Ang Bahay Kubo

Mayaman ang pamilya ng mga Domingo. Negosyante ang mag-asawang Ricardo at Cresencia. Kinikilala sila sa kanilang tinitirhang subdibisiyon sa Cebu City. Marami rin ang naiinggit dahil sa maganda nilang kapalaran.

Si Erick ang nag-iisang anak ng mag-asawang Ricardo at Cresencia. siyam na taon na siya. Palibhasa ay nag-iisang anak kaya lahat ng naisin niya ay nakakamit. Kung saan-saang bansa na rin nakarating si Erick. Naisama na siya ng ama’t ina sa Singapore, China, Hong kong, Thailand at Malaysia. Ang sabi ng mga ito ay sa mga bansa na sa labas ng Asya siya isasama kapag ganap na siyang tinedyer.

Marami ang naiinggit kay Erick. Paano naman ay Laging bago ang suot niyang mga damit. Naglalakihan din ang kanyang mga laruang robot. Lumalakad ang mga ito. May-roon ding nagsasalita. Ang kanyang laruang kotse at motorsiklo ay talagang maaaring sakyan at paandarin.

Sa kabila ng lahat, sakitin si Erick. Lagi siya dinadala sa ospital. Kahit alaga siya sa masasarap at masusustansiyang mga pagkain, lagi siyang walang gana. Hindi rin epektibo ang mga bitaminang ipinaiinom ng pediatrician niya.

Hindi malaman ng mga magulang kung an ang dapat gawin kay Erick. Kasi naman ay alaga nila ito mulang pagkasilang. May sarili pa nga siyang yaya na nag-aasikaso sa lahat ng pangangailangan niya. Iyon ay bukod pa sa mga katulong nila sa bahay a laging handang magsilbi anuman kanyang gusto.

“Ano kaya kung pagbakasyunin natin siya sa probinsiya?” ang sabi ni Ricardo.

“Baka kung ano ang mangyari sa kanya roon? Dito nga, alaga na siya ng doktor ay nagkakasakit pa…” tanggi ni Cresencia.

Sa huli ay napapayag din si Cresencia. Nang tanungin kasi nila si Erick ay nagpakita agad ito ng interes.

Inihatid nina Ricardo at Cresencia si Erick sa Lola Marieta niya. Sa isang malayong bayan sa Don Carlos Bukidnon nakatira ang matanda. Kasama niyang naiwan ang yayang si Lolit.

Unang araw pa lamang sa probinsiya ay kita na agad ang kakaibang sigla ni Erick. Lalo siyang sumigla nang ipakilala siya ni Lola Marieta kina Roy at Randy. Ang dalawa ay mga anak ng katiwala ng matanda sa sakahan nito. Ang mga ito ang tagadala ng gatas ng kalabaw kay Lola Marieta.

“Sumama ka sa amin sa bukid. Magpalipad tayo ng saranggola,” yaya ni Roy.

Nagpaalam si Erick kay Lola Marieta. “Pwede po ba akong sumama sa kanila?” tanong niya sa matanda.

Pinayagan siya ng matanda. Ang tanging bilin nito ay mag-ingat siya sa pagtakbo.

Eksayted na sumama sa magkakapatid si Erick. Kahit may kalayuan ang bahay ng mga ito sa bukid ay hindi siya nakaramdam ng kapaguran.

“Ang kyut pala ng inyng bahay. Nasa gitna pa ng bukid. Ang sarap ng amoy ng hangin,” sabi ni Erick habang padalas ang paglanghap ng hangin.

“Sariwa kasi ang hangin dito. Maluwang pa ang tagbuhan kaya maieehersisyo ka talaga. Masarap maghabulan sa bukid. Masarap din maglaro ng taguan at kung anu-ano pa,” dagdag ni Randy.

“Pwede ba akong matulog dito sa inyo?” pakiusap ni Erick.

“Oo naman. Pero maliit lang ang kubo namin kaya tabi-tabi tayo sa pagtulog,” ani Roy.

Pinuntahan ng tatay nina Roy at Randy si Lola Marieta. Ipinaalam nito na ibig ng apo na sa kanila matulog.

Nang gabing iyon ay maliwanag ang buwan. Kasama nina Erick, Roy at Randy ang iba pang mga bata sa paglalaro ng harangang-taga. Unang karanasan iyon ni Erick kaya naman masayang-masaya siya. Ang pakiramdam nga niya ay matagal ng kalaro at kasma ang mga batang taga-bukid.

Masarap ang naging tulog ni Erick. Noon lang siya nakatulog na hindi aircon ang silid. Unang pagkakataon ding may katabi siya sa pagtulog at nakipagsiksikan sa maliit na espasyo.

Naging magana rin si Erick sa pagkain. Maaga silang gumising. Pinanood nila ang paggatas ng tatay nina Roy at Randy sa kanilang kalabaw. Pagkatapos uminom ng sariwang gatas ay nagdyaging na agad sila. Umikot sila sa bukid. Namitas pa sila ng mga hinog na bayabas at sinegwelas.

“Ang sarap pala rito sa bukid,” wika ni Erick habang naliligo sila nina Roy at Randy sa malinaw na batis. Isinama kasi siya ng magkapatid at iba pang kaibigan ng mga ito sa pagpipiknik sa may batis. Pagkatapos ay nagsisiligo na sila.

“Kung gusto mo, tuwing bakasyon ay dito ka sa bukid,” anyaya ni Roy. “Sa susunod ay tuturuan ka na naming sumakay sa likod ng kalabaw.”

Napangiti si Erick. Iyon talaga ang nasa isip niya. Hihilingin niya sa ama’t ina na sa probinsiya magbakasyon taun-taun. Naisip nga niya, na hindi pala laki ng bahay at masarap na pagkain ang tunay na makapagpapaligaya sa tao. Kahit ang isang maliit na kubo sa gitna ng bukid ay panggagalingan ng tuwa lalo pa at puno ng pagma-mahalan ang mga taong nakatira roon.


Ang Bahay Kubo
Maikling Kwento

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento