likha ng Diyos o ng demonyo kundi ng mga karaniwang tao sa ating paligid; yaong mga nakatira sa tapat o sa kapitbahay, na tinatangay ng pang-araw-araw na agos ng pamumuhay. Maaaring napakahirap mabuhay sa mundong ito na nilikha ng mga karaniwang tao pero may iba pa bang mapupuntahan? Kung mayroon man, tiyak iyon ay isang lupaing “di-pantao”, at anong malay natin, baka mas kasumpa-sumpa pa ang mundong iyon kaysa rito?
Hindi tayo makakatakas sa daigdig na ito. Samakatuwid, sa hirap ng buhay, wala kang magagawa kundi magpakaginhawa sa taghirap, bagamat maikling panahon lamang ang kaya mong tiisin, upang kahit papaano’y makaya mo ang iyong maikling buhay. Sa puntong ito nagsisimula ang bokasyon ng isang alagad ng sining at dito rin itinatalaga ng langit ang gawain ng isang pintor. Pasalamatan mo ang langit dahil sa mga tao na sa iba’t ibang paraan ng kanilang sining, ay naghahatid ng katiwasayan sa mundo at nagpapataba ng mga puso.
Alin sa mundo ang lahat ng alalahanin at problemang nagpapabigat sa buhay sa halip ay ilarawan ang isang daigdig na punung-puno ng biyaya at pagmamahal. Magkakaroon ka ng musika, ng isang larawan, o tula, o iskultura. Hindi lang ito, idaragdag ko pang hindi kailangang magkatotoo ang pananaw na ito. Sapat nang ilarawan sa isip at magkakabuhay ang tula, magkakahimig ang awit. Bago mo pa man isulat ang iyong iniisip, mararamdaman mong parang napupuno ang iyong dibdib ng kristal na taginting ng mga kampanilya; at kusang magliliwanag sa iyong mga mata ang lahat ng maningning na kulay, kahit di nagagalaw sa kabalyete ang iyong kanbas na di pa nahahaguran ng pintura. Sapat nang magkaroon ka ng ganitong pananaw sa buhay at ang marumi’t bulgar na mundong ito ay magiging malinis at maganda sa mga mata ng iyong kaluluwa. Maging ang makata na wala pang naisusulat kahit isang taludtod, o ang pintor na walang pintura at wala pang naipipinta kahit isang bahagi ng kanbas, ay makatatagpo ng kaligtasan, at makaaangat sa mga makamundong hangarin at damdamin. Kailanma’t ibig, mapapasok nila ang isang daigdig ng dalisay na kalinisan, at kapag naitapon ang pagkakasakim at pagkamakasarili, ay makapagbubuo ng walang katulad at di mapantayang daigdig. Sa lahat ng ito, higit pa silang maligaya kaysa sa mayayaman at tanyag; kaysa sa sino mang panginoon o prinsipeng nabuhay sa mundong ito; tunay na mas maligaya kaysa sa lahat ng nagtatamasa ng pagmamahal sa bulgar na mundong ito.
Pagkaraang mabuhay nang dalawampung taon, napag-isip-isip kong karapat-dapat mamuhay sa mundong ito. Sa edad na beinte-singko, naunawaan ko na tulad ng liwanag at dilim na magkabilang tabi ng iisang bagay, saan man may liwanag ng araw, tiyak na may anino. Ngayon, sa edad na treinta, ganito ang nasasaisip ko: sa kailaliman ng kaligayahan, naroroon ang kalungkutan; at kung lalo kang maligaya, lalo ring matindi ang sakit. Subukin mong ihiwalay sa lungkot ang tuwa at mawawalan ka ng kapit sa buhay. Itabi mo ang mga ito sa isang sulok at guguho ang mundo. Mahalaga ang pera, pero kapag naipon, di ba nagiging problema lamang ito na bumabagabag hanggang sa pagtulog? Ang pag-ibig na nakatutuwa pero kapag nagkapatung-patong ang mga kagalakang ito, hahanap-hanapin mo ang mga araw noong di mo pa kilala ang tuwa. Ang mga balikat ng estado, ang Gabinete, ang nagsusuporta ng mga pasanin para sa milyun-milyon, ang mga paa nito; at pabigat sa kanila ang mga sagutin ng gobyerno. Iwasan mong kumain ng napakasarap ng bagay, at pakiramdam mo’y may nakaligtaan ka. Kaunti lamang ang kainin mo at pagtindig mo sa mesa, mararamdaman mong gusto pang kumain. Kumain ka nang napakarami at pagkaraan ay sasama ang pakiramdam mo.
Sa bahaging ito ng paglalakbay ng aking isip, napatapak ang aking kanang paa sa isang matulis na bato at nadulas ako. Tuluyan na akong bumagsak matapos kong bawiin ang kaliwang paa na bigla kong naisipa sa pagtatangkang mabalanse ang katawan ko. Mabuti na lamang at napaupo ako sa isang malaking bato na may lapad na tatlong piye, kaya ang nangyari lamang ay nakalog ang kahon ng pintura na nakasukbit sa aking balikat. Suwerte na lamang at walang nasira.
Nang tumayo ako at tumingin sa paligid, napansin ko sa dakong kaliwa ng landas ang isang namumukod na tuktok na korteng baligtad na balde. Nababalutan ito mula ibaba hanggang itaas ng makapal na berdeng puno, na di ko makilala kung cryptomeria o sipres.
Sumasalit sa mga dahon ang ilang kumpol ng ligaw na cherry na kulay maputlang pula at dahil sa napakapal na ulap sa ibabaw, tila naglanguyan at naghalo ang mga kulay at imposibleng makita nang malinaw ang mga puwang sa pagitan ng mga puno at sanga. Nasa di kalayuan ang isang kalbong bundok. Namumukod ito sa paligid at parang abot-kamay lamang ang layo. Parang pinalakol ng isang higante ang walang kapunu-punong gilid nito at napakatarik ng batuhang mukha na diretsong pababa sa kapatagang nasa kailaliman. Sa tingin ko’y pulang pino ang nag-iisang punong iyong nasa tuktok. Kitang-kita maging ang mga piraso ng langit na masisilip sa pagitan ng mga sanga. May dalawampung yarda sa dako pa roon, biglang naputol ang landas, pero pagtingala ko, may nakita akong isang pigurang nakabalot ng pulang kumot na pababa sa gilid ng bundok, at naitanong ko sa aking sarili, makarating kaya ako roon kung aakyat ako. Terible ang daang ito.
Kung lupa lamang ito, hindi sana ganito katagal lakarin, pero may nakabaong malalaking bato sa daan. Mapapantay mo ang lupa, pero nakausli pa rin ang mga bato. Mapagpiraso-piraso mo ang maliliit na bato, pero hindi ang malalaki. Hindi mo maaalis ang mga batong iyon. Ang mga bato ay parang nangungutya at tiwalang-tiwala sa sarili na nakapuwestong di masusupil sa tambak ng di patag na lupa. Wala yatang daan dito na di mo muna paghihirapan. Kung gayon, dahil ayaw magparaan ng ating kalabang di mapagbigay, kailangang umakyat tayo o kaya’y ikutan ito.
Hindi pa rin madaling lakarin ang lugar na ito kahit hindi ito mabato. Mataas ang magkabilang tabi at may hukay sa gitna ng landas. Ang hukay na ito mailalarawan sa pamamagitan heometriya. Tatsulok ito na ang lapad ay may anim na piye, na ang mga gilid ay nagtatagpo sa isang matulis na anggulo, na nasa gitna ng landas. Para kang naglalakad sa ilalim ng ilog sa halip na sa isang landas. Dahil sa simula pa’y di ko na na inisip na magmadali, magdahan-dahan lang ako sa paglakad, at haharapin ang di mabilang na paliku-liko kapag nandoon na .
Sa ibaba ng aking kinatatayuan, biglang umawit ang isang pipit. Ngunit kahit gaano ko pa man titigan ang kapatagan, talagang ni anino ng ibon ay di ko malkita; ni hindi ko malaman kung saan ito naroroon. Malinaw kong naririnig ang tinig nito, pero hanggang doon lamang. Dahil malakas at walang tigil ang pag-awit ng ibon, pakiramdam ko’y masiglang nagpaparoo’t parito ang hangin para matakasan ang nakaiinis na kagat ng libu-libong pulgas. Talagang hindi tumigil ang ibong iyon kahit saglit. Para bang hindi ito masisiyahan hangga’t hindi nakaaawit ng husto araw at gabi sa buong nakasisiyang tagsibol; at hindi lamang umawit kundi ptuloy na lumipad magpakailanman. Walang dudang doon na mamamatay ang pipit sa itaas ng ulap. Maaaring sa pinakaitaas ng kanyang paglipad, mararating ng pipit ang lumulutang na ulap at doo’y lubusang maglalaho hanggang sa tanging boses na lamang ang maiiwan, na ikinukubli ng hangin.
Biglang lumiko ang landas sa isang nakausling kanto ng bato. Ang isang bulag ay maaaring magtuluy-tuloy hanggang sa bingit, pero naiwasan ko ang peligro at nakuha kong kumanan. Sa ibaba, natanaw ko ang mga rape-blossom na parang alpombrang nakalatag sa kapatagan. Mapapadpad kaya roon ang isang pipit? –
Hindi. Siguro, naisip ko, lilipad ito mula sa mga ginintuang bukirin. Pagkaraa’y inilarawan ko sa isip ang dalawang pipit, ang isa’y pasisid habang ang isa anama’y paitaas, nagkasalubong sa paglipad. Sa wakas ay naisip kong pasisid man o paitaas o magkasalubong man sa paglipad, malamang magpapatuloy pa rin ang masiglang pag-awit ng pipit.
Sa tagsibol, inaantok ang lahat. Nalilimutan ng pusa na manghuli ng daga, at nalilimutan ng tao ang kanilang mga utang. Kung minsan, pati kaluluwa’y nalilimutan nila at sila’y nagmimistulang tuliro. Ngunit nang tanawin ko ang dagat na iyon ng mga rape-blossom, waring natauhan ako. At nang marinig ko ang awit ng pipit, naglaho ang ulap at muli kong natagpuan ang aking kaluluwa. Hindi lamang lalamunan ang umaawit sa pipit, kundi ang kabuuan nito. Sa lahat ng nilalang na maaaring magsatinig sa mga gawain ng kaluluwa, walang sinlakas at buhay na buhay na gaya ng pipit. Tunay itong kaligayahan. Kung nasasaisip mo ito at maaabot mo ang ganitong antas ng kaligayahan, iyon ay tual.
Biglang pumasok sa isip ko ang tula ni Shelley tungkol sa pipit. Tinangka kong bigkasin ito, pero dadalawa o tatlong saknong lang ang naalala ko. Narito ang ilang taludtod:
Lumilingon at tumatanaw
Hinahangad ang wala sa kamay:
May halong pait
Ang pinakamatapat mang halakhak,
Pinakamatamis ang awit tungkol
Sa pinakamatinding sakit.
Gaano man kaligaya ang makata, hindi niya maibubuhos sa awit ang kanyang galak tulad ng malaya at walang pakialam na taos-pusong pag-awit ng pipit. Madalas gamitin sa Kanluraning panulaan, at makikita rin sa panulaang Tsino, ang pariralang “di mabilang na bushel ng kalungkutan.” Marahil, bushel ang ginagamit sa pagsukat sa lungkot ng makata, samantalang sa karaniwang tao ay ni hindi pa makapupuno ng pint man lamang. Marahil, ngayong napag-isip-isip ko, dahil mas mapag-alala ang makat kaysa sa karaniwang tao, mas matalas ang kanyang pakiramdam. Totoong may mga sandaling nakadarama siya ng di masukat na tuwa, pero mas madalas di naman siyang makadama ng di masukat na lungkot. Dahil dito, dapat munang isaalang-alang na mabuti bago ka magpasiyang maging makata.
Dito, pantay-pantay ang landas nang may ilang hakbang. Nasa kanan ang burol na natatakpan ng mga palumpong, at sa kaliwa naman, hanggang sa maaabot ng tanaw ay puro rape-blossom. Sa magkabila, nakatapak ako ng mga dandelion, na may mga dahong parang ngipin ng lagari na nakatayong nagmamalaki upang ipagtanggol ang ginintuang globo sa gitna. Nakapanghihinayang dahil sa katatanaw ko sa mga rape-blossom ay natapakan ko ang mga dandelion. Pero paglingon ko, nakita kong di nagalaw ang mga ginintuang globo sa pagitan ng mga nagsasanggalang na dahon. Kaylayang buhay! Binalikan kong muli ang aking iniisip.
Siguro, hindi mawawala sa makata ang kalungkutan, pero nang marinig kong umaawit ang pipit, ni katiting na sakit o lungkot ay wala akong naramdaman; at pagtingin ko sa mga rape-blossom, ang tanging alam ko’y lumulukso at sumasayaw ang aking puso. Gayon din ang nadama ko nang makita ang dandelion at ang namumukadkad na cherry, na ngayo’y nawala
na sa aking paningin. Doon sa kabundukan, malapit sa kagalakang hatid ng Kalikasan, lahat ng makikita mo at maririnig ay nakasisiya. Ito’y galak na di nababawasan ng alinmang hirap. Posibleng manakit ang mga binti mo, o maaaring sabihin mong wala kang makaing masarap, pero iyon lang, at wala nang iba.
Bakit kaya ganito? Siguro, dahil pagtingin mo sa tanawin, para bang nakatingin ka sa isang larawang binuksan para sa iyo, o kaya’y nagbabasa ka ng tula sa isang iskrol. Sarili mo ang buong paligid, pero dahil iyo’y gaya ng larawan o tula, hindi mo naiisipang paunlarin ito, o magkapera sa pamamagitan ng pagtatayo ng riles mula sa siyudad. Wala kang inaalalang ano man sapagkat tanggap mo ang katotohanang walang magagawa ang tanawing ito para busugin ka o kaya’y dagdagan ng kahit kusing ang iyong suweldo, kaya kuntento ka nang pagmasdan na lamang ito. Ito ang malaking pang-akit ng Kalikasan na sa isang kisap-mata, madidisiplina nito ang puso at isip, maisasantabi ang lahat ng hamak, at ihahatid ang mga ito sa dalisay at walang dungis na daigdig na tula.
Sa obhetibong pananaw, masasabing maganda ang pagmamahal sa isang lalaki sa kanyang asawa o sa kanyang mga magulang, at mainam maging tapat at makabayan. Ngunit kapag kasangkot ka na sa mga ito, bubulagin ka ng marahas na agos ng mga kontra at kampi, mga bentaha at disbentaha, at di mo na makikita ang ganda at kinang, at tuluyan nang maglalaho ang tula.
Para mapahalagahan ang tula, kailangang lumagay ka sa lugar ng miron na dahil puwedeng lumayo, ay makikita ang tunay na nangyayari. Sa puwestong ito lamang magiging nakasisiya ang isang nobela o dula dahil malaya ka sa mga personal na interes. Makata lamang habang nanonood o nagbabasa, at di ka pa aktuwal na kasangkot.
Pagkasabi nito, dapat kong amining karamihan ng mga dula at nobela ay puno ng pagdurusa, poot, pag-aaway, at pagluha, kaya kahit miron lamang ay di maaaring di masangkot sa emosyon. Matatagpuan na lamang niya, na sa isang punto ay karamay na siya, at nagdurusa rin, naiinis, nagiging palaaway, at umiiyak. Sa ganitong pagkakataon, ang tanging bentaha sa kanyang puwesto ay ang pangyayaring hindi siya apektado ng ano mang damdamin ng kasakiman o paghahangad ng personal na ganansiya. Ngunit ang kawalan niya ng interes ay nangangahuluganag ang ibang mga damdamin niya’y higit pang matindi sa karaniwan. Kaysakalap naman!
Sa loob ng mahigit na tatlumpung taon ng pamumuhay sa daigdig na ito, labis na ang nararanasan kong pagdurusa, galit, paglaban, at kalungkutan na di napapawi; at talagang napakahirap kung paulit-ulit na matatambakan ng pampagising sa mga emosyong ito kapag nagpupunta ako sa teatro, o kapag nagbabasa ako ng nobela. Ibig ko ng tulang naiiba sa karaniwan, at nag-aangat sa akin, kahit pansamantala, mula sa alikabok at dumi ng pang-araw-araw na buhay; hindi yaong nagpapatindi nang higit sa karaniwan sa aking damdamin. Walang dula, gaano man kadakila, na walang emosyon, at iilang nobela ang tiwalag sa konsepto ng tama at mali. Tatak na ng nakararaming mandudula at nobelista ang kawalang kakayahang humakbang palabas sa amundong ito. Ang mga kalikasang pantao ang sentro ng paksa ng mga Kanluraning makata sa partikular kaya di nila pinapansin ang daigdig ng dalisay na panulaan. Dahil dito, pagdating sa dulo ay mapapahinto sila dahil hindi nila alam kung may matatagpuan pa sa dako pa roon. Kuntento na silang talakayin ang karaniwang itinitindang simpatiya, pag-ibig, katarungan, at kalayaan, na pawang matatagpuan sa pansamantalang palengke na tinatawag nating buhay. Maging ang pinakamatulain sa mga ito ay abalang-abala sa pang-araw-araw na gawain, kaya ni hindi na nagkakapanahong kalimutan ang susunod na pagbabayaran. Hindi kataka-takang nakahinga ng maluwag si Shelley nang marinig niya ang awit ng pipit.
Mabuti na lamang at paminsan-minsan, ang mga makatang Silanganin ay nagkakaroon ng sapat na pagkaunawa upang makapasok sa daigdig ng dalisay na panulaan.
Sa ilalim ng halamang-bakod
Sa Silangan pumili ako ng krisantemo,
At naglakbay ang aking paningin sa mga
Burol sa Timog.
Dadalawang taludtod, ngunit kapag nabasa mo ang mga ito, lubos mong mamamalayan kung papaanong ganap na nagtagumpay ang makata na makalaya sa mapaniil na mundong ito. Hindi ito tungkol sa babaeng nakasilip sa kabilang bakod; o sa mahal na kaibigang nakatira sa kabilang burol. Ang makata ay nasa ibabaw ng lahat ng ito. Sapagkat natanggal na niya ang lahat ng alalahanin tungkol sa bentaha at disbentaha, tubo at pagkalugi, natamo na niya ang dalisay na takbo ng isip.
Nag-iisa, sa gitna ng kawayanan
Kinalabit ko ang kuwerdas;
At mula sa aking alpa
Pumailanlang ang nota.
Sa madilim at di dinadaanang landas
Tumatanglaw ang buwan sa pagitan ng mga dahon.
Sa pagitan ng iilang maikling linyang ito, isang buo at bagong mundo ang malikha. Ang pagpasok sa mundong to ay di tulad ng pagpasok sa mundo sa mga popular na nobelang gaya ng Hototogisu at Konjiki Yasha. Para itong pagtulog nang mahimbing at pagtakas sa nakapapagod na mga bapor, tren, karapatan, tungkulin, moral, at kagandahang-asal.
Ang uring ito ng tula, na hiwalay sa mundo at sa mga problema nito, ay sing-halaga ng pagtulog upang matagalan natin ang bilis ng pamumuhay sa ikadalawampung dantaon. Gayon man, sa kasamaang-palad, lahat ng makabagong makata, kabilang na ang kanilang mga mambabasa, ay labis na nabighani sa mga Kanluraning manunulat kaya hindi makuhang maglakbay sa lupain ng dalisay na tula. Hindi ko talagang propesyon ang pagtula, kaya hindi ko intensyong mangaral tungkol sa makabagong panulaan, upang mapagbagong-loob ang iba na sumunod sa uri ng pamumuhay nina Wang Wei at Tao Yuan-Ming. Sapat nang sabihing sa aking opinyon, ang inspirasyong matatamo sa kanilang mga akda ay higit pang mabisang panlaban sa mga problema ng makabagong pamumuhay kaysa sa panonood ng sine o pagdalo sa mga sayawan. Bukid dito, para sa akin, ay higit na kasiya-siya ang ganitong uri ng tula kaysa sa Faust o Hamlet. Ito ang tanging dahilan kung bakit pagdating ng tagsibol, mag-isa kong nilalakad ang landas sa bundok, sukbit sa balikat ang aking tripod at kahon ng pintura. Hinahanap-hanap kong makuha mula sa Kalikasan mismo ang kahit na bahgyang atmospera ng daigdig nina Yuan-ming at Wang Wei; at kahit pansamantala lamang, naglalakad-lakad ako sa lupaing lubusang hiwalay sa mga pandama at emosyon. Ito’y isang kakatwang ugali ko.
Mangyari pa, tao lamang ako. Kaya gaano man kahalaga sa akin ang ganitong napaksarap na pagkatiwalag sa mundo, may hangganan kung saan ako makapag-iisa sa isang panahon. Hindi ako naniniwalang maging si Tao Yuan-ming ay walang-tigil na pinagmasdan ang mga Katimugang burol sa loob ng ilang taon. Ni hindi ko mailarawan sa isip si Wang Wei na natutulog sa kanyang pinakamamahal na kawayanan nang walang kulambo. Malamang, ipinagbibili ni Tao sa isang magbubulaklak ang lahat ng krisantemong na niya kailangan, samantalang naunahan naman ni Wang ang gobyerno sa pagbebenta ng labong sa lokal na pamilihan. Iyan ang uri ng pagkatao ko. Gaano man ako naakit sa pipit at sa mga rape-blossom, mortal pa rin ako at di nagnanais magkamping sa gitna ng kabundukan.
May makikilala ka kahit sa isang lugar na tulad nito; isang matandang lalaki na nakapaloob sa likod ang kimono at may bandanang nakabuhol sa baba; isang kabataang babaeng nakapaldang pula; kung minsan, may makakasalubong ka pang kabayo na ang mukha ay higit na mahaba kaysa sa tao. May bahid pa rin ng amoy ng mga tao ang hangin kahit dito sa taas na ilang daang piye mula sa kapatagan ng dagat. Hindi yata tamang sabihing “may bahid”, dahil inaakyat ko ang bundok na ito sa pag-asang makapagpalipas ng gabi sa isang otel sa mga mainit na bukal na Nakoi.
Depende sa kinaroroonan mo, ang isang bagay ay maaaring magmukhang ibang-iba. Minsan, sinabi ni Leonardo da Vinci sa isang estudyante:”Pakinggan mo ang tunog ng kampanang iyon. Iisa lang ang kampana, pero maririnig mo ito sa napakaraming paraan.”
Dahil sa subhetibo ang paghuhusga natin, maaaring magkaibang-iba ang mga opinyon tungkol sa iisang tao, lalaki man o babae. Sa ano’t ano man, dahil ang layunin ko sa paglalakbay na ito ay pagtagumpayan ang emosyon, at masdan ang mga bagay-bagay nang walang damdamin., tiyak na iba na ang tingin ko sa mga tao ngayon kaysa noong namumuhay pa ako sa piling nila, sa isang masikip na klayenon sa magulo at isinumpang siyudad – ang daidig ng tao. Di man ako maging ganap na obhetibo, kahit papaano, ang damdamin ko’y di dapat maging mas matindi pa kaysa kung ako’y nanonood ng dulang Noh. Kung minsan, maging ang Noh ay nagiging sentimental. Papaano makatitiyak na hindi ka paluluhain ng Shickikiochi o Sumidagawa? Gayon man, tunay na emosyon ang treinta porsiyento ng Noh, at teknik naman ang natitirang sitenta porsiyento nito. Ang husay at pang-akit ng Noh ay hindi dahil mahusay nitong ipinamamalas ang emosyon at ugnayang pantao na parang tuany na buhay kundi dahil humahango ito ng mga pangyayaring pangkaraniwan saka ito dinadamitan ng patung-patong na sining, upang makalikha ng mabagal at halos nakaaantok na modelo ng kaasalan, na di makikita sa tunay na buhay.
Ano kaya ang mangyayari, kung habang isinasagawa ko ang maikling paglalakbay na ito, ay ituturing kong bahagi ng dulang Noh ang mga pangyayari, at ang mga taong nakikilala ko ay mga aktor. Dahil tula ang pangunahing layunin ng paglalakbay na ito, ibig kong samantalahin na ang pagkakataon ng pagiging malapit sa kapaligirang Noh sa pamamagitan ng pagtitimpi sa aking mga emosyon hangga’t maaari, bagama’t alam kong hindi ko lubusang maisasantabi ang mga iyon. Ang “Katimugang mgas Burol” at ang “Kawayanan”, ang pipit at ang mga rape-blossom ay may taglay na sariling karakter, na ibang-iba sangkatauhan. Gayon man, hangga’t maaari, ibig kong pagmasdan ang mga tao mula sa punto de bista ng dalisay na mundo ng tula. Kay Bassho, kahit ang kabayong umiihi sa tabi ng kanyang unan ay eleganteng paksa ng Hokku. Mula ngayon, ituturing ko na ring bahagi lamang ng pangkalahatang kanbas ng Kalikasan ang lahat ng makita kong magsasaka, negosyante, klerk sa nayon, matandang babae at lalaki. Alam kong naiiba sila sa mga pigura sa isang larawan, dahil bawat isa’y kikilos ayon sa gusto niya. Gayunpaman, sa palagay ko’y bulgar ang pagsusuri ng karaniwang nobelista sa kanilang mga tauhan, ang pagtatangka nilang silipin ang isipan ng mga ito at ang pakikialam sa pang-araw-araw nilang mga problema. Walang halaga sa akin kahit gumagalaw ang mga tao, dahil iisipin kong sila’y gumagalaw sa larawan lamang; at ang mga pigura sa larawan, gumalaw man nang gumalaw, ay nakakulong sa dadalawang dimensiyon. Siyempre, kung iisipin mong may tatlong dimensiyon sila, magkakaroon ng kumplikasyon dahil makikita mo na lamang na natutulak ka, at minsan pa, mapipilitan kang pag-isipan ang inyong pagbabanggaan ng mga interes. Maliwanag na imposible para kanino mang nasa sitwasyong ito na tingnan ang mga bagay sa punto de bista ng sining. Mula ngayon, magiging obhetibo ako sa pagmamasid sa lahat ng makikilala ko. Sa ganitong paraan, makaiiwas ako sa ano mang ugnayang emosyonal na maaaring mamagitan sa aming dalawa, kaya hindi ako maaapektuhan gaano man siya kalapit sa akin. Sa maikling salita, para lang akong nakatayo sa harap ng isang larawan, nagmamasid sa masiglang kilos ng mga tauhan dito. Sa layong tatlong piye mula sa kanbas, mahinahon mo itong mapagmamasdan, dahil walang panganib na masasangkot. Sa ibang salita, hindi maaagaw ng sariling interes ang iyong kakayahang mag-isip kaya maibubuhos mo ang atensiyon sa pagmamasid sa mga galaw ng mga tauhan mula sa artistikong pananaw. Nangangahulugang maibubuhos mo nang husto ang iyong pansin sa paghusga sa kung alin ang maganda at alin ang hindi.
Nang makabuo ako ng ganitong kongklusyon, napatingala ako at napansin kong nagbabanta ang langit. Pakiramdam ko’y nasa tuktok ko na ang bigat ng ulap. Ngunit halos di ko napansin, biglang kumalat ang ulap at ang buong kalangitan ay naging isang napakagandang dagat ng ulap, na naghuhulog ng masinsing patak ng ulang tagsibol. Nasa pagitan na ako ngayon ng dalawng bundok at malayo na ang mga rape-blossom. Hindi ko nga lamang masabi kung gaano na kalayo, dahil napakasinsin ng ulan. Paminsan-minsan, may sumasalit na hangin at nahahawi ang mataas na kurtinang ulap, saka lilitaw sa dakong kanan ang maitim na abuhing gilid ng bundok. Tila may mga kabundukang naklatag sa kabila ng kapatagan. Sa dakong kaliwa, tanaw ko ang paanan ng isa pang bundok, at kung minsan sa kabila ng parang kurtinang ambon, nabubuo ang tila aninong hugis ng mga punong pino, na lalabas sahlit at muling magtatgo. Hindi ko alam kung ulan o ang mga puno ang gumagalaw, o kung ang lahat ng nasasaksihan ko ay bahagi lamang ng panaginip. Ano man iyon, sa tingin ko’y ibang-iba sa karaniwan at napakaganda.
Sa dakong ito, di ko inaasahang naging napakaluwang ng daa; dahil pantay ito, ang paglalakad ay hindi napakasakit ng likod na gaya ng dati. Mabuti naman, dahil hindi ko napaghandaan ang ulan at kailngang magmadali ako. Nagsisimula pa lamang pumatak ang ulan mula sa aking sumbrero nang makarinig ako ng pagkuliling ng mga kampanilya sa layong sampu o labindalawang yarda. Mula sa kadiliman, sumulpot ang anino ng kutsero.
“May alam ba kayong matitigilan dito?”
“May tea house sa banda roon, mga isang milya ang layo. Basang basa na kayo, a!”
Isang milya pa! Lumingon ako at pinagmasdan ang kutsero na nagmimistulang anino sa isang umaandap na mahiwagang lampara, hanggang sa unti-unting sumanib ang anyo nito sa ulan at lubusang mawala sa paningin.
Ang mga patak ng ulan, na kanina’y parang pinung-pinong ipa na tinatangay ng hangin, ay papalaki na ngayon at papahaba, at nakikita ko nang buo ang bawat patak. Basang-basa na ang aking haori at ang ulang bumasa maging sa aking mga panloob na kasuotan, ay maligamgam na sa init ng aking katawan. Napakakawawa ng pakiramdam ko kaya itinakip ko sa isang mata ang aking sumbrero at binilisan ang paglakad.
Kung sa iba mangyayari ito, naisip ko na ang pagkabasa sa ulan na napaliligiran ng di mabilang na patak ng pilak habang naglalakad sa abuhing kalawakan, ay magandang paksa ng isang kahanga-hangang tula. Kapag lubos ko lamang nalimutan ang aking materyal na buhay, at tiningnan ang aking sarili sa isang obhetibong pananaw, saka ko pa lamang maiaakma ang sarili, tulad ng pigura sa larawan sa kagandahan ng kalikasan sa aking paligid. Sa sandaling mainis ako sa ulan, o mayamot dahil sa pagod na ako sa paglalakad, hindi na ako ang karakter sa isang tula, o ang pigura sa isang larawan, at muli akong mababalik sa dating walang pang-unawa at walang pakiramdam na lalaki sa kalye gaya ng dati. Kung ganoon ay bulag ako sa kagandahan ng nagdaraang ulap; walang pakiramdam sa pagkalagas ng bulaklak o iyak ng ibon, at lalo nang walng pagpapahalaga sa napakagandang larawan ng aking sarili na nag-iisang naglalakad sa kabundukan isang araw ng tagsibol.
Nang una, hinatak ko pababa ang sumbrero at binilisan ko ang paglakad. Nang malaunan, pinagmadan kong mabuti ang mga paa ko. Sa wakas, talunan ay laylay ang mga balikat, humakbang akong parang kawawang-kawawa. Sa lahat ng dako, inaalog ng hangin ang mga tuktok ng pino, at pinagmamadali ang ulilang naglalakad. Pakiramdam ko’y napalayo na ako nang husto sa sangkatauhan!

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento