Aktibista

"Bakit gising ka pa?" tanong ni Anton nang makitang parating si Charry sa kanyang kinauupuan. Abala siya sa pagpipintura kaya hindi niya namalayan na ilang oras na lang ay sisilip na ang araw. Napatingin siya sa bilog na orasan sa may estante. "Alas dos na."

"Ako sana ang magtatanong niyan." Naupo si Charry sa kalapit na silya. Minasdan ang ginagawa ng asawa. "Hindi kita namalayang umakyat o humiga man lang sa kwarto."

"Lalakad kami mamaya. Ikaw na ang bahala sa mga bata."

"Anton, paano ang pangako mo kay Darwin?" usisa ni Charry sa kanyang asawa. Tumayo ito at tumalikod sa dismaya dahil alam niyang magtatanong na naman ang anak mamaya. Naramdaman ni Charry ang pagdampi ng palad ni Anton sa kanyang balikat. May diin at may kabig. "Aasa na naman ang bata na ikaw ang magsasabit ng medalya sa kanya mamaya."

"Ikaw na ang bahalang magpaliwanag sa kanya. Matalinong bata si Darwin kaya mauunawaan niya."

Tatlong dekada at limang presidente na ang napalitan pero patuloy pa rin sa pakikibaka para sa pagbabago si Anton. Para sa kanya hangga't may maliliit na di makapagsalita ay mananatili siyang mag-iingay sa lansangan. Buong lakas niyang ibabangon ang nasalantang karapatan ng mga dukha. At patuloy na tutuligsain ang gobyerno, kapitalista at embahada kung ang desisyon ng mga ito ay di ayon sa kapakanan ng nakararami.

Madalas may uwing balita si Anton sa pamilya tungkol sa tagumpay, pagkabigo at patas na desisyon. Masaya siyang makatulong sa mga maliliit at labanan ang mapanlamang. Hindi niya inalintana ang pasa, galos at sakit ng katawan, ang mahalaga ay naipahayag niya at ng mga kagrupo ang hinaing nila. May pagkakataong may nasasawi o lubhang nasusugatan sa mga pag-aaklas.

"Naku naman Anton! Kailan mo ba ititigil ang kabaliwan mong iyan! Napapahamak ka lang sa pagiging aktibista mo," pag-alala ni Charry sa asawa matapos umuwi itong may sugat. "Wala namang libreng gamot sa pagwewelga n'yo!"

"Malayo sa bituka 'to," pagmamalaki pa ni Anton. Putok ang kanyang ibabang labi matapos manlaban sa mga pulis. "Hindi naman ako makapapayag na ipasa ang Cha-Cha! Baka di matamasa ng mga anak natin ang kalayaang mayroon tayo ngayon!"

"Huwag naman kasing matigas ang ulo n'yo!" Nagtaas ng boses si Charry. "Bukod sa nagdulot kayo ng matinding trapiko, sumugod pa kayo sa Mendiola eh alam n'yo namang bawal doon kaya nagkagulo."

"Wala kaming nakikitang mali sa ginawa namin. Kung hindi kami tumutol baka nasa ilalim na naman tayo ng batas militar." Nanatiling mahinahon si Anton kahit mahigpit ang pagtutol ng asawa.

Bagamat maraming natutulungang estudyante, magsasaka, manggagawa at iba pang kasapi ng mababang sektor, hindi sang-ayon si Charry sa napiling paraan ng pagtulong ng asawa. Mapanganib at laging may kaba sa kanyang dibdib sa tuwing aalis ang kabiyak.

"Kuya, ano ba ang aktibista?" tanong ni Allen sa nakatatandang kapatid na si Darwin. Nakikinig pala ito sa pinag-uusapan ng mga magulang. "Aktibista daw ang itay."

"Hmmm. Sila iyong boses ng maliliit sa tuwing may gusto silang iparating sa nakatataas. Pagwewelga ang paraan para mapansin at madinig ang mga hinaing nila," paliwanag ni Darwin.

"Welga? Hinaing?" Napakamot ng ulo si Allen dahil hindi niya maintindihan ang sinabi ng kapatid.

"Ganito na lang." Kinarga ni Darwin ang kapatid. "Si Armie hindi pa marunong magsalita 'di ba?"

"Oo. Kasi maliit pa siya kuya e."

"Anong ginagawa niya para maiparating sa atin ang gusto niya?" tanong ni Darwin sa kapatid.

"Umiiyak o kaya sumisigaw."

"Tama!" Nag-apir pa ang dalawang bata. "Parang ganoon ang aktibista. Kapag may gusto silang iparating gumagawa sila ng ingay."

"Umiiyak si itay kapag may gustong iparating?" usisa muli ni Allen. Namilog ang mga mata nito habang naghihintay ng kasagutan.

"Hindi. Nagwewelga sila o kaya naman isinusulat nila sa mga malaking tela o karton."

"Ah. Halika kuya, gusto ko din maging aktibista!"

"Ikaw talaga! Huwag mo na munang isipin iyon, bata ka pa."

Hindi maiwasan ni Darwin mag-usisa sa ina sa tuwing hindi tutupad sa pangako ang kanyang ama. Hindi man lubos na maunawaan ay tinatanggap na lamang niya ito. May mga araw ngang hindi nila nakikita ang ama dahil gabi na itong umuwi galing sa trabaho o kaya naman ay maaga itong umaalis dahil sa pag-oorganisa ng rally.

"Aalis na ako! Magpapakabait kayo!" Panibagong pakikibaka muli ang susuungin ni Anton para tuligsain ang gobyerno. Hindi palalamasin ng kanyang grupo ang maanomalyang transaksyong pinasok ng tauhan ng gobyerno.

"Itay! Itay!" tawag ni Darwin mula sa bintana. Dali-dali itong bumaba ng hagdanan para habulin ang ama. "Itay, nakikinig din po ba ang mga aktibista?"

"Oo naman. Kaya nga nagkakaroon ng diyalogo para pakinggan ang magkabilang panig. Bakit anak?"

"Sandali lang po." Pumasok ng bahay si Darwin.

"Nagwewelga po kami itay!" sigaw ni Allen. Itinaas niya ang dalawang kamay habang hawak ng punit ng karton ng sapatos. Nakasulat sa karton ang pangalan ni Allen. Lumabas si Darwin bitbit ang bunsong kapatid na si Armie. At sa leeg ng bata ay may nakasabit na papel na nagsasabing nakakalakad na ito.

"Itay marunong na pong sumulat ng pangalan si Allen. Kaliwete nga po pala siya. Nakakalakad na po si Armie. Sayang po kasi wala kayo noong una niyang ginawa iyon. Tuwang tuwa po si Inay," lahad ni Darwin sa ama. "Itay, kailangan po namin ng ama.. ng gabay at patnubay. Humihiling po kami ng sapat na oras. Hinihingi po namin ito dahil karapatan po namin ito bilang anak."

"Mahal ka po namin itay," niyakap ni Allen ang ama. "Nasasaktan din po kami kapag nakikita po namin kayong may sugat."

"Itay sana marunong din po kayong makinig tulad po ng hiling n'yo sa bawat pakikibaka n'yo. Maari po ba dito na lang po kayo sa bahay?" Lumabas ng bahay si Charry para tingnan ang pamilya. "Kaarawan po ni Inay ngayon." patuloy ni Darwin.

Bumagsak ang luhang kanina pa pinipigilan ni Anton. Malaki na pala ang kayang pagkukulang. Naantig ang damdamin ni Anton sa sinabi ng anak. Ngayon lang niya naisip na habang pinupunan niya ang obligasyon sa bayan ay nagkukulang na siya sa pamilya.

"Patawarin n'yo ako mga anak kung hindi ako naging mabuting ama. Makikinig ako sa inyo hindi bilang aktibista kundi bilang ama." Niyakap niya ng buong higpit ang pamilya na tila matagal na nawalay sa kanya.


Aktibista
by Panjo
Maikling Kwento

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento