BANAAG AT SIKAT (ni Lope K. Santos)

Banaag at Sikat
Nobela - ni Lope K. Santos

Pinangarap niya ang araw na mawawala ang mga hari, punumbayan at alagad ng batas, ang lahat ng tao’y magkakapantay-pantay at m agtatam asa ng lubos na kalayuan at patas na ginhawa sa buhay.

Nang pilitin ng ama na umuwi sa kanilang bayan, siya’y sumunod. Subalit itinuro niya sa mga kasama sa bukid at sa mga katulong sa bahay ang kanilang karapatan. Sa galit ng ama, siya’y pinalayas at itinakwil bilang anak. Nagbalik siya sa dating pinapasukan sa Maynila at hinikayat si Tentay na pumisan sa kanya kahit di kasal, sapagkat tutol siya sa mga seremonyas at lubos na naniniwala sa malayang pag-ibig.

Si Delfin ay hindi anarkista kundi sosyalista. Hindi niya hinangad na mawala ang pamahalaan ngunit katulad ni Felipe ay tutol siya sa pagkakaipon ng kayamanan sa ilang taong nagpapasasa sa ginhawa samantalang libu-libo ang nagugutom, nagtitiis at namamatay sa karalitaan. Tutol din siya sa pagmamana ng mga anak sa kayamanan ng mga magulang. Siya’y isang mahirap na ulilang pinalaki sa isang ale (tiya). Habang nag-aaral ng abogasya ay naglilingkod siya bilang manunulat sa isang pahayagan. Kaibigan siya at kapanalig ni Felipe, bagamat hindi kasing radikal nito.

Nais ni Felipe ang maagang pagtatamo ng kanilang layunin, sukdang ito’y daanin sa marahas na paraan, samantalang ang hangad ni Delfin ay dahan-dahang pag-akay sa mga tao upang mapawi ang kamangmangan ng masa at kasakiman ng iilang mayayaman, sa pamamagitan ng gradwal na pagpapasok sa Pilipinas ng mga simulain ng sosyalismo.

Si Don Ramon ay may dalawang anak na dalaga at isang anak na lalaking may asawa na. Ang mga dalaga’y sina Talia at Meni. Si Talia ay naibigan ng isang abogado, si Madlanglayon. Ang kasal nila’y napakarangal at napakagastos, isang bagay na para kina Felipe at Delfin ay halimbawa ng kabukulan ng sistema ng lipunan na pinangyayarihan ng mayayamang walang kapararakan kung lumustay ng salapi samantalang libu-libong mamamayan ang salat na salat sa pagkain at sa iba pang pangunahing pangangailangan sa buhay.

Sa tulong ni Felipe noong ito’y nakatira sa bahay ni Don Ramon, nakilala at naibigan ni Delfin si Meni. Si Don Ramon ay tutol sa pangingibig ni Delfin sa kanyang anak; dahil ito’y maralita, at ikalawa, dahil tahasang ipinahayag nito ang kanyang pagkasosyalista sa isang pag-uusap nilang dalawa sa isang paliguan sa Antipolo. Ang pagtutol na ito ay walang nagawa. Nakapangyari ang pag-ibig hanggang sa magbinhi ang kanilang pagmamahalan.

Nang mahalata na ni Talia at ni Madlanglayon ang kalagayan ni Meni, hindi nila ito naipaglihim kay Don Ramon. Nagalit si Don Ramon; sinaktan nito si Meni at halos patayin. Saamuki ni Madlanglayon, pumayag si Don Ramon na ipakasal si Meni kay Delfin, Subalit nagpagawa ng isang testamento na nag-iiwan ng lahat ng kayamanan sa dalawa niyang anak; si Meni ay hindi pinagmanahan.

Si Meni ay nagtiis sa buhay-maralita sa bahay na pawid na tahanan ni Delfin. Paminsan-minsan, kung mahigpit ang pangangailangan, nagbibili siya ng mga damit o nagsasangla ng kanyang mga alahas noong dalaga pa. Ito’y labis na dinaramdam at ikinahiya ni Delfin at ng kanyang ate, subalit wala naman silang maitakip sa pangangailangan.

Sa simula, si Meni ay dinadalaw ng dalawang kapatid, lalo na si Talia, at pinadadalhan ng pera at damit. Subalit ang pagdalaw ay dumalang nang dumalang hanggang tuluyang mahinto, ay gayon din ang ipinadadalang tulong. Samantala, si Don Ramon, sa laki ng kanyang kahihiyan sa lipunan dahil sa kalapastangang ginawa ni Meni at ni Delfin, ay tumulak patungong Hapon, Estados Unidos at Europa, kasama ang isang paboritong utusan. Wala na siyang balak bumalik sa Pilipinas. Nakalimutan niya ang pagwasak na nagawa niya sa karangalan ng maraming babae na kanyang kinasama; ang tanging nagtanim sa kanyang isip ay ang pagkalugso ng sariling karangalan sa mata ng lipunan dahil sa kagagawan ni Meni.

Samantala, nagluwal ng isang sanggol na lalaki si Meni. Sa pagnanais na makapaghanda ng isang salu-salo sa binyag ng kanyang anak, susog sa mga kaugalian, si Meni ay nagsangla ng kanyang hikaw, sa kabila ng pagtutol ni Delfin na tutol sa lahat ng karangyaan. Ang ninong sa binyag ay si Felipe na hindi lamang makatanggi sa kaibigan, subalit kontra rin sa seremonyas ng pagbibinyag. Bilang anarkista ay laban siya sa lahat ng pormalismo ng lipunan. Sa karamihan ng mga pangunahing dumalo, kumbidado’t hindi, ay kamuntik nang kulangin ang handa nila Delfin, salamat na lamang at ang kusinero ay marunong ng mga taktikang nakasasagip sa gayong pangyayari.

Ang kasiyahan ng binyagan ay biglang naputol sa pagdating ng isang kablegrama na nagbabalitang si Don Ramon ay napatay ng kanyang kasamang utusan sa isang hotel sa New York. Nang idating sa daungan ang bangkay, sumalubong ang lahat ng manggagawa sa pagawaan ng tabako sa atas ni Don Felimon, kasosyo ni Don Ramon, na nagbabalang hindi pasasahurin sa susunod na Sabado ang lahat ng hindi sasalubong.

Kasama sa naghatid ng bangkay sa Pilipinas si Ruperto, ang kapatid ni Tentay na malaon nang nawawala. Pagkatapos makapaglibot sa Pilipinas, kasama ng isang Kastilang kinansalaan niya sa maliit na halaga, siya’y ipinagbili o ipinahingi sa isang kaibigang naglilingkod sa isang tripulante. Dahil dito, nakapagpalibot siya sa iba’t ibang bansa sa Aprika at Europa, at pagkatapos ay nanirahan sa Cuba at California, at sa wakas ay namalagi sa New York. Doon siya nakilala at naging kaibigan ng utusang kasama ni Don Ramon na naninirahan sa isang hotel na malapit sa bar na kanyang pinaglilingkuran. Si Ruperto ang nagsabi kay Felipe na kaya pinatay si Don Ramon ay dahil sa kalupitan nito sa kanyang kasamang utusan.

Ang libing ni Don Ramon ay naging marangya, kagaya ng kasal ni Talia. Hanggang sa libingan ay dala-dala pa ng mayamang pamilya ni Don Ramon ang ugali ng karangyaan ng pananalat at paghihirap ng maraming mamamayan. Sa libingan ay Naiwan sina Delfin at Felipe na inabot ng talipsilim sa pagpapalitan ng kuro-kuro at paniniwala.

Naalaala ni Felipe ang kaawa-awang kalagayan ng mga kasama’t utusan ng kanyang ama. Nasambit ni Delfin ang kawalang pag-asa para sa maralitang mga mamamayan habang namamalagi sa batas ang karapatan ng mga magulang na magpamana ng yaman at kapangyarihan sa mga anak. Nagunita nila ang laganap na kamangmangan at mga pamahiin, ang bulag na pananampalataya. Kakailanganin ang mahaba at walang hanggang paghihimagsik laban sa mga kasamang umiiral. Marami pang bayani ang hinihingi ang panahon. Kailangang lumaganap ang mga kaisipang sosyalista, hindi lamang sa iisang bansa kundi sa buong daigdig bago matamo ang tunay at lubos na tagumpay. Napag-usapan nina Felipe at Delfin ang kasaysayan ng anarkismo at sosyalismo – ang paglaganap nito sa Europa, sa Aprika, at sa Estados Unidos. Sinabi ni Felipe na ang ilang buhay na napuputi sa pagpapalago ng mga ideyang makamaralita ay kakaunti kung ipaparis sa napakamaraming tao na araw araw ay pinahihirapan. Subalit matigas ang paninindigan ni Delfin laban sa ano mang paraang magiging daan ng pagdanak ng dugo.

Sa kabila ng pagkakaibang ito ng kanilang paninindigan ay nagkaisa sila sa pagsasabi, sa kanilang pag-alis sa libingan, noong gumagabi na, “Tayo na: iwan nati’t palipasin ang diin ng gabi."


Banaag at Sikat
ni Lope K. Santos
Nobela


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento