HULING PAALAM (By Dr. Jose Rizal)

Paalam, bayan kong minamahal
lupa mong sagana sa sikat ng araw;
Edeng paraiso ang dito'y pumanaw
at Perlas ng dagat sa may Silanganan.

Buong kasiyahang inihahain ko
kahiman aba na ang buhay kong ito.
maging dakila ma'y alay rin sa iyo
kung ito'y dahil sa kaligayahan mo.

Ang nakikilabang dumog sa digmaan
inihahandog din ang kanilang buhay.
kahit kahirapa'y hindi gunamgunam
sa kasawian man o pagtatagumpay.

Maging bibitaya't, mabangis na sakit
o pakikilabang suong ay panganib
titiising lahat kung siyang nais
ng tahana't bayang aking iniibig.

Mamamatay akong sa aking pangmalas
silahis ng langit ay nanganganinag
ang pisgni ng araw ay muling sisikat
sa kabila nitong malamlam na ulap.

Kahit aking buhay, aking hinahangad
na aking ihandog kapag kailangan
sa ikaririlag ng yong pagsilang
dugo ko'y ibubo't kulay ay kuminang

Mulang magkaisip at lumaking sukat
pinangarap ko sa bait ay maganap;
ikaw'y mamasdan kong marikit na hiyas
na nakaliligid sa silangan dagat.

Sa bukas ng mukha'y, noo'y magniningning
sa mata'y wala nang luhang mapapait
wala ka ng poot, wala ng ligalig
walang kadungua't munti mang hilahil.




Sa aba kong buhay, may banal na nais
kagaling'y kamtan nang ito'y masulit
ng aking kaluluwang handa nang umalis
ligaya'y angkin mo, pagkarikit-dikit.

Nang ako'y maaba't, ikaw'y napataas,
ang ako'y mamatay nang ikaw'y mabigyan
ng isang buhay na lipos ng kariktan
sa ilalim ng langit ikaw ay mahimlay.

Kung sa ibang araw, mayroon kang mapansin
sa gitna ng mga damong masisinsin
nipot na bulaklak sa ibabaw ng libing
ito'y halikan mo't, itaos sa akin.

Sa bango ng iyong pagsuyong kay tamis
pagsintang sa dibdib may tanging angkin
hayaang noo ko'y tumanggap ng init
pagka't natabunan ng lupang malamig.

Hayaang ang buwan sa aki'y magmasid
kalat na liwanag, malamlam pa mandin;
Hayaang liwayway ihatid sa akin
ang banaag niyang dagling nagmamaliw.

Hayaang gumibik ang simoy ng hangin
hayaan sa himig masayang awitin
ng ibong darapo sa kurus ng libing
ang payapang buhay ay langit ng aliw.

Hayaang ang araw na lubhang maningas
gawing parang ulap sa patak ng ulan
maging panganorin sa langit umakyat
ang mga daing ko'y kasama't kalangkap.

Hayaang ang aking madaling pagpanaw
iluha ng mga labis na nagmahal
kapag may nag-usal sa akin ng dasal
ako'y iyo sanang idalangin naman.

Ipagdasal mo rin mga kapuspalad,
mga nangamatay pati naghihirap
mga dusa't sakit ina'y tumatanggap
ng tigib ng lungkot at luhang masaklap.

Ipagdasal mo rin mga naulila
at nangapipiit sakbibi ng diwa;
ipagdasal mo rin tubusing talaga
ang pagka-aliping laging binabata.

Kapag madilim na sa abang libingan
at nilalambungan ang gabing mapanglaw
walang nakatanod kundi pulos patay
huwag gambalain, ang katahimikan.

Magbigay-pitagan sa hiwagang lihim
at mauulinig wari'y mga tinig
ng isang salteryo, ito'y ako na rin
inaawitan ka ng aking pag-ibig.

Kung nalimutan na yaring aking libing
kurus man at bato'y wala na rin mandin
bayaang sa bukid lupa'y bungkalin
at ito'y isabong sa himpapawirin.

Limutin man ako'y di na kailangan
aking lilibuting iyong kalawakan
at dadalhin ako sa 'yong kaparangan
magiging taginting yaring alingawngaw.

Ang samyo, tinig at himig na masaya
kulay at liwanag may lugod sa mata
paulit-ulitin sa tuwi-tuwina
ang aking taimtim na nasa't pag-asa.


HULING PAALAM
Dr. Jose Rizal



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento