Ang paala-ala ay mabisang gamot sa taong nakakalimot.
Ang bagoong takpan man, pag dating ng takdang araw, sadyang umaalingasaw.
Ang sakit ng kalingkingan damdamin ng buong katawan.
Ang mabigat ay gumagaan kapag pinagtulung-tulungan.
Madaling pumitas ng bunga, kung dadaan ka sa sanga.
Ibong sa awla’y ikinulong nang mahigpit, kapag nakawala’y hindi na babalik.
Kahoy mang babad sa tubig sa apoy huwag ilapit ‘pag ito’y nadarang sa init, sapilitang magdirikit.
Nawawala ang ari, nguni’t ang uri ay hindi.
Kung hindi ukol, hindi bubukol.
Matalino man ang matsing, napaglalalangan din.
Bawa’t palayok ay may kasukat na suklob.
Batang puso madaling marahuyo.
Tikatik man kung panay ang ulan, malalim mang ilog ay mapapaapaw.
Sa larangan ng digmaan, nakikilala ang matapang.
Kung may hirap ay may ginhawa.
Kung ano ang taas ng pagkadakila siya ring lagapak kapag nadapa.
Ang taong nagigipit, kahit sa patalim ay kumakapit.
Hangga’t makitid ang kumot, magtiis mamaluktot.
Magsisi ka man at huli wala nang mangyayari.
Huli man daw at magaling, naihahabol din.
Buntot niya,hila niya, sungay niya, sunong niya.
Naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala.
Ubus-ubos biyaya, maya-maya ay nakatunganga.
Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Kung binigyan ng buhay, bibigyan din ng ikabubuhay.
Ang iyong kakainin, sa iyong pawis manggagaling.
Buhay alamang, paglukso ay patay.
Buntot mo, hila mo.
Kung nasaan ang asukal, naruon ang langgam.
Walang mapait na tutong sa taong nagugutom.
Lahat ng gubat ay may ahas.
Magkulang ka na sa magulang huwag lamang sa biyenan.
Ang pag-aasawa ay hindi biro, ‘di tulad ng kanin
Iluluwa kung mapaso.
Nakikita ang butas ng karayon, hindi makita ang butas ng palakol.
Kung gaano kataas ang lipad gayon din ang lagapak pag bagsak.
Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay.
Ang anumang kasulatan dapat ay lalagdaan.
Nasa taong matapat ang huling halakhak.
Ang tunay na kaibigan karamay kailan man.
Ang tunay na kaibigan, nakikilala sa kagipitan.
Ang matapat na kaibigan, tunay na maaasahan.
Turan mo ang iyong kaibigan, sasabihin ko kung sino ikaw.
Ang tunay mong pagkatao, nakikilala sa gawa mo.
Ang tao kapag mayaman marami ang kaibigan.
Kapag ang ilog ay matahimik, asahan mo at malalim.
Kapag ang ilog ay maingay, asahan mo at mababaw.
Ang lumalakad nang mabagal, kung matinik ay mababaw.
Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim.
Ang hindi lumingon sa pinanggalingan,hindi makakarating sa paruruonan.
Ang langaw na dumapo sa kalabaw, mataas pa sa kalabaw ang pakiramdam.
May tainga ang lupa, may pakpak ang balita.
Kung ano ang itinanim, iyon din ang aanihin.
Ako ang nagtanim, ang nagbayo at nagsaing, saka nang maluto’y iba ang kumain.
Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.
Huwag magbilang ng manok hangga’t hindi napipisa ang itlog.
Kung sino ang unang pumutak, siya ang nanganak.
Ang mabuting gawa kinalulugdan ng madla.
Kapag bukas ang kaban, nagkakasala sinuman.
Kapag may isinuksok, may madudukot.
Matutuyo na ang sapa nguni’t hindi ang balita.
Ang tunay na anyaya, may kasamang hila.
Walang humawak ng lutuan na hindi naulingan.
Ang pag-ilag sa kaaway ang tunay na katapangan.
Bago mo batiin ang dungis ng ibang tao, ang dungis mo muna ang tingnan mo.
Ang butong tinangay na aso, walang salang nalawayan ito.
Ang utang ay utang, hindi dapat kalimutan.
Ang iyong hiniram, isauli o palitan.
Upang sa susunod, hindi ka makadalaan.
Ang bungang hinog sa sanga matamis ang lasa.
Ang bungang hinog sa pilit kung kainin ay mapait.
Ang gawa sa pagkabata, dala hanggang sa pagkamatanda.
Ang taong mainggitin, lumigaya man ay sawi rin.
Walang matiyagang lalake sa pihikang babae.
Ang bayaning nasugatan, nag-iibayo ang tapang.
Kung takot sa ahas, iwasan mo ang gubat.
Walang pagod magtipon, walang hinayang magtapon.
Ano man ang tibay ng piling abaka ay wala ring silbi kapag nag-iisa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento