Dapat Ba o Hind Dapat Magtapat ng Pag-ibig ang Babae sa Lalaking Kanyang Minamahal?

Dapat Ba o Hind Dapat Magtapat ng Pag-ibig ang Babae sa Lalaking Kanyang Minamahal?
Balagtasan
By Julieta O. Asenita

Mga nagsiganap sa Balagtasan:
Dapat: Julieta Asenita
Hindi Dapat: Amor Grullo
Lakandiwa: Joel Torres



LAKANDIWA

Balagtasan, Balagtas ang ngala’y nagmula
Debateng patula, tulang mahabang-mahaba
Kung bao’y may kahinaan, dito’y di uubra
Pagka’t ito’y tagisan ng talino, sa matwid ay hasa.

Ang pagharap namin sa inyo’y tugon po sa kahilingan
Ng isang magandang paraluman, TESS BALLA po ang ngalan
Pero bago po ang lahat, kami muna ay pagbigyan
Sa matunog na palakpak, kami sana’y paringgan!

Salamat po, ngayon nama’y tanggapin ang aking bati
Magandang gabi po sa lahat, mga kabayan ko’t kalahi
Mga bigating makata, sa balagtasa’y magbabahagi
Kaya’t abangan ang kapanabik-nabik na pagtutunggali.

Ginoong JOEL TORRES po, itong inatasang Lakandiwa
Taga-hatol, taga- awat sa mga makatang maghihidwa
Utak man ay magkatapat, mukha’t kulay nama’y magka-iba.
Nguni’t parehas pong magaling, sa bigkasa’t pagtudla.

Dapat ba o hindi dapat magtapat ng pag-ibig
Ang isang babae, sa lalaking kanyang sinasamba’t iniibig?
Ang paksang sasagutin, hinggil sa tanong na ni-request
Ito ngayo’ y lulutasin ng mga makatang matitinik !

Paalaala mga ‘kabayan, sa laban pong gaganapin
Hindi namin sinasadya, kung masasagaan o masasaling
Dahil ito’y balagtasan, ang lahat po ay kakalkalin
Kaya’t makinig nang mabuti, katwiran nila’y limiin.

Ang tabing po ng tanghalan ay akin ng hinahawi
Nang ating mapagsino ang dalawang magpipingki
Una kong tatawagin ay itong kamag-anak ni DATU PUTI
Palakpakan nang masigla ang sa kanya’y ibahagi!



DAPAT (Pagpapakilala)

Ang pag-ibig pag naghari sa puso po ng sinuman
Susuungin daw ang lahat, maging ito man ay kapintasan
Lalo’t torpe, isang kimi… ang lalaking manliligaw
Ang maghayag ng pagsinta, ang babae’ y dapat lamang.

Kasing liwanag ng kutis ko, ang panig kong tutugunin
Na laan kong ipagtanggol, saan pa man makarating
JULIETA ASENITA po itong nagpupugay buong giliw
Sa lahat ng kababayang… katulad ko ay malambing!



LAKANDIWA

Ang Makata ng Nueva Vizcaya ang narinig po n’yong nagpahayag
Na kilala sa bigkasan, maging dito sa ibayong-dagat
Susubukin naman natin, ang talino ng kanyang makakatapat
Ang Makata ng Pangasinan, na kilala rin sa pagsulat.

Para atin nang mabatid ang panig ng hinahamon
Gayon din po ang katwirang idudulot nitong tugon
Ang makatang makakatapat narito na – balibatin ngayon
Ng masigabong palakpakan na pampagana’t pangkundisyon!



HINDI DAPAT (Pagpapakilala)

Isa po akong MARIA CLARA noon at sa kasalukuyan
Kaya’t malayo na ako po ang sa pagsinta’y mangumpisal
Wala pong ipis aking guni-guni, di gaya ni Julietang hibang
AMOR GRULLO po, galak na sa inyo ay nagpupugay.

Kahihiyan at kapintasan, batik po sa pagkakababae
Na magtapat ng pag-ibig ang dalaga sa lalaki
Iyan po ang panig kong dudulugan ng diskarte
Sa dilag na isang sawi sa pag-ibig, huli na sa b’yahe!



LAKANDIWA

Kagaya ng inaasahan, ang makata pong nagsalita
Ay di marunong magmintis sa pagtudla ng kataga
Ngayo’y batid na po nating lantarang di makaila
Ang dalawa’y parehas pong mayro’ng binatbat nga!

Nang higit pong maliwanagan, damdamin ng bawa’t isa
Ang first round ng pagtatalo’y dadakuin na po nila
Muli kong ibinabalik si Binibining JULIETA ASENITA
Bago sana siya tumalak, palakpakan natin muna siya!



DAPAT (Unang Tindig)

Batik nga bang ituturing ang sariling karapatan
Ang magtapat ng pagsinta sa lalaking minamahal?
Tila yata nadupilas ang dila itong katalo sa tinuran
Hindi kaya siya’y lasing o talagang engot lamang.

Tumpak siya nang sabihing ako’y naiwan sa biyahe
Hanggang ngayon ay “Miss" pa po, kasalanan ko din kasi
Ang binatang sinamba ko, sa pagligaw sa aki’y t’yope
Ako’y nagsawalang-kibo, hayan... naburo tuloy aking byuti!

Nag-uumapaw na ligaya ang magmahal at ikaw’y mahalin
Ang bumuo ng sariling pamilya ay langit ding ituturing
Natutupad ang pangarap, tagumpay ay mararating
Kung ang dilag na gaya ko, ng binata’y susuyuin.

Subali’t po nangyayari at malimit na nagaganap
May binatang ligaw-tingin lang, sa napupusuang dilag
Ang dahilang pangunahin, alinlangan sila pagkat…
Ang dalaga’y gaya ko ding ang kariktan ay di masukat.



LAKANDIWA

Tukoy na po natin ngayon ang damdamin nitong si Julieta
Ngunit hindi kumbinsido ang makatang binabangga
Kanina pa di mapakali, ibig na ding makatula
Si AMOR GRULLO’y heto na, balibatin ng palakpak siya!



HINDI DAPAT (Unang Tindig)

Di dapat ipagkanulo ng dalaga ang damdamin
Sa lalaking iniibig, sa binatang napipisil
Ang magtapat ng pagsuyo ang dilag sa ginigiliw
Ay isa pong kamaliang hindi dapat pairalin.

Tatamis ang pagsasama sa dalawang ibubuklod
Kung sa “normal” na paraan, ang ligawan ay iinog
Dapat lamang ang binata sa pagsinta’y magluluhog
At hindi po ang dalaga ang aakit doon sa irog.

Akma nga lamang marahil na tatawagin pong very cheap
Silang mga kabaro kong tila di na makatiis
Maghintay pa ng panahon, kapalaran sa pagsapit
Dumulog ng pagtatapat sa inaangking langit.

Katulad po ni Manang Julieta, ang asal ay di matarok
Ang ugaling Maria Clara’y tila ba kanyang nalimot
Ito kayang dilag ay may diperensya sa tuktok ?
Pumipitas ng pag-ibig sa paraan pong baluktot.

Halimbawang siya’y magtapat ng pagsinta sa binata
At mabasted pagkat sya’y nagkabula sa hinala
Na siya ay mahal din po ng lalaking sinasamba
Maghunos-dili ka Julieta, di mo batid ang ginagawa!



LAKANDIWA

Makapigil-hininga itong si AMOR, sa balagtasan kung bumira
Parang bulkang Pinatubo, madagundong sa pagbuga
Nguni’t pawang ngiti lamang, mababakas kay JULIETA
Na lagi po sa pagganti ng matwid ay nakahanda.

Ang liyab ay tumitindi sa hurno ng paghihidwaan
Ako muna’y uupo, sila muna’y pansamantalang iiwan
At kapag may sunog na sa dalawang nakasalang
Ay saka ako papagitna, tatawag ng ambulance!



DAPAT (Ikalawang tindig)

Hindi na baleng very cheap, iya’y di ko alintana
Kung kapalit habang-buhay, ang irog ko’y makasama
Ako po ay hindi baliw, ang isip ko’y hinog na
Huwag mo akong paratangan sa hinalang balintuna!

Ang magdusa habang-buhay ay hindi ko pinangarap
Sa lumbay ng pag-iisa, di ko hangad mapasadlak
Masasabing sapalaran ang sa lalaki’y magtapat
Maaaring kabiguan, sa kabila’y isang palad.

Halimbawang ikaw kaya ang may lihim na pag-ibig
Sa Adan na lumiligaw, na ang dila ay nauumid
Lalo’t ikaw ay kaharap, magtapat ay di masambit
Di ba’t ikaw na din mismo ang susubok ng pahiwatig?

Ang hirap sa katunggali, hindi marunong umunawa
Wala kaya s’yang damdaming masasaktan at luluha ?
Kung ang pangarap katuwangin ng puso ay dinadambana.
Lalayo ng basta na lang, dahil siya po’y nagpabaya!



HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)

Ako po daw anya itong sa unawa ay nagkulang
Kung siya ang nagkanulo, sa palakad ay sumuway
Iisa ang tinutungo ni JULIETA sa katwiran
Ang pikutin yaong Adan, na pintuhong makatuwang.

Kung ako ang may lahim na pag-ibig sa lalaki
Ay hindi ko maatim, ibulgar ang pagtatangi
Matitiis ko ang lumbay at mag-isa sa hirati
Kaysa ilublob sa dungis,kapurihan ko at yumi.

May ligaya pa ba kayang madarama si Julieta
Kung sa pikot ay sinilo, ang binatang ginayuma?
Hindi ba siya makokonsensya sa sumbat ng kinasama
Na siya ay inakit lang ng dilag na desperada?

Pag-ibig ay walang tamis, maaaring sa hiwalay
Humantong ang pagsasama, kung pikot ang namagitan
Si JULIETA’y maganda, huwag lang titingnan ng matagalan
Kasing dilim ng hating-gabi ang kasal pong tinatanaw!



DAPAT (Ikatlong Tindig)

Panahon ang dumdilim, katwiran ko’y maliwanag
Hindi ako isang plastik, balimbing at mapagpanggap
Pinikot man ang irog ko ay hindi rin magaganap
Ang maghiwalay pagka’t siya’y paglilingkuran ko nang tapat.

Winawari ko’y pakipot ang makatang kahidwaan
Hindi raw po maatim, magpahayag ng pagmamahal
Baka kung siya;y di pansinin ng lalaking napupusuan
Maaaring siya’y mabaliw sa matinding kalungkutan!

Halimbawang kaming dalawa sa Adan ay umiibig
Kung ako ay mabibigo, daramdamin kong kay pait
Natural po ang paraan, sa isip ko’y mananaig
Ang pikutin ang binata, upang makaisang dibdib!



HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)

Hindi ako mababaliw sa siphayo’t kalungkutan
Nguni’t ako’y maloloka, sa asal mong mang-aagaw
Hindi ko na matitiyak, kung ano po ang kalaban
Kung Eva o isang T-bird o bakla pong paraluman!

Natural lang sa dalagang magpa-kiyeme…magpakipot
Pagkat iyan ay ugaling namulatan ko ng lubos
Ako ay hindi kilos-garapal, isipan ay gapok
Di paris ni JULIETA’ng may damdaming masalimuot!

Di dapat sa isang Eva, ang mag-asal po na Adan
Hindi dapat ang babae, sa lalaki ang liligaw
Palay pa ang lalapit, sa manok na isang tandang
Si JULIETA ba ay bubuyog o bulaklak ng katuray!



DAPAT

Bulaklak man ng katuray ay may kulay ding luningning
Ako ay hindi bubuyog, kundi isang rosas po sa hardin
Huwag mo akong ikumpara, sa palay na tutukain
At hindi rin katulad mong mapanupil sa damdamin!

Kapag puso’y nagsimulang makadama ng pagsinta
Masasaktan at luluha, lalo’t iyong sinawata
Gaano pa kayang hapdi, kung winalan mong bahala
Na makamtan ang pagtingin, ng minamahal mong binata.



HINDI DAPAT

Nahihigit yaong hapdi at kirot ng pangungutya
Ang irog ay sumakamay, dahilan sa pandaraya
Hindi mo ba kamatayan, ang sumbat ay kakumpara
Habang-buhay ay tutuksuhing makapal ang iyong mukha!

Magagalak si JULIETA, pag nakatuwang na irog
Subali’t ang kakatuwangin, hanggang wakas mukha’y lukot
Mahirap daw kasipingin, ng lalaki yaong “bebot”
Na di tunay siyang mahal, ng kanyang puso’y di tibok!



DAPAT

Kapag ako ay nagtapat ng pag-ibig sa irog ko
At kung ako’y magkapalaf, sa matamis niyang oo
Kahulugang ako’y mahal, hindi siya mabibigo
Isusukli ko’y ligayang hindi layong mapagtanto!



HINDI DAPAT

Di ko na kayang mapigil, itong aking nadarama
Ako’y inaalibadbaran, sa tugon po ni JULIETA
Hindi dapat na magtapat, ng pagsinta ang dalaga
Sa lalaking napusuan, hindi pwede, Ano ka ba?



DAPAT

Ako’y kabaro mong dilag, may laking paniwala
Karapatan kong maghayag, ng pag-ibig sa sinasamba!



HINDI DAPAT

Ang landasin sa pagsinta, sa lugar ay itatama
Ang magtapat ng pag-ibig, ang babae po ay lisya!


DAPAT

Mabuburo ang byuti ko, kung iya’y di magagawa!



HINDI DAPAT

Kaysa magdusa sa hiya, mainam pang ako’y mabilasa!



DAPAT

Iyan ang iyong paniwala!



HINDI DAPAT

Tukoy ko ang mali’t tama!



LAKANDIWA

Oras na para umeksena, upang kayo’y awatin
Magpahinga muna kayo at ang ulo’y palamigin
Muli po sa balana, masuyo kong hinihiling
Palakpakan ang dalawang naglaban ng buong giting!

Simulan nating limiin, ang matwid ng bawa’t isa
Sa hinayag na katwiran, ng makatang nagkahidwa
Ang paksa pong tinalakay, pahabol kong paala-ala
Ito’y usaping-pambabae, MARIA CLARA man o MADONNA
Ibig kong tukuyin makaluma man o moderna.

Uulitin ko ang paksa, ng dalawa’y tinalakay
Dapat ba o hindi dapat magtapat ng pagmamahal
Ang babae sa lalaki, iyan po ang katanungan
Ang panig ng dapat, ang una kong pagbibigyan.

Ani JULIET ASENITA, ang magtapat ay dapat lang
Lalo’t atas daw ng puso, ang dito po’y umiiral
Wala anyang masasangkot, sa gagawing sapalaran
Kundi na rin ang maghangad, sa sariling karapatan.

Mas mahapding madarama, ang mabigong di sinubok
Kaysa anya sa magtapat, na nasawi sa iniirog
Lahat daw ay magagawa, kung puso ang nanghimasok
Paano kung papalarin, ligaya daw anya’y lubos.

Sa pagtutol ni AMOR, anya ito’y malaking kapintasan
Sa dalagang Pilipina, MARIA CLARA ng Silangan
Garapal daw tukuyin,bilasa ang pagmamahal
Kung ang isang Eva’y liligaw, sa napupusuang Adan.

Di kalian man masasabing ang mali ay maging tama
Pagka’t anya’y karangalan, ang dito’y nakataya
Mapait daw ang pag-ibig, panunumbat nakataya
Kung lalaki ay pinikot, tugon nitong isang Eva.

Bibigyan ko ngayon ng linaw, itong aking panig
Tayo ay may kanya-kanyang karapatan sa pag-ibig
Mapwera lang kung sa dahas, daanin ang iyong nais
Itp’y sadyang matutukoy, kalaswaan…walang tamis.

Walang batas na nagsasabing, kasalanan ang magtapat
Ng pagsinta ang babae, sa lalaking pinangarap
Nandoon man ang kapintasan ay sarili ang hinamak
Hindi dapat siyang hadlangan, lalo’’t legal na ang edad.

Sa hatol kong igagawad, huwag mamuhi ‘kabayan
Bilang inyong Lakandiwa, desisyon ko ay igalang
Sa timbangan ng katwiran, tabla po ang naging laban
Si JULIETA at AMOR po, sila’y ating palakpakan!



Hulyo 24, 1999
Taiwan


Dapat Ba o Hind Dapat Magtapat ng Pag-ibig ang Babae sa Lalaking Kanyang Minamahal
Balagtasan
By Julieta O. Asenita


Source : OFW-BagongBayani.com

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento