Ang Don at ang Pulubi

May isang Don na nakadamit ng kulay-ubeng de ilo na nabubuhay arawaraw sa karangyaan. Sa kanyang tarangkahan, nakahambalang ang isang pulubi, si Lazarus. Kumikirot ang buong katawan ni Lazarus dahil tadtad siya ng sugat. Kumakalam din ang kanyang sikmura dahil sa sobrang gutom. Nakatanghod siya at tumatakam sa mga pagkaing nahuhulog mula sa mesa ng Don. Sa halip na lapitan siya ng sinuman sa mga nagsisikain para bigyan siya ng pagkain, ang lumapit sa kanya ay mga aso para dilaan ang kanyang mga sugat.

Dumating ang panahon, namatay ang pulubi. Kinuha siya ng mga anghel, dinala siya’t iniluklok sa tabi ni Abraham. Gayundin ang Don, namatay at inilibing. Sa impiyerno ito napunta at pinarusahan. Napatingala ang Don at nakita sa malayo si Abraham katabi si Lazarus. 

Nanawagan ito: “Amang Abraham, maawa kayo sa akin. Papuntahin ninyo rito si Lazarus para idawdaw ang dulo ng kanyang daliri sa tubig nang malamigan naman ang dila ko. Hirap na hirap na ako sa apoy na ito.”

“Anak, naaalala mo ba noong nabubuhay ka pa? Tinanggap mo nang lahat ang mabubuting bagay, samantalang lahat ng masasaklap ay napunta kay Lazarus. Kaya ngayon, sa kanya naman dapat ang paglingap, at sa iyo, ang paghihirap. Isa pa, naging napakalaki na ng agwat natin, kaya mahirap nang matawid mo pa ang layo mula riyan hanggang dito, dili kaya ay matawid ninuman ito mula rito hanggang diyan,” ang sagot ni Abraham.



Nagmakaawa uli ang Don. “Maawa na kayo, Ama, papuntahin ninyo si Lazarus sa bahay ng aking limang kapatid na lalaki. Paalalahanan ninyo sila nang hindi sila mapasunod pa sa lugar na ito.”

Tumugong muli si Abraham. “Naroroon si Moses at ang mga Propeta, hayaan mong makinig sila sa kanila.”

“Hindi, Amang Abraham,” sabi pa ng Don. “Pag mula sa mga namatay na ang pupunta sa kanila, tiyak magsisisi sila.”

“Bueno……” talima ni Abraham sa Don, 

“kung ayaw nilang makinig kay Moses at sa mga Propeta, hindi rin sila makukumbinse kahit sa kaninumang namatay pang ibabalik.” 


Lukas 16: 19-31
Isina-Filipino ni Joey A. Arrogante.


Ang Don at ang Pulubi
Parabola

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento