Maliwanag na Tala

Malakas ang bagsak ng ulan mula pa kagabi. Walang maaninag na malinaw si Naomi mula sa bintana. Maging ang ilaw sa mga sasakyang nagdadaan ay malamlam. Nakontento siyang gumuhit ng mga mukha gamit ang hamog na namuo sa salamin ng bintana. May kalakihan ang mata at bibig ng iginuhit niya. Sumunod ay iniligay ang mga kamay, paa at iba pang detalye.

Ngumiti siya. "Mama, Papa, Nana, ako!" sigaw niya habang iniisa-isa ang mga iginuhit sa salamin. Unti-unting tumigil ang bugso ng ulan. Nakita niya ang mga batang nagtatampisaw sa tubig sa may tabing daan. Nagtatawanan ang mga ito.

"Naiinggit ka ba sa kanila?" tanong ni Nana Rosa kay Naomi nang madatnan itong nakatitig sa bintana.

Tumango ang bata. "Opo. Pero alam ko pong hindi pwede at may dala pong sakit ang baha sabi ni Mama."

"Halika, gumawa na lang tayo ng bangkang papel," wika ng matanda. "Mataas din ang tubig malapit sa balkonahe kaya makakapaglaro tayo."

"Sige po, Nana," nakaumis na sang-ayon ng bata. Taas-baba ang kamay niya sa tagiliran habang naglalakad patungo sa balkonahe. "Kukulayan ko po ang bangka para maganda!"

Isinilang na mahina ang puso ni Naomi. Madali siyang mapagod dahilan upang maging limitado ang kanyang pwedeng laruin. Pagguhit ang kanyang naging libangan sa tuwing hindi siya makasali sa mga laro ng kapitbahay. Masaya din naman ang pagguhit dahil nakikita niya kung gaano kaganda ang kalikasan. Bukod dito, naaliw din siyang makinig sa huni ng ibon, panoorin ang paglipad ng paru-paro at ang pagyabong ng tanim niyang rosas sa hardin. Para kay Naomi sa gulang niyang pito, hindi hadlang ang kanyang karamdaman para maging masaya.

Ang kasambahay na si Nana Rosa ang nagsilbing tagapangalaga ni Naomi. Hindi kamag-anak ni Nana Rosa ang pamilyang pinagsisilbihan niya pero puspos ang pagmamahal na inialay sa bata. Wala siyang sariling pamilya kaya anak ang turing niya sa lahat ng miyembro ng pamilyang pinaglilingkuran. Bago matulog si Naomi, lalo na kung maysakit ay madalas niyang kantahan. Paniwala ni Naomi ay mabilis siyang gumaling sa tuwing aalayan siya ng awit.

"Nana, pwede ba akong matulog sa tabi mo? Natatakot kasi akong mag-isa sa kwarto ko." Bitbit ang manika niya, nagtungo si Naomi sa kwarto ni Nana Rosa para doon magpalipas ng gabi.

"Natatakot ka sa kulog?" tanong ni Nana Rosa. Pinahiga niya si Naomi sa tabi niya. Hinalikan sa buhok at niyakap ng mahigpit.

"Opo. Bigla pong liliwanag tapos biglang kukulog ng malakas!" lahad ng bata.

"Sige. Dito ka muna para hindi ka na matakot."

"Magdasal po muna tayo para tumigil na ang nakakatakot na kulog." Lumuhod at nagdasal sina Naomi at Nana Rosa bago mahimbing na natulog.


Nagdaan pa ang mga araw at naging masasakitin na si Nana Rosa dala ng katandaan. Isinugod agad siya sa pagamutan para malunasan. Subalit mahina na ang kanyang katawan kaya nahihirapan ang mga doktor para pagalingin siya.

Palaging nagdadasal si Naomi sa agarang paggaling ni Nana Rosa. Dumadalaw siya para kamustahin ang pakiramdam ng matanda. Lagi siyang may handang awitin dahil naniniwala siyang gagaling si Nana Rosa tulad ng ginagawa sa kanya nito sa tuwing may sakit siya.

"Anak, hayaan mo munang makapagpahinga si Nana," paalala ni Alice sa anak.

"Mama, gusto kong kantahan si Nana," hiling ni Naomi. "Hindi ko man po mapagaling ang sakit niya, alam kong mapagagaan ko ang loob niya tulad ng ginagawa niya sa akin kapag may sakit ako," patuloy ng bata.

Bagamat nanghihina ay nakuhang ngumiti ni Nana Rosa. Pinalapit niya sa kama si Naomi at hinayaang umawit. Hinahaplos niya ang kamay ng bata habang kumakanta. Napakasaya ni Nana Rosa na lumaking mabait na bata si Naomi. Positibo ang pag-iisip ng bata sa kabila ng kanyang kalagayan.

"Alice, gusto kong makausap ang doktor," pakiusap ni Nana Rosa.

"Sandali lang po. Tatawagin ko po." Lumabas si Alice ng kwarto habang naluluhang pinapanood ang anak. Napakalamig ng boses ni Naomi at kitang-kita niya kong gaano kamahal si Nana Rosa at ang kagustuhan nitong gumaling ang tagapag-alaga.

Pumasok ang doktor at matamang nakinig sa sinabi ng matanda. "Masusunod po Nana Rosa," wika ng doktor. Naiiyak si Alice habang nagsasalita ang matanda. Niyakap niya ito ng buong higpit. Pumanaw si Nana Rosa makalipas ang dalawang araw.

Lumipas ang mga araw pero malungkot pa din si Naomi dahil sa pangungulila. Mahal na mahal niya si Nana Rosa kahit hindi niya ito kamag-anak. Nabagabag si Alice sa pananamlay ni Naomi kaya kinausap niya ito para ipaliwanag ang nangyari.

Lumapit si Alice sa anak nang makita ito sa may bintana. Nakatungo ito at sapu-sapo ng kanyang palad ang baba. "Hindi ka makatulog anak?" tanong ni Alice.

"Naalala ko po si Nana. Bakit hindi po gumaling si Nana sa kanta ko?" naluluhang tanong ni Alice.

"Matanda na si Nana, Naomi. At nagampanan na ni Nana ang kanyang tungkulin sa mundo. Ngayon, masaya na siyang kapiling ang Diyos," paliwanag niya sa anak.

"Ayaw na po ba niya akong kasama? Hindi po ba siya masaya sa atin?" usisa muli ng bata.

Umiling si Alice. Hinaplos niya ang buhok ng bata. "Alam mo bang si Nana Rosa din ang nag-alaga sa akin noong bata ako?"

"Talaga po Mama?" Namilog ang mata ni Naomi sa pagkamangha. Halatang may pananabik sa inilahad ng ina.

"Oo," tugon niya sa anak at nagsimulang magkwento. "At noong namatay ang Mama ko, malungkot din ako noon. Pero sabi ni Nana, huwag kong isipin na nawala si Mama dahil siya ang pinakamaliwanag na tala sa langit."

Tumingala si Naomi sa langit. Kumislap ang pinakamaliwanag na tala at nagdala ng kakaibang saya sa bata. "Nana! Mama, si Nana oh," masayang wika niya habang itinuturo ang bituin sa langit.

"Kita mo na? Hindi ka iniwan ni Nana." Nagalak si Alice dahil namumbalik ang sigla sa bata. "Sa tuwing hindi mo makikita ang maliwanag na tala, isipin mo lang na siya ang anghel na gumagabay sa iyo mula paggising hanggang sa pagtulog mo."

Niyakap niya ang ina at nangako. "Mula po ngayon, hindi ko na iisipin na iniwan tayo ni Nana. Palagi siyang nasa tabi ko at pumapatnubay."

"At higit sa lahat, nandito si Nana." Hinakawan ni Alice ang kamay ni Naomi at idinikit sa dibdib ng bata. Ipinakausap ni Nana Rosa sa doktor na sa sandaling bawian siya ng buhay ay ibigay ang puso niya kay Naomi. Agad inoperahan si Naomi para mapalitan ang mahina nitong puso. "Ang tibok ng puso n'yo ay iisa. Hanggang sa huling sandali ay ikaw ang iniisip niya."

Gumuhit ang pinakamagandang ngiti kay Naomi at lalong napamahal sa kanya si Nana Rosa. Muli siya tumingala sa langit at hinahanap ang pinakamaliwanag na tala. "Salamat Nana. Mahal na mahal kita."


Maliwanag na Tala 
by Panjo
Maikling Kwento

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento