Unang Umaga sa Europa (ni Al Santos)

ika-pito ng Marso, ala-sais ng umaga
pulis sa paliparan ng Paris
nagulantang
sa bagong dating na kulay-lupang pulutong
parang mga duhat sa alpombrang puti

          saan kayo galing? passport
          saan kayo pupunta? hinto
          bakit kay narito? sunod kayo dito

          paulit-ulit na sinipat, sinuri, kinusot, pinitik, sinundot
          ang pamburol na litrato sa pasaporte at tatak na visa

          baka peke, baka ilegal, baka kriminal

habang hinahanap ng isip
ang kubo sa Bukidnon, dampa sa Botolan, apartment sa Tondo
labadang nakasampay
at nakasalang na sinigang

          paulit-ulit na sinipat, sinuri, kinusot, pinitik, sinundot
          ang pamburol na litrato sa pasaporte at tatak na visa

habang hinahampas ng hanging bagyo
ang damong bubong ng dampa
pinarupok ng di-mabilang
na tag-ulan at tag-araw

          baka peke, baka ilegal, baka kriminal

habang idinuduyan ang sarili
sa kandungan ng kinagisnang
sinaunang punong mangga
na ayaw nang mamunga

          tinatakan ang pasaporte at nakarating kami
          sa Europa isang umaga


Unang Umaga sa Europa
ni Al Santos
Tula

Pasasalamat : oovrag.com

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento