DAHONG LAGAS (By Jose Corazon de Jesus)

Namamalas mo bang ang dahong nalagas,
Laruan ng hangin sa gitna ng landas,
Kung minsan sa iyong kamay ay mapadpad
Gaya ng paglapit ng kawawang palad?
Ako ay ganyan din, balang araw, irog,
Kung humahagibis ang bagyo at unos
Kagaya ay dahon sa gabing malungkot,
Ako sa piling mo’y ihahatid ng Dios.



Naririnig mo ba ang munting kuliglig
Na sa hatinggabi’y mag-isa sa lamig,
At sa bintana mo’y awit din nang awit
Ng nagdaang araw ng sawing pag-ibig?
Ako man ganyan din, darating ang araw
Na kung ako’y iyong sadyang nalimutan,
Ang kaluluwa ko’y ikaw’y lalapitan
At sa hatinggabi’y payapang hahagkan.


Paghihip ng hangin, pagguhit ng kidlat,
Kung ang hangi’t ulan ay napakalakas,
Kagaya ng dahon sa iyo’y papadpad,
Gaya ng kuliglig sa iyo’y tatawag.


At akong wala na sa iyong paningin,
Limot na ng madla’t halos limot mo rin,
Walang anu-ano sa gabing madilim,
Dahong ipapadpad sa iyo ng hangin.


DAHONG LAGAS  
Jose Corazon de Jesus

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento