KRISTAL NA TUBIG (ni Antonio B. L. Rosales)

I.
Sa malinaw na tubig ng ilog ay nasisinag niya ang isang larawan ng kamusmusan. Kinalawkaw niya ang tubig at nagsingsing-singsing ang mumunting alon...na nagpalabo sa larawan. Makailang saglit ay nanumbalik ang katiningan, ang nabulabog na tubig ay luminaw at muli niyang nasalamin ang kaayaayang larawan ng kamusmusan.

"Bakit, Itay?" anang isang tinig-angel na nagmumula sa musmos na mukhang nakakatang sa kaniyang balikat at nakatanaw sa tubig. "Bakit, Itay, ang ating basong kristal, hinampas ko lang kahapon e nabasag na? Bakit ang tubig e hindi nabasag, ha, Itay?"

Ang musmos na mukha ay pinupog niya ng halik. "Talagang ganoon, Anak."
At si Tasio ay napangiti.

II.
Dinampot niya ang sagwan, ang kristal na tubig ay umalimbukay sa hampas nito, at ang bangka ay itinabi niya sa pampang. Kinalong niya si Nene, marahang inilunsad at tinunton na nila ang landas na pauwi sa kanilang dampa'.

Ang mga kasinungalingan ni Nene, ang sutsot ng hanging naglalagos sa kakapalan ng mga dahon, at ang awit ng mga ibon ay hindi na mapukaw sa diwa ni Tasiong nawala sa pagmumunimuni. Napakintal sa kanyang isipan ang kristal na tubig sa ilog, na kinasinagan niya sa isang larawan ng kamusmusan: sa mukha ni Nene. Napalimbag sa kanyang diwa ang musmos na katanungan ni Nene. A, ang kristal na tubig nga naman ay di nababasag, ni di nagkakalamat!

Isang makahulugang ngiti ang namilaylay sa mga labi ni Tasio, na wari'y pinagitaw ng pagbubukang-liwayway ng isang katotohanan. Hamakin nga nila nang hamakin, dustain na nga nila nang dustain si Nene...ngunit ang dangal nito, ang kawalang-malay nito, ay kristal na tubig!

III.
Nakalapat na sa unang baytang ng kanilang hagdan ang kaniyang paa nang ang kristal na tubig ay lumabo at maparam sa kanyang dilidili. Pagkapanhik ng bahay ay hinubdan niya ng maruruming damit si Nene at sinuutan niya ng malinis. Sinuklayan niya, binigyan niya ng laruan, pinupog ng halik at tinungo niya ang batalan na dala ang maruruming damit. Ang malalaki't magagaspang niyang kamay ay kakatwang malasin kung nagkukusot sa mumunting kasuutan ni Nene. Kung sabagay ay malimit na hinihingi sa kaniya ng mabait niyang kapitbahay na si Tandang Berta ang maruruming damit ni Nene upang siya na ang maglaba, ngunit si Tasio ay tumatanggi.

"Kung buhay si Ninay ay ganito ang kaniyang gagawin," ang naibubulalas ni Tasio kung pinapangatwiranan niya sa kaniyang sarili ang pagtanggi niya kay Tandang Berta.

IV.
Pagkatapos niyang maglaba ay inatupag naman niya ang mga gawaing kinagawian na niyang gampanan, ang mga bagay na"kung buhay lamang si Ninay ay siya rin nitong gagawin." Sinulsihan niya ang mumunting damit ni Nene, pati na ang dati'y marikit na kasuutan ng manyikang ipinamasko ng isang nars kay Nene nang nakaraang Pasko.

Kinagabihan, matapos niyang iligpit at hugasan ang kinanan nilang "mag-ama," ay naupo siya sa sahig, gaya nang kanyang kinagawian, sumandal sa dingding at si Nene ay iniupo niya sa kanyang kandungan. Sinakit niyang sariwain sa gunita ang mga kuwentong malimit na ipinang-aliw nina Impong Teray at Apo Siano sa mga bata, mga kuwentong nauukol sa mga hari, mga prinsipe't prinsesa, mga hayop na nagsasalita, mga duwende, at sarisari pang di matarok na mabuti ng kaniyang isipan...dangan at "kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kaniyang gagawin..."

V.
Dumalang-dalang ang pag-uusisa ni Nene, at ang kanyang musmos na mukha ay napapayukayok na sa pagaantok. Si Tasio ay tumayo at si Nene ay ipinagduyan niya sa kaniyang bisig. Ang mga kuwento ay nahalinhan ng mga awit na kagaya ng naririnig ni Tasio kay Tiya Sela kung ito'y may ipinagheheleng sanggol. Gumagaralgal ang kanyang tinig, kung saan-saang himig napapatungo ang kanyang kanta, dangan at "kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kaniyang gagawin."

Nang si Nene ay nahihimbing na ay inihiga niya sa banig na nakalatag sa kanilang sahig na kawayan. Mataman niyang minasdan ang musmos na mukha. Parang pinilas kay Ninay...

May ilang taon na ang nakalilipas mula nang ang mukhang pinaghuwaran ng kaayaayang larawan ni Nene ay lagi na lamang niyang pinupupog ng halik. Sariwang-sariwa pa sa kaniyang gunita...Si Ninay ay ipinagkait sa kaniya hanggang sa napilit-pakasal sa iba. Nakararaan lamang ang isang buwan, ang mukhang yaon, kung di man uliran sa dilag ay lubha namang kaayaaya, lubhang kaibig-ibig sa kaniyang mga paningin, ay sumungaw sa pintuan ng kaniyang dampa.

Si Ninay ay di na umalis pa sa dukhang tahanan ng maralita niyang talisuyo. Naisumpa na niyang matapos niyang isanla sa iba ang kaniyang katawan, ang puso niya ay siya naman niyang tatalimahin.

VI.
Si Tasio ay di nagpinid ng dibdib. Kinupkop niya si Ninay, sapagkat ang pag-ibig naman niya ay di nabibilanggo sa makitid na pagnanasa. Ay ano kung ang bungangkahoy ay naukit ng ibon nang mahulog sa kaniya? Nasa kay Ninay pa naman ang puso, nasa kay Ninay pa naman ang kaluluwa.

Nang sumilang si Nene ay una siyang naratay sa piling ng isang bangkay, ng bangkay ni Ninay! Natuto siyang ngumiti, natuto siyang magsinungaling sa gitna ng pag-ismid ng isang buong nayon. Sibol sa katawan ng isang babaeng talipandas! Supling ng inaaruga ng makasalanang pag-ibig!

Sa ulilang "mag-ama" ay lagi na lamang nakatudla ang mga mapang-uyam na paningin ng kanilang mga kanayon. Kung namamasid nila si Nene, sila ay napapaumis saka napapasulyap kay Tasio, nang may halong pagkutya.

Sa harap ng ganitong paglibak at paghamak ng isang nayon ay ikinulong ni Tasio ang kaniyang sarili sa sarili niyang daigdig, upang doon ay mapagpala niya ang "pamana ng isang pag-ibig," ang walang malay na si Nene. Kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kaniyang gagawin!




VII.
Kinabukasan, namimitak pa lamang ang araw ay nagbangon na siya, gaya nang kaniyang kinagawian. Sinimulan niyang tungkulin ang kaniyang "pagka-ama," ang pagbabanat ng buto alang-alang sa ikabubuhay ni Nene, upang pagkatapos ay dulutan ng pagkakandili ng isang ina ang kulang-palang ulila.

Ang pagsasabalikat ng mabibigat na tungkulin ng isang ama at ng isang ina, na pinalulubha pa ng malulungkot na alalahanin at ng pagtatakwil ng isang nayon, ay nahahalata sa namamayat nang pangangatawan ni Tasio. Kung gabi'y pinagpupusan siya. Kung sinasasal niya ang ubo ay napapatawag na siya kay Bathala, alang-alang sa walang malay na "pamana" ni Ninay.

Nang mapauwi siya ng bayan, isang araw, may nakita siyang isang malaking trak na pinagkakalipumpunan ng mga tao. Samantalang nanonood siya'y nilapitan siya ni Kakang Terio.

"Tasio, mabuti'y patingin ka riyan," ang wika ni Kakang Terio.
"Aba, ano ang patitingnan ko riyan?" ang patakang sagot ni Tasio. Ngunit nahila na siya ni Terio. Sinalubong siya ng ilang suot-nars at doktor. Nag-uulik-ulik man siya'y di na siya nakatutol. Hinubdan siya ng baro at sinilip sa isang parang pangkuha ng larawan, na ayon sa pagkarinig niya ay tinatawag na x-ray. Pagkaraan ng ilang sandali, siya'y kinausap ng doktor bago pinauwi.

VIII.
Pagkarating niya ng bahay, ang mga pisngi ni Nene ay walang nasalubong na matatamis na halik. Ang umuwi ng bahay ay isang bagong Tasiong wari'y nagmula sa isang mapanglaw na kabilang-buhay. Ibinagsak niya ang kanyang katawan sa isang bangko' at doon ay napapako siyang kawangis ang isang bantayog. Nakatitig sa malayo ang kaniyang mga paninging tila di man lamang kumukurap. Maging ang kristal na tubig na lagi nang nakapupukaw sa kaniyang isipan ay nanlalabo na tila noon kung malasin niya sa kanyang gunamgunam.

Si Nene, na naghahanap ng init ng kaniyang mga labi, ay lumapit at kumandong sa kaniya. Ngunit ang murang katawan ng ulila ay hinawakan niya at inilayo.

"Malaki ka na Nene," ang nawika niya sa isang tinig na siya man halos ay di makarinig.

"Di ka na dapat pang halikan," ang kaniya pang wika, na sinundan ng sunod-sunod na ubo. Sa kaniyang namamarak ng pisngi ay namalisbis ang luha. Si Nene ay napatingin kay Tasio, at tila ba dinadalumat ng kaniyang pahat na isipan kung ano ang nangyayari sa kaniyang "ama".

IX.
Nang mapuna ni Tasio na siya ay pinagmamasdan ni Nene ay pinahid niya ang kanyang luha. Dinampot niya ang isang tagpi-tagpi ng damit nito at sinimulan niyang sulsihan. Ngunit ang kaniyang mga daliri ay lagi na lamang naduduro ng karayom. Kaya binitiwan niya ang damit at nanumbalik siya sa pagkatigalgal.

"Maliit ka pa, Nene," ang namulas sa kaniyang mga labi, ngunit siya lamang nakakarinig. Maliit nga at bata pa si Nene: tatatlong taon pa lamang. Ngunit musmos pa'y dinudusta na. Siya, siya lamang, si Tasio, sa kabila ng paglibak ng isang nayon ang tanging tagapagkandili ni Nene sa daigdig na ito, siyang tanging ama't siyang tanging ina. At anang doktor...iilang buwan na lamang ang kaniyang buhay!

X.
Bigla niyang sinaklot si Nene at dinalang papanaog. Maglalakad siya, maglalakad ng maglalakad hanggang makatagpo siya ng mapapagkatiwalaan kay Nene. Naroon si Tiya Nena, na iisa ang anak. A, ngunit si Tiya Nena ay namumuhi sa kaniya. Sa bayan ay may isang mapagkawanggawa. Si Don Bartolo; maaandukha niyang mabuti si Nene, mapagbibihis ng maganda, mabibigyan niya ang marikit na laruan...Ngunit si Don Bartolo ay mayaman; si Nene ay hindi masisiyahan sa isang kakaibang daigdig. At si Nana Upeng? A, si Nana Upeng pa kayang maselan ang makakawatas kay Nene?

Hindi maaari, hindi maaaring mawalan ng isa man lamang sa buong daigdig na ito na makakapagkalinga nang wasto kay Nene! Ngunit lahat na'y tila nagtatakwil kay Nene, at kung may tumatanggap man ay upang ipasok lamang siya sa isang daigdig na di niya nawawatasan at di nakakawatas sa kaniya.

XI.
Lumalatag na ang dilim nang ang "mag-ama'y" magbalik ng bahay. Si Tasio ay patang-pata. Si Nene naman ay natatalinghagaan sa mga kakaibang kilos ng kaniyang ama, na di maabot-abot ng kaniyang murang isipan.

Nalalagas ang mga araw ay nauupos nang nauupos ang buhay ni Tasio. Ngunit di pa niya natatagpuan ang karapat-dapat na kamay na makakapag-kupkop sa kaniyang si Nene. Sa gitna ng kaniyang kasiraang-loob ay naisipan na niya tuloy ang dumulog sa mga magulang ni Ninay o dili kaya'y sa tinakasan nitong kaisang-puso, na siyang tunay na ama ni Nene...ngunit nangalisag ang kaniyang balahibo...hindi niya magagawa!

"Iilang buwan na lamang!" anang doktor. At ngayo'y nakalilipas na ang ilang buwan. Nababanaagan na ni Tasio ang mapanglaw na wakas. Ngunit si Nene!

XII.
Si Nene ay itinakwil pa rin ng di nakawawatas na daigdig. Si Tasio ay natabunan na ng kasiraang-loob. Ang kaniyang puso'y nginangatngat na ng poot sa sangkatauhan. Kay lawak ng sangnilikha ay walang isa mang kaluluwang nakawawatas kay Nene, maliban sa kanya!

Magdadapithapon na nang magunita niyang muli na naman niyang nakaligtaang dalhin si Nene sa ilog upang doon ay magtampisaw, mamangka at humanga sa kristal na tubig. Kaagad niyang binuhat si Nene at mabilis nyang tinungo ang ilog.

Mabining umaagos ang tubig sa ilog. Ang lagaslas, ang mga ibon, ang hanging naglalaro sa mga dahon ng kahoy, ay nagsasaliw sa isang kaayaayang tugtugin ng kalikasan. Ang malamlam nang sinag ng araw ay tila ba nalulunoy sa tubig.

XIII.
Si Tasio ay napatigalgal. Ngayon lamang siya napuspos ng panggigilalas sa kalikasan. Napapako ang kaniyang paningin sa kristal na tubig. Biglang nagliwanag ang kaniyang mukha. May isa nang inang makapagkukupkop kay Nene!

Kapagdaka'y dinampot niya ang batang nawiwili pa noon sa paglalaro sa buhanginan. Tinungo niya ang bangka at mabilis siyang sumagwan.

"Natagpuan ko rin ang kaligtasan!" ang kaniyang bulalas.

Pagdating sa gitna ay itinigil niya ang bangka. Hinawakan niya si Nene, itinaas ... ilang iglap pa'y nalagak na ito sa sinapupunan ng Inang Kalikasan....Ngunit napatitig siya sa kristal na tubig. Nasinag niya ang larawan ng kamusmusan. Nagunita niya ang musmos na katanungan ni Nene. Batuhin man nang batuhin, yurakan man nang yurakan, ang kristal na tubig ay di nababasag. Bakit niya katatakutang maiwan sa isang mapanlibak at di nakawawatas na daigdig ang isang walang malay na si Nene kung ang puri't dangal nito'y kristal na tubig?

XIV.
Siya namang paghihip ng hanging may inihahatid na isang awit, ang awit ng isang inang may ipinagheheleng sanggol. Napatitig siyang muli sa kristal na tubig. Nasinag niya ang isang matamis ngunit malungkot na gunita: si Ninay. Ang lagaslas ng tubig, ang awit ng mga ibon, ang sutsot ng hangin ay naitaboy sa kaniyang pandinig ng awit ng inang may ipinagheheleng sanggol.

Ibinaba niya si Nene at hinawakan niya ang sagwan. Ang kaniyang mga tikhim, na nabubunot sa isang maysakit na dibdib, ay sumasalit sa mga hampas ng sagwan at sa sagitsit ng bangka sa kristal na tubig, samantalang sa hangin ay patuloy na nagduruyan ang awit ng ina. Sumadsad ang sasakyan sa pampang, kinalong niya si Nene, ipinagduyan niya sa kaniyang mga bisig, saka ang gumagaralgal niyang tinig, na halos naiimpit ng nangangapos niyang hininga, ay sumaliw sa awit ng inang may ipinagheheleng sanggol.

"Kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kanyang gagawin..."


KRISTAL NA TUBIG
Antonio B. L. Rosales


Si Antonio B. L. Rosales ay ipinanganak noong 13 Hunyo 1913 sa Intamuros, Maynila; naging pangulo ng Ilaw ng Bayan; kasapi sa Manila Press Club at Ilaw ng Panitik; nag-aral sa Mapa High School at Far Eastern University; inihayag na 11 kuwentista ng 1937.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento