Dapat Ba O Hindi Dapat na Manligaw ang mga Kababaihan?

LAKANDIWA

Malugod na pagpupugay ang nais kong ipaabot
Sa lahat ng kababayang nakikinig, nanonood
Salamat sa kahiligan ni Vilma A. Malabuyoc
Ng Laguna na nag-email ng usaping itatampok.

Dapat ba o hindi dapat na babae ay manligaw?
Yan ang paksang tatadtarin sa sangkalan ng katwiran
Na kilala at mas tanyag sa tawag na Balagtasan
Lumapit na't makilahok sa tulaan ang may alam.


DAPAT

Ako'y isang binibining nakahandang makitugon
At sa paksang nakasalang malinaw ang aking hamon
Babae ay nararapat na manligaw, pagkat ngayon
Ang lahat ay nagbabago sa paglipas ng panahon.


HINDI DAPAT

Ako rin ay binibini, ngunit sa 'king pagmumuni
Babae ay hindi dapat na manligaw, pagkat mali
Ang dalagang Pilipina ay likas na mayuyumi,
Di magaslaw, matahimik, magalang at mapagtimpi.


LAKANDIWA

Malugod kong tinatatanggap ang dalawang paraluman
Na kapuwa marurunong at bihasa sa bigkasan
Wag na nating patagalin, umpisahan na ang laban
Unang tindig ay ang DAPAT, siya'y ating palakpakan!


DAPAT (Unang Tindig)

Ang lola ng aking lola, may kapatid na dalaga
Na dalaga pa rin kahit edad na ay ciento treinta
Pila-pila nanliligaw ngunit mahal niya'y iba
Na saksakan namang torpe, panay tingin lang sa kanya.

Kung lalaki'y ligaw-tingin, di marunong na magtapat
Ang babaeng umiibig, sya nang dapat magpahayag
Sa panahong makabago, may text, email, eyeball, at chat
Di na uso ang pakipot, pa-cute, pasikret-secret love.

Kung babae manliligaw at lalaki ang sasagot
Malaya ang isa't isang tanggapin ang niloloob
Mas mabuti ito kaysa sapilitang pananakot
Na kaya lang nagpakasal ang lalaki ay pinikot.

Hindi naman yata tama kung tanging may karapatan
Magsabi ng niloloob ay ang kalalakihan lang
Ma-lalaki, ma-babae, pantay lamang na nilalang
May puso at may damdaming kapwa marunong magmahal.

Nasa'n tamis ng pagsinta o hapdi ng pagkabigo
Kung di man lang naranasan pagkat lalaki ay dungo?
O babae kahit gusto ay di naman makakibo?
Ano'ng saysay ng mabuhay? Para saan pa ang puso?


LAKANDIWA

Mabibigat na katwiran ang kaagad ipinukol
Ng makatang nasa panig ng DAPAT ang pinagtanggol
Ang kaniyang katunggali, pakinggan natin ang tugon
Palakpakang masagana ang sa kanya'y isalubong!


HINDI DAPAT (Unang Tindig)

Ang lolo ng aking lolo ay may apong binatilyo
High school pa lang marami ng tagahanga, isa rito
Ay kaklaseng agresibo, nanligaw na'y siya mismo
Nang mabuntis, di gumradweyt, nag-iwan ng iskandalo.

Makabago na nga tayo sa gamit at kasangkapan
Modernong teknolohiya, mas asensong kaisipan
Ngunit hindi nagbabago ang pundasyon nating moral
Ang ugali at karakter ay di bagay na materyal.

Alalaon baga, kahit marami nang hindi uso
Mayro'n pa ring makalumang sariwa at laging bago
Kagaya ng panliligaw, kahit tayo ang may gusto
Lalaki ang siyang dapat sumungkit ng ating "Oo."

Ang binatang namuhunan ng tiyaga't paghihirap
Upang kamtin ang pag-ibig ng dalagang nililiyag
Sa puso ay iingatan ang matagal pinangarap
Kung magmahal siya'y lubos, habambuhay at matapat.

Mayro'n tayong kasabihan, pag patuka ang lumapit
Sinong manok ang tatanggi? Ito'y hulog na ng langit!
Sa babaeng manliligaw, siguradong may sasabit
Ngunit dahil natukso lang at di tunay ang pag-ibig!


LAKANDIWA

Umpisa lang mainitan na kaagad ang bakbakan
Ng makatang magkaiba ng pananaw at katwiran
Sa susunod nilang tindig, sila'y aking hahayaan
Paulanan nating muli ng masiglang palakpakan!


DAPAT (Ikalawang Tindig)

Ang tangi kong masasabi sa estudyanteng nabanggit
Di masama ang manligaw, ang di tama'y magpabuntis
Hiling ko sa katunggali, wag palitan itong topic
Huwag sanang insultuhin ang utak ng nakikinig.

Tinukoy kong pagbabago'y tungkol sa nakagawian
Noon, mga nagpupulis, sikyu, pawang lalaki lang
Ngayon, may nurse na rin tayong baligtad ang kasarian
Kaya ano'ng kaibahan kung babae ang manligaw?

Noong una, iskandalo ang maraming nagaganap
Lumaon ay unti-unting niyakap ng komunidad:
Babae ang nasa abroad, lalaki ang nagsisikap
Gampanan ang pagka-ina sa naiwang mga anak.

Kung tanggap na ng lipunan ang ganitong pagbabago
Babae man ang manligaw, wala itong malisyoso
Tamang gawa, laging mali sa mata ng suspitsoso
Kaya tuloy pati ating bansa ayaw umasenso!


HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)

Palagay nang marami na ang babaeng nag-a-abroad
At ito ay tanggap na nga ng bayang naghihikahos
Batid nating ito'y mali lalo't ating napagtuos
Ang bilang ng nawawasak na pamilyang lasug-lasog.

Ngunit aking ibabalik sa ligawan ang usapin
Hindi dapat ang babae ang magtapat ng paggiliw
May paraan siya upang maglambing at magpapansin
Magpakita ng motibo, magparamdam, magpa-charming.

May batas na itinakda ang dakilang kalikasan
Pagmasdan mo ang paligid, marami kang malalaman
Bubuyog ang lumalapit, bulaklak ang naghihintay
May bulaklak bang nadapo sa bubuyog na may nektar?

Kung baligtad na ang mundo sa larangan ng pagsuyo
Babae ang nanliligaw, lalaki ang inaamo
Dapat silang lalaki rin ang mag-meyk-ap, magpa-laypo,
Paretoke ng katawan at mukha kay Doktor Belo.


DAPAT (Ikatlong Tindig)

Halata nang nagigipit ang makatang katunggali
Dinadaan sa komedi ang katwirang maling-mali
Sa pag-ibig karapatan nating lahat na pumili
Karapatang walang silbi kung babae'y itatali.

Ang babaeng nakagapos sa tradisyong makaluma,
Hindi pwedeng makaligaw, maghayag ng ninanasa
Biktima ng kalupitan ng nagbatas na tadhana
Na siya ring nagkaloob ng puso sa 'sangnilikha.

Ang babaeng nagtatapat ng pag-ibig sa binata
Sa kabila ng paghatol ng lipunang mapangutya
Ay higit kong igagalang kaysa mga nagkukunwa,
Mga plastik, ipokrita, kabilaan pagmumukha.


HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)

Mas bistadong nakokorner ang katalong paraluman
Sa init ng ulo pilit hinahatak ang labanan
Balagtasan, kagaya rin ng pag-ibig at ligawan
Ay di dapat dinaraan sa santuhang apurahan.

Ano na ang sasabihin ng balanang makakita
Kung babaeng nanliligaw gabi-gabi'y pumoporma
Lunes kay Jun, Martes kay Bert, Myerk'les, kay George, etsetera?
Sa lalaki ito'y okey... Sa babae? Ay sus-barya!

Baryang-barya, murang-mura ang tingin nga sa babae
Kung masyadong desperadong makabingwit ng lalaki
Perang sugal, kung gastusin, walang halong pagsisisi
Pagsintang kay daling kunin, madali ring isantabi!


DAPAT

Labis namang pinababa ng katalong mapanghusga
Ang halaga ng babaeng tapat lang sa sarili nya
Mas mabuti na ang lantad sa ugali't pagpapasya
May pag-asang lumigaya sa halip na magpantasya.

Buhay nga natin ay sugal, kung lagi kang tagataya
Mas maliit ang tsansa mo di tulad ng nagbabangka
Sa dalawang naghahanap, naghihintay ng biyaya
Mas higit na may pag-asa ang babaeng nagkukusa.


HINDI DAPAT

Ang dalagang Pilipina ay dangal ng ating lahi
Matimtimang Maria Clara, buong mundo'y pumupuri
Ang nais ng ka-Balagtas ay baguhin ang ugali
Itulad sa Kanluraning mas mababa yaong uri!

Sa Kanlurang Amerika, makabago na ang lahat
Talamak ang teen pregnancy, diborsyo ay sangkatutak
Ganyan ba ang ninanais pausuhin sa pagpayag?
Babae na ang manligaw sa modernong moralidad?


DAPAT

Katunggaling paraluman hanggang ngayo'y nakahawla
Sa panahon ng Kastila nina Simoun at Ibarra
Ang paksa ay tumutukoy sa kung dapat, di dapat ba
Na manligaw ang babae - ngayon! Hindi nu'ng una pa!


HINDI DAPAT

Noong una pa at ngayon, ang sagot ko ay iisa:
Hindi dapat na manligaw ang babaeng Pilipina
Mas matamis ang tagumpay ng nagpagod na atleta,
Mas dalisay ang pagsuyong di nakuha basta-basta!


DAPAT

Matamis lang ang pag-ibig sa babaeng niligawan
Ng lalaking nagkataong kanya mismong napusuan
Ngunit dulot nito'y pait sa dalagang matimtiman
Na di pansin ng binatang lihim niyang inaasam!


HINDI DAPAT

Hindi dapat manibugho ang babaeng di pinansin
Parehas lang naman sila ng lalaking gumigiliw
Na kahit may karapatang pumili ng susuyuin
Kung biguin ng dalaga'y nagdurugo ang damdamin!


DAPAT

Hindi patas na lalaki lamang ang may karapatan
Ang babae ay dapat ding bigyang-laya sa pagligaw!


HINDI DAPAT

Kung paanong mayro'ng Ama at may Ina ang Tahanan,
May lalaking manliligaw, may babaeng liligawan!


DAPAT

Sa panahong makabago ay di na uso ang ganyan!


HINDI DAPAT

Laging uso kahit kaylan ang mabuti't tamang asal!


DAPAT

Dapat babae manligaw!


HINDI DAPAT

Maghintay kang maligawan!


LAKANDIWA

Sa ayaw at sa gusto nyo, ako naman ang papakli
Upang kayo'y awatin na sa labanang tumitindi
Kayo muna'y magpahinga, magpalamig sumandali
Kabayayang minamahal, palakpakan silang muli!

Babae ba'y nararapat na manligaw? Yan ang tanong.
Sino nga ba ang nagwagi at dapat tanghaling kampeon?
Kayong mga madlang people ang bahala nang humatol
Pagpalain tayong lahat ng Dakilang Panginoon.




DAPAT BA O HINDI DAPAT NA MANLIGAW ANG MGA KABABAIHAN?
(Isang Balagtasan)

Mula sa panulat ni:
RAFAEL A. PULMANO


Pasasalamat: OFW-BagongBayani.com

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento