Si Bolang Negro

Unti – unti nang nawawala ang kanyang mga kasama. Noong isang araw ay binili na sa Bolang Puti. Kahapon naman ay si Bolang Berde. Tapos, kaninang umaga nama’y sina Bolang Asul at Bolang Pula. Ngayon, tanging siya na lamang ang natitirang bola sa tindahang iyon ni Mang Teban.

“Buti pa kayo makapaglalaro na,” ang naiinggit na sabi ni Bolang Negro kina Bolang Asul at Bolang Pula matapos marinig ang usapan nina Mang Teban at ang mamang bibili sa dalawa.

“Ikaw naman Bolang Negro,” ang sabay na sabi nina Bolang Asul at Bolang Pula matapos magsalita si Bolang Negro. “Alam naming darating din ang araw na makapaglalaro ka,” dagdag pa ng dalawa.

Hanggang sa tuluyan ng kunin ang mga natitira niyang kasamahan. Lungkot na lungkot si Bolang Negro. Nag-iisa na lamang siya. At ngayon, malapit na namang magsara si Mang Teban ay wala pa ring bumibili sa kanya.

“Kung bakit kasi ang pangit-pangit ng kulay ko, ang itim-itim ko. Kaya tuloy walang bumibili sa akin,” paghihinakit ni Bolang Negro. “Hindi na talaga ako makapaglalaro kailanman,” ang sabi ni Bolang Negro sa kanyang sarili matapos makita si Mang Teban na naghahanda na para umalis.

Mayamaya pa, nang paalis na si Mang Teban, isang mama ang biglang dumating. Naghahanap ito ng bagay na maipanreregalo sa kanyang inaanak na may kaarawan kinabukasan. At nang makita ang bolang itim ay nasisiyahang kinuha ito. Walang pagsidlan ang kaligayahan ni Bolang Negro nang tuluyan siyang bayaran kay Mang Teban.

Habang nasa daan ay hindi pa rin makapaniwala si Bolang Negro. “Sa wakas makapaglalaro na rin ako,” ang sabi niya sa kanyang sarili.

Subalit biglang nawala ang kanyang kagalakan nang maalala ang kanyang hitsura. Nag-alinlangan siya kung magugustuhan kaya siya ng kanyang magiging kalaro. Magugustuhan kaya ang isang negrong katulad ko? Ito ang katanungang naglalaro sa kanyang isip.

Hanggang sa sapitin nila ang bahay ng mamang bumili sa kanya. Agad siyang inilabas at agad ding binalot.

Kinabukasan, habang dala-dala siya ng mama, naririnig ni Bolang Negro ang masasayang tawanan ng mga bata. At bagama’t nag-aalinlangan siya kung magugustuhan kaya siya ay naroon pa rin sa kanya ang kasabikang makalabas na at makaglaro.

“Yeheyyyy!!!,” ang natutuwang sigaw ni Junjun matapos mabuksan at makita ang bolang regalo sa kanya ng kanyang ninong. Dali-dali niya itong ipinakita at ipinagmalaki sa kanyang mga kalaro. Marami pa siyang natanggap na regalo subalit pinakagusto niya sa lahat ang bolang itim na regalo sa kanya ng kangayng ninong.
“Regalo sa akin ni ninong,” pagmamalaki niya habang idini-dribol ang itim na bola. Kung gaano kaligaya si Junjun sa pagkakataong iyon ay mas higit naman ang nararamdaman ni Bolang Negro.

Mula noon ay masaya silang naglalaro ni Junjun. Kung minsan ay sila lamang dalawa, kung minsan nama’y kasama nila ang mga kaibigang bata ni Junjun. Nawala na rin sa isip ni Bolang Negro ang panliliit dahilan sa kanyang hitsura. Marami silang masasaya at magagandang karanasan ni Junjun.

Subalit isang araw, gayon na lamang ang pagkainis ni Bolang Negro nang maglaro sila kasama ang bagong kaibigan ni Junjun na si Moymoy. Si Moymoy ay anak ng bagong lipat na kapitbahay nina Junjun at ito ay pilay. Hindi ito nakapaglalakad kung walang saklay.

Ayaw na ayaw ni Bolang Negro na kalaro si Moymoy dahil sa kapansanan nito. Ayaw rin niyang hinahawakan siya ni Moymoy. Subalit kung gaano niya kaayaw na kalaro si Moymoy ay ganon naman ito kagusto ni Junjun. Tuwang-tuwa pa nga ang dalawa kung naglalaro sila, bagay na kinaiinisan naman ni Bolang Negro.

Mula nang dumating si Moymoy ay nawala na ang sigla ni Bolang Negro na maglaro. Hindi siya masaya kapag kasama nila si Moymoy.

“Yan kasing pilay na yan e,” ang naiinis na sabi ni Bolang Negro sa kanyang sarili. “Tingnan ko lang kung ano ang gagawin ninyo kung wala ako. Tingnan ko lang kung magiging masaya pa kayo,” ang naiinis na sabi niya sa kanyang sarili.

Pagkaraan ng ilang sandali’y may biglang dumampot sa kanya. Ang kuya pala ni Junjun. Idrinibol-dribol siya at nang magsawa ito’y ibinato sa isang sulok ng bahay at agad na pumasok sa kanyang kwarto. Hindi na nito nakita ang paggulong pababa ni Bolang Negro.

Gumulong-gulong si Bolang Negro. Mula sa bahay nina Junjun, sa kalsada hanggang sa humantong siya sa isang putikan.

Ang buong katawan ni Bolang Negro ay nabalutan ng putik. Gusto niyang umalis sa lugar na iyon subalit wala siyang kakayahan upang gawin iyon. Nanlalagkit siya. May kung anu-anong insekto pa ang gumagapang- gapang sa kanyang katawan. Mayamaya’y pa ay may nagtapon ng basura sa kinaroroonan niya na lalung nagpalubog sa kanya.

Ngayon ay malayo na nga siya kay Junjun at lalung-lalo na sa kinaiinisan niyang si Moymoy. Subalit lubos ang kanyang pagsisisi. Ngayon lamang niya naisip kung gaano kalaki ang kanyang pagkakamali. Naalala niya ang pagtanggap at pagmamahal na iniukol sa kanya ni Junjun. Ang pagtanggap nito sa kanya sa kabila ng kanyang hitsura. Tapos, ang hindi niya pagtanggap kay Moymoy? Sino siya upang hindi tanggapin si Moymoy na maging kaibigan kung siya mismo ay tinanggap ni Junjun ng buong-puso, bilang siya?

Nagsisisi siya subalit alam niyang huli na ang lahat. Ilang araw na siya roon at alam niyang doon na siya magpakailanman.

“Nakita niyo po ba ang aking bola, itim po ang kulay nito. Parang awa niyo na, sabihin niyo naman kung nakita niyo ito.”

Nabigla si Bolang Negro. Kilalang kilala niya ang may-ari ng boses na iyon.

“Kay Junjun ang boses na iyon at hinahanap ako,” ang natutuwang sabi ni Bolang Negro sa kanyang sarili.

Gustong isigaw ni Bolang Negro na naroon lamang siya sa malapit ngunit wala siyang boses. Mayamaya pa’y may naramdaman siyang humahalungkat sa kinaroroonan niya. Humihingal ito at marungis ang hitsura. Nang makita niya siya nito ay biglang naglulundag ito sa tuwa.

“Yeheyyyy!!!, nahanapan ko rin ang aking bola.”

Iniuwi ni Junjun si Bolang Negro sa kanila. Hinugasan at nilinis kaagad ito hanggang sa bumalik ang dati nitong anyo.

Hindi alam ni Bolang Negro kung paanong nahanapan siya ni Junjun, subalit alam niyang iyon ay dahil sa pagmamahal na iniukol nito sa kanya sa kabila ng lahat.

Kinabukasan ay masayang naglaro sina Junjun, Moymoy at Bolang Negro. Subalit sa kanilang tatlo, higit ang kasiyahang nararamdaman ni Bolang Negro.


Si Bolang Negro
Maikling Kwento

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento