DAPAT ba o HINDI DAPAT na payagan ang diborsyo sa Pilipinas?

Mula sa panulat nina:
GONIE T. MEJIA — nagtanggol sa panig ng DAPAT
ELVIE V. ESPIRITU — nagtanggol sa panig ng HINDI DAPAT
RAFAEL A. PULMANO —namagitan bilang LAKANDIWA


LAKANDIWA (Pagbubukas)

Marubdob na pagbati po ang nais kong iparating
Sa lahat ng nakikinig dito sa Pag-usapan Natin
Narito po kaming muli upang kayo ay aliwin
Sa buwanang Balagtasang labanan ng magagaling.

Rafael A. Pulmano po ang lingkod nyong nagpupugay
Tubong Binan, Laguna po, Tagalog na sadyang tunay
Lakandiwa po ang aking papel ditong gagampanan
Tagahatol, tagahusga, tagasaing din po minsan.


Araw po ng mga puso ngayong buwan ng Pebrero
Kaya tungkol sa pag-ibig ang paksa ng pagtatalo:
Sa sariling bansa nating mas marami ang Kristyano,
Ay dapat ba o di dapat magkaroon ng diborsyo?

Batid ko pong kayo mismo'y may sariling panindigan
Ngunit pakinggan po natin ang panig na ilalaban
Ng Reyna po at ng Hari nitong ating Balagtasan
Wag na nating patagalin, sila'y ating palakpakan!


HINDI DAPAT (Pagpapakilala)

Inip akong naghihintay na sumapit itong gabi
Upang ako'y magpatunay sa makatang katunggali
Na di dapat ang diborsyo sa bansang itinatangi
Pagkat hindi naayon sa Maykapal at sarili.

Kababayang minamahal, tulutan po muna ako
Ang sa inyo ay magpugay nang taos sa aking puso
Advanced Happy Valentine's Day, diwa nito'y sumainyo
Ang lingkod nyong dili't iba, si Elvie V. Espiritu.


DAPAT (Pagpapakilala)

Tulad po ng nararapat, pagbati ko ay tanggapin
Isang maligayang oras, pagpupugay kong taimtim
Sa matapang na kahamok, ala-Teksas talisain
Sa labanang magaganap, tari muna ay hasain.

Salungat sa nababatid ng makatang paraluman
Nararapat ang diborsyo sa ating bansang tinubuan
Handa akong makibaka sa abot ng kakayahan
Gonie Mejia po, sa di pa nakakaalam.


LAKANDIWA

Narinig po ninyo kapwa ang dalawang magbabangay
Pareho pong nagbabanta; sino kaya'ng mas matibay?
Umpisahan na po natin ang unang round ng bakbakan
Si Miss Elvie Espiritu'y muli nating palakpakan!


HINDI DAPAT (Unang Tindig)

Sa simula ay pagtibok sa mga puso't damdamin
Ng dalisay na pag-ibig sa dalawang magsinggiliw
Katugunan din sa utos bago lubos magkapiling
Sa simbahan o sa huwes ang dalawa'y bubuklurin.

Sa dambana kapwa sila mangangako't manunumpa
Habang buhay walang maliw na sila ay magsasama
Nagsidalo'y mga saksi, higit na nga ang Lumikha
Hindi bagay na malabag sa hirap man o ginhawa.

Pag-aasawa'y kasabihang hindi kaning isusubo
Na iyong mailuluwa kapag ikaw ay napaso
Bago ito ay suungin dapat nating mapagtanto
Ang larangan na ganito ay di gawang biru-biro.

Likas sa ating Pilipino ang paggalang sa Maykapal
Sa aral Niya'y sumusunod, higit na sa kautusan
Ang kasal ay itinakda sa banal na kasunduan
Na di dapat na humantong sa malagim na hiwalay.

Ang sa aki'y pagtatanong, huwag lamang ipagdaramdam
Nitong aking katunggaling salungat ang kabatiran
Kapag sinabing “Yes, I do” ng dalawang ikakasal
Di ba't ito'y kahulugang sumpang di dapat maparam?


LAKANDIWA

Ang dagundong ng katwiran ni Elvie po'y parang lindol
Ngunit tila hindi yata nayayanig ang humamon
Ngumingit-ngiti lamang si Gonie pong kutis-sanggol
Palakpakan din po natin at dinggin ang itutugon!


DAPAT (Unang Tindig)

“Yes, I do” ang magbubuklod sa dalawang ikakasal
Nang lubusang mapag-isa at sa buhay magkatuwang
Ang bisa ng kasamyento'y hanggang mayrong unawaan
At kung ito'y naglaho na, diborsyo ba'y tututulan?

Ang bukas na hinaharap ay di natin nababatid
Panahon ay nagbabago, parang hanging umiihip
Gayon din sa mag-asawa, di ko lahat idinadawit
Kung ngayo'y nagkakasundo, may sandaling nawawaglit.

Kasalanan pang mas higit ang isang pagkukunwari
Kung pagsasama'y di normal, habang buhay ang lunggati
Mainam pang maghiwalay pagkat dito ang sarili
Ang tanging nilalamangan, sinasaktan na sakbibi.

Sa batas ng ating bansa ay may separasyong legal
Sa tuntuning kabanalan naaayon ang hiwalay
Danga't ito'y itinutulot nang mayroong kasunduan
Katunayan pa ring ako ang nasa tamang katwiran.

Sa musmos mang pang-unawa ay tukoy ang nagaganap
Ang pintas sa pagsasama, sumasapit na lang sukat
Pagmamahal naglalaho sa puso ng magkapilas
Ang magsama pa sa bubong ay hindi na nararapat.


LAKANDIWA

Ang tao, pag nag-aaway, ay mentras pong pinipigil,
Lalo lang daw nag-iinit, parang asong nanggigil
Kaya sila'y hahayaan ko na hanggang umagahin
Kapag meron na pong tumba ay saka ko aawatin.


HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)

Marami ang kaalamang lihis sa katotohanan
Katulad ng kahidwa kong di tapat yatang magmahal
Katugon ba ay diborsyo kung mayroong sigalutan
Ang dalawang magkapilas? Sa wari ko'y hindi bagay.

Sa ganang akin ay batik sa malinis na pangalan
Ng sino mang mga anak na magulang ay hiwalay
Paano niya masasabing sila'y mga mapagmahal
Kung mismong ama at ina, sa diborsyo'y nagkawalay.

Paano rin sasabihing tapat ka nga kung suminta
Samantalang sa asawa'y nilisan mo ang halaga
Tiwala ng iyong kapwa mapapawing parang bula
Tingin sa iyo ay maliit, hindi ako nangungutya.

Sa batas man ay mayroong hiwalay na pinagtibay
Ngunit tayo'y may sariling damdamin at kaisipan
Na sikaping mapagyaman ang sagradong pagmamahal
Sa kabiyak ng iyong puso na tungkuling nakaatang.


DAPAT (Ikalawang Tindig)

Hindi lubos na matukoy ng dilag kong katunggali
Ang lawak ng kapintasang matatamo ng sarili
Halimbawang ang kapilas, nagtaksil at nadiskubre
Ang patuloy na magsama ay mayroon pa bang buti?

Kapag anak ay sumapit sa tama at wastong gulang
Ang respeto'y magbabalik sa nagdiborsyong magulang
Marapat din bang pansinin ang paglibak ng lipunan
Kaysa maging isang hamak sa sarili pang tahanan?

Katapatan sa simula sa mag-asawa'y mapupuna
Sa di naglaong panahon tumatabang ang pagsinta
Lalo't puso nila kapwa'y nahuhumaling sa iba
Sa kanila'y tumatabang ang banal na pagsasama.

Hindi man inaasahang ang ganito'y sumasapit
Dapat bang ang magkabiyak, patuloy magsamang pilit?
Di ba dapat bigyang laya ang kanilang ninanais
Na hanapin na sa iba ang pintuho nilang langit?




HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)

Bawat pukol na matuwid nitong aking kahidwaan
Ay pawa pong mga lisya, kayhirap maunawaan
Hahanguin ko'y talata sa Aklat ng kabanalan
Taliwas sa kanyang batid, ganito ang nilalaman:

Kapag kasal ay naganap, ang dalawa'y pinag-isa
At pirmihang magbubuklod nando'n man ang pagdurusa
Ang pinabigkis ng langit sa utos na nakatala
Ay hindi na makakalas ng kahit sinong nilikha.

Dahil ang tao'y marupok, sa kautusan lumalabag,
Iginigiit ang hiwalay ayon din sa nahahayag
Ngunit hindi nararapat ang humanap ng ibang liyag
Pagka't iya'y pangangalunya, sa Marcos diyes nahahayag.


DAPAT (Ikatlong Tindig)

Sa tugon ng kahidwa ko lumilitaw na malinaw
Na sadya ngang karapatan ang gawang paghihiwalay
Tama nga't pangangalunyang humanap ng ibang mahal
Ngunit po ang aming paksa ay kung dapat ang hiwalay.

Kung atin pong susuriin sa palakad ng lipunan
May batas na hindi hango sa banal na kasulatan
Ang nais ko pong tukuyin ay ang annulment ng kasal
At iyan ay hindi kaila sa ating mga kaisipan.

Tama nga't tayo'y marupok, hindi ako tumututol
Pagkat tayo ay nilikhang nasasangkot sa panahon
Kapintasan nga ba kaya ang batas na tumutugon
Sa hiwalay na nabanggit? Ang sa aki'y pagtatanong.


HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)

Maganda po itong tanong, ngayo'y aking sasagutin
Di ba't tao'y kakaiba ang paniwala't adhikain?
Ipinagtatanggol ko'y di dapat na iyan ay pairalin
Piling panig ko sa paksa, di ba kayang unawain?

Ang bansa pong Pilipinas na Perlas ng Silanganan
Ay lupain ng Kristyanong may panalig sa Naglalang
Ligaya nga ba ng anak kung sa ama ay susuway?
O ama ay matutuwa kung siya'y nilapastangan?


DAPAT

Walang anak na naghangad na sa ama'y magsuwail
Tayo lang ay nangingilag mga sarili'y dayain
Mayroon pa bang katinuan kung pagsasama'y nagdilim
Na nilambong halimbawa ng asawang talusaling?

Dahil dito'y inuri kong ang hiwalay ay matimbang
Kaysa sa habang panahong dangal ay mayuyurakan
Kung sakali bang mangilag sa ganitong kapintasan
Ang panig kong tinutugon, turing ba ay kasalanan?


HINDI DAPAT

Sa hangad yatang magwagi sa laban ng katagisan
Naglulubid ng salitang wari ko'y mga paratang
Dilat po yata ang mata ngunit tulog ang isipan
O baka po kinakapos sa tunay na kaalaman?


DAPAT

Ang tanong ko'y maliwanag, ang sagot po ang madilim
Ng makatang paralumang lumilihis kung wariin
Hindi pa ba nasasapat kaysa nandoon ang hilahil,
Mainam pang tumalikod kaysa lugmok sa panimdim?


HINDI DAPAT

Sa buhay bang walang wakas ay sino ang tinatanggap?
Di ba't iyong sinaktan na at nagpataw ng patawad?


DAPAT

Kautusan di po namang mahalin mo ang sarili
Ang hiwalay ay dapat lang kung ito'y nakabubuti.


HINDI DAPAT

Ang hiwalay ay di dapat sa ating bansang tinubuan!


DAPAT

Lakandiwa ang huhusga nang ito'y mapag-alaman!


LAKANDIWA (Paghatol)

Lakandiwa ang huhusga kaya ako'y narito na
Magpahinga muna kayo at ang bibig ay isara
Kayo namang kababayang kanina pa nakanganga
Ipabaon sa kanila'y palakpakang pampagana!

Mahaba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy,
Balagtasa'y may hangganan, at sa dulo ay may hatol:
Diborsyo sa ating bansa'y angkop nga ba't naaayon?
Ang sagot ni Elvie'y hindi, si Gonie ay Oo'ng tugon.

Ani Elvie, mag-asawa'y sumusumpa sa dambana
Walang maliw na pagsinta ang alay sa isa't isa
Saksi yaong nagsidalo at gayon din si Bathala
Na sila ay magsasama sa hirap man at ginhawa.

Di raw kaning isusubo't iluluwa pag napaso
Ang kasal ng magsinggiliw na di anya gawang biro
Kapag dalwa'y pinagbuklod sa palitan ng “Yes I do”
Kamatayan lang ang pwedeng kumalag sa tali nito.

Ang katwiran po ni Gonie, ang lahat ay nagbabago
Habang merong unawaan, may bisa ang kasam'yento
Ngunit pag sa isa't isa, ang respeto ay naglaho
Kaysa anya magkunwari, mabuti pang magdibors'yo.

Ginamit na halimbawa'y pag nagtaksil sa sumpaan,
Ano'ng silbi raw ng kasal kung iba na'ng minamahal?
Higit pa raw tatatanggapin ang pagkutya ng lipunan,
Kaysa maging isang hamak sa sarili niyang bahay.

Ang katwiran nila'y ganyan, ang sa akin nama'y ito:
Ang kasal ay mula sa D'yos, ang diborsyo'y gawang tao
Sa bibliya'y nasusulat, ang nagwika ay si Kristo,
“Pinagbuklod ng D'yos ay wag pagh'walayin nga ng tao”.

Kung diborsyo'y hahayaang umiral sa ating bansa
Ang pundasyon ng pamilya ay bubuway at hihina
Walang saysay ang sumpaan at “Yes I do” sa dambana
Kung sa huli'y p'wede palang mapawalan itong bisa.

Ang lahat nga'y nagbabago sa panahong lumilipas
Ngunit ang salita ng D'yos kaylan ma'y di kumukupas
Mahusay mang mangatwiran ang makatang taga-Tarlac,
Ang korona ng tagumpay, kay Elvie ko igagawad!





DAPAT ba o HINDI DAPAT 
na payagan ang diborsyo sa Pilipinas?
(isang Balagtasan)

Mula sa Panulat nina:
Gonie T. Mejia,Elvie V. Espiritu at Rafael A. Pulmano


Pasasalamat: OFW-BagongBayani.com

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento