Alamat ng Buwaya

Pagtatanim at pagbebenta ng gulay ang ikinabubuhay ng mag-asawang Waldo at Busyang na parehong masipag at mabait. Kung pag-uugali ang pag-uusapan ay walang maipipintas sa mag-asawang ito, maliban nalamang sa pisikal nilang anyo – napakapangit kasi ng babae at napakapandak naman ng lalake. Gayunpaman, ang kapintasang iyon ay hindi nakikita ng mga tao dahil sa kagandahang-loob na ipinamamalas ng mag-asawa. Bilang ganti ng langit sa mga kabutihan nina Waldo at Busyang, sila ay pinagkalooban ng isang anak na pagkaganda-ganda!

Tigib ng ligaya ang puso ng mag-asawa sa pagkakaroon ng maipagmamalaking anak. Nakiisa naman sa kanilang kagalakan ang mga kaibigan at mga kapitbahay. Marami ang nagpasalamat dahil hindi naging kamukha ng sanggol ang kanyang ama’t ina. Palibhasa’y kaaya-ayang pagmasdan ang magandang mukha ng anak nina Busyang at Waldo kaya pinangalanan nila itong “AYA”.

Di kalaunan, habang lumalaki ang bata, napapansin nilang ito’y nagiging salbahe, napakasinungaling at maramot. Dahil sa ugali ni Aya na hindi maganda, siya ngayon ay kinaiinisan ng mga taong dati’y pumupuri sa kanya.

Sa pagdadalaga ni Aya ay lalo itong naging mapagmataas. Utos at bilin ng magulang ay hindi nito pinakikinggan, sa halip kung ano ang ipinagbabawal at masama ay siya nitong ginagawa.

“Anak, iwasan mo si Don Segundo, baka ikaw ay mapahamak”, pagpapaalala ng nangangambang ina.

“Tse! Anong pakialam ninyo? Bakit maibibigay ba ninyo ang naibibigay sa akin ni Don Segundo?” sagot ni Aya.

Upang huwag nang lumaki ang gulo ay tumahimik na lang si Busyang. Nagpatuloy naman sa pakikipagtagpo sa mayamang Don ang anak nilang ambisyosa. Hanggang isang araw, natuklasan nilang nagdadalantao si Aya. Sa pagkakataong ito ay nagawa paring magtimpi ng ama. Hindi sinumbatan ang dalagang nagkamali. Masakit para sa isang ina ang sinapit ng mahal na anak, ngunit masaya sa kaloobang tinanggap iyon ni Busyang. Baka sakaling magbago si Aya kung ito ay isa na ring ina.

Datapwa’t mali sila ng akala, sapagkat ang anak ay hindi nagbago. Nangyari pa’y nagmistula itong reyna kung utusan ang ama’t inang mapagmahal at maunawain. Madalas ay ang anak pa ang nagagalit kapag ang pagkaing maibigan ay hindi agad maibigay.

Isang araw, kararating pa lang ng mag-asawa mula sa pagtitinda ng gulay, nang lumabas ng kuwarto si Aya at hiningi ang ipinagbiling prutas. Humingi ng paumanhin ang inang malilimutin subalit nagsiklab sa galit ang anak sa sutil at…

“PUWEE! PANGIT NA NGA KAYO AY MANGMANG PA! WALANG SILBI, TANGA. BUMALIK KA SA BAYAN NGAYON DIN TANGA!” bulyaw nito sa ina. Kagyat na sumagot ang amang nagngingitngit, ngunit siya man ay pinagwikaan din ni Aya.

Ang kasamaan ng anak ay kaya pa nilang pagtiisan ngunit ang panglalait at paghamak sa kanila bilang magulang ay hindi na niya mapapalampas. Labis-labis na ang ginagawa nilang pagbibigay. Hindi naman sila nagkualng ng pangangaral at pagtuturo kay Aya subalit bakit lumaki itong matigas ang ulo?
Sa sama ng loob ng ama, ang irog na anak ay kanyang naitulak.

Sa pagkakatumba ni Aya ay nanlilisik pa ang mga matang tumingin sa ama: “PAPATAYIN KO KAYO!!” pagbabanta nito habang nagpipilit na makabangon sa pagkakalugmok.

“KUNG KASAMAAN PA RIN ANG NASA IYONG PAG-IISIP SANA’Y HUWAG KA NANG MAKTAYO.” Ito ang nabigkas ni Waldo. Mga katagang mula sa kanyang puso na punung-puno ng hinanakit.

Dininig ng langit ang hiling ni Waldo upang ang paghihirap ng mag-asawa’y mabigyan ng wakas. Ang parusang angkop sa suwail na anak ay iginawad. Hindi na nga nakatindig si Aya at sa kanyang pagkainis ay gumapang ito patungong hagdanan.

Habag sa lumapit si Busyang sa anak ngunit siya ay sinipa nito…

“LUMAYO KAYO SA AKIN. WALA AKONG MAGULANG NA KATULAD NINYO! LALAYAS NA AKO SA BAHAY NA ITO… TANDAAN NINYO, KAPAG NAGKAROON AKO NG PAGKAKATAON, PAPATAYIN KO KAYO! HA, HA, HA!”

Pagapang na bumaba ng hagdan ang napopoot na anak.

Sa pagsayad ng mga kamay nito sa lupa ay unti-unti itong nagbago! Nagkataon namang may mga nagdaraan at kitang-kita nila ang pagbabagong nagaganap sa nagdadalantaong si Aya. Parang itinulos sa pagkakatayo ang mag-asawa at hindi malaman ang gagawin.

“Diyos ko, ano po itong nangyayari sa aming anak?”

Hilakbot na napasigaw ang mga nag-uusyoso ng: “Ang anak ni BUSWANG at ni WALDO na si AYA ay naging dambuhalang bayawak!”

Subalit sa kabangisang ipinakita nito nang sakmali ang nakataling kambing ay napagtanto nilang hindi “bayawak” si Aya kundi isang mabangis na hayop!.

Binalingan nito ang mga magulang at nang ininganga nito ang malaking bunganga upang lamunin ang kinasusuklamang ama’t ina ay agad nagkaisa ang mga tao…

“PATAYIN ANG ANAK NI BUSYANG AT WALDO AN SI AYA! PATAYING ANG BUWAYA! PATAYIN!

Sa takot mamatay ay nag mamamadaling tumakas si AYA.

Mula, noon, buwaya na ang tawag sa mabangis na hayop na ito. Ang galit ng unang buwaya sa kanyang mga magulang at sa tao ay nagpasalin-salin sa lahat ng buwaya hanggang sa kasalukuyang panahon.


ALAMAT NG BUWAYA
Alamat

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento