Maniningil (by Genoveva Edroza-Matute)

Kung may makita kayong isang lalaking hangos sa paglakad, may kipkip na karterang katad na halos magputok sa mga lamang resibo at kung anu-anong papel, siyamnapu’t siyam sa isang daan, ang taong yaon ay isang kubrador o maniningil ng mga pautang. Kung siya’y kinakatawan ng isang malaking bahay-kalakal, ang ayos niya’y maaaring may-kakinisan at nag-aanyaya sa isang tunay na pagpipitagan. Kung, sa kabilang dako, siya naman ay tagapaningil ng isang tindahan, malamang na ang ayos niya’y gusgusin, pawisan, at parang wala nang kapana-panahong mapakag-ayos ng sariling katawan. Iyan ang maniningil; laman ng lansangan, kilabot ng mangungutang, panauhing pinagtataguan, dalaw na kinamumuhian.

Malayu-layo pa’y matatanaw mo siyang ang hagdanan mo ang tinutungo. Pagmamasdan mo munang mabuti upang matiyak kung sino siya. Kung mapagsiya mo’y magbibilin ka sa iyong kasambahay na para bagang may-katotohanan ang iyong sinasabi. “Hoy,” ang sasabihin mo, “hoy, kung may hahanap sa akin, sabihin mong ako’y wala. May pinaroonan.” At marahan kang papasok at pakubling uupo sa isang sulok na kunwa’y may binabasa o anumang pinagkakaabalahan. Ikaw nga ang hanap. Itinatanong kung saan ka naroon, at ang pinagbilinan mo nama’y matapat sa kanyang tungkulin. “Hindi ko po malaman kung kailan sila babalik,” ang naririnig mong sagot. “Magbalik po kayo uli,” ang habol pa. At mararamdaman mong aalis ang maniningil. Ang yabag ng kanyang mga hakbang ay kilalang-lilala mo na. Makahihinga ka nang maluwag. Sisilip ka nang bahagya sa puwang ng durungawan, at pagkasilip mong lumiko na ang salot na kinatatakutan mo’y uubo ka nang bahagya na para bang nabunutan ka ng isang libo’t isang tinik sa dibdib.

Datapwat huwag mong hinalaing hindi nalalaman ng kubrador ang buong katotohanan. Hindi nawalan ng kabuluhan ang nilakad-lakad niya sa mga lansangan. Hindi nawalan ng kahulugan ang pagkapudpod ng kanyang sapatos sa ginagala-gala sa bahay-bahay ng mga mangungutang. “Oh, iyang mga mangungutang!” ang nasasabi-sabi niyang madalas na susundan pa ng isang mariing kagat sa labi. “Iyang mga mangungutang ay maraming dahilan kapag nagkakataong dinaratnan mo sa bahay. Naroong siya’y may pinagbayaran. Naroong siya’y napagkasakitan. Naroong kung nauna-una ka lamang nang kaunti ay walang salang nabayaran ka niya. Oh, sari-saring dahilan ang ibinibigay nila sa iyo kung mataunan mong nasa bahay ang mga iyan. At parang pagpapakilala ng kanilang katapatan ng loob ay ihahabol pa kunwari sa iyo ang “Magbalik ka bukas.”

Sa kabila ng gayong pabuntot, ang ating kubrador ay hindi nagbabalik. Dalang-dala na siya sa “bukas” ng mga mangungutang. Alam niyang ang kanilang “bukas” ay “bukas” na walang katapusan.

Oh, iyang maniningil! Pinandidirihang parang ketongin. Nilalayuang parang may sakit na nakahahawa. Kinasusuklamang parang isang salarin. Ang pagdalaw ay ipinangingilabot na parang pagdalaw ng isang malaking sakuna!


Maniningil
ni Genoveva Edroza-Matute
(Sanaysay)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento