Alamat ng Alitaptap

Alamat ng Alitaptap

Ilang libong taon na ang nakakaraan nang magkaroon ng matinding tagtuyot sa mundo. Ang mga pananim ay nanuyot at nasira at pati na rin ang mga alagang hayop ay nagkasakit at namatay. Walang ulan at ang mga ilog ay natuyo na rin dahil sa init ng sikat ng araw.

Alamat ng Alitaptap Legend of Firefly Pabula Alamat
Taimtim na nagdasal ang mga tao upang magkaroon ng ulan. Sumayaw-sayaw sila at nag-alay ng kung anu-anong sakripisyo ngunit walang ulang bumagsak maski ulap ay walang nabuo. Mas lalo pa ngang tumindi ang sikat ng araw.

Nawawalan na ng pag-asa ang mga taombayan nang dumating ang isang mahiwagang mag-asawa, si Bul-an at si Bitu-in. Ayon sa mag-asawa, narinig ni Bathala ang kanilang mga panalangin at ipinadala sila upang tulungan ang mga taombayan. Di nga naglaon ay dahan-dahan pumatak ang ulan at hindi ito tumigil hanggang sa napawi ang pinsalang dulot ng tagtuyot.

Naging mas masagana ang mga pananim at ang mga alagang hayop ay naging mas malulusog. Dahil dito, itinakda ng mga taombayan ang mag-asawa na kanilang mga pinuno. Pinaunlakan naman ni Bul-an at Bitu-in ang nais ng taombayan. Naging mabuti silang mga pinuno at umasenso ang nasabing bayan.

Mayroong anak ang mag-asawa, ito ay si Alitaptap. May malaking bituin na naka-ukit sa noo ni Alitaptap; ito ay nagpapatunay na siya ay di pangkaraniwang nilalang. Marami ang nagnais na makuha ang kamay ng dalaga upang mapangasawa. Maging ang kanyang ama ay pinipilit si Alitaptap na pumili na ng mapapangasawa upang sa ganoon ay magkaroon sila ng mga anak na magiging makikisig mandirigma. Ngunit matigas ang puso ng dalaga at ayaw nitong magpakasal sa kahit sino. Wala raw itong nararamdaman na kahit ano. Marahil ito ay dahil nga sa hindi tao ang dalaga.

Isang araw, isang manghuhula ang nagsabi kay Bul-an na masasakop ang kanilang bayan sa hinaharap kung hindi makakapangasawa si Alitaptap at hindi magkaka-anak ng lalaki. Ipinatawag ni Bul-an ang anak at pinagsabihang kinakailangan na nitong magpakasal sa lalong madaling panahon. Ngunit si Alitaptap ay walang nararamdamang maski anong emosyon kung kaya’t ayaw pa rin nitong magpakasal.

Nagalit ang kanyang ama ngunit maski anong gawin nitong pilit ay wala pa ring imik si Alitaptap. Napuno ang galit ni Bul-an. Kinuha niya ang kanyang tabak at hindi nakapagpigil ay hinampas niya ang kanyang anak. Tumama ang tabak sa malaking bituin sa noo ng dalaga at nabasag ito sa libu-libong piraso. Samantala, wala ng buhay ng bumagsak ang dalaga sa sahig. Ang mga munting makinang na piraso ng bituin sa noo ni Alitaptap ay unti-unting nagkaroon ng buhay; lumipad at nilisan ng mga ito ang palasyo. Ang mga ito ay ang tinatawag natin ngayon na mga Alitaptap.

Nagkatotoo ang naging hula at dahil sa walang mandirigma ang naipanganak mula kay Alitaptap ay nadskop ang kanilang bayan at natapos ang pamumuno ni Bul-an at Bitu-in.


Alamat ng Alitaptap

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento