Si Pedro Planas, 67 ay isang dating nagmamaneho ng jeepney. Hindi siya nakapag-kolehiyo ngunit nagtapos siya ng ilang vocational courses, isa na rito ang automotive mechanics. Hindi man siya nag-aral ng kolehiyo, nakaimbento naman siya ng bagay na malaki ang tulong sa mga motorista. Tinatawag niya itong Khaos Super Turbo Charger (KSTC) mula sa diyosa ng hangin sa mitolohiya.
Hindi turbocharger ang KSTC taliwas sa pangalan nito kundi ito ay isang air-regulating device na nagpapasok ng tamang dami ng hangin sa makina upang makamit ang tamang air-fuel ratio para sa mas mainam na combustion. Inilalagay ito sa intake manifold ng mga sasakyang de-gasolina (carburetor o fuel-injection type). Tatlumpung minuto lamang ang ginugugol sa pagkakabit dito. Nagkakahalaga ito ng Php 6500. Garantisado itong pang-matagalan.
Ang KSTC ay nagdaragdag ng hangin tuwing proseso ng pagsunog na nagbibigay ng tamang ¬air-gas mixture at nagsusunog ng fuel nang mahusay. Nakakatipid ito ng gasolina lalo na ngayong tumataas na ang presyo nito. Dalawampu’t lima hanggang limampung porsyento ng gasolina ang matitipid sa paggamit ng KSTC. Hindi lang iyan ang magagawa nito. Ginagawa nitong malakas at mainam ang takbo ng makina. Environment-friendly din ito dahil hindi ito naglalabas ng polusyon.
Ayon kay Planas, ang emission ay dulot ng mga carbon deposit sa spark plugs na humahadlang sa tamang pagsunog ng fuel lalo na kapag ang sasakyan ay hindi tumatakbo na nagreresulta ng hindi pagkasunog ng fuel na naglalabas ng pollution-causing emission.
Hindi bago ang KSTC, unang inimbento niya ito noong 1973 at “Gas Reducer” pa ang pangalan nito. Una niya itong ipinatent noong 1974 sa International Patent Office (IPO). Sa kanyang pag-iibayo, sinundan pa ito ng tatlong patent noong 1978, 1985, at 1997. Sa tulong ng IPO, ngayon ay naghahain siya ng international patent.
Napatunayang totoong gumagana ang KSTC ng mga opisyal sa gobyerno tulad nina Environment Secretary Michael Defensor na nagsasabing ito ay zero emission at Energy Secretary Vince Perez Jr. Nakapasa ito sa mga pagsusulit na ginawa ng Kagawaran ng Enerhiya, Land Transportation Office Makati Branch pati na rin ang Automotive Emission Testing Center of Taiwan.
Maraming pulitiko ang humanga sa imbensyon ni Planas. Kasama na rito sina Senate President Franklin Drilon na nagsasabing, "Kung mabibigyan lang natin ito ng suporta ay uunlad ang Pilipinas." Binati rin ni Lito Atienza, alkalde ng Maynila ang imbensyon ni Planas.
PEDRO PLANAS
Pinoy Imbentor
Pasasalamat: PinoyImbentor.atSpace.com
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento