ISANG PUNONGKAHOY (By Jose Corazon de Jesus)

Organong sa loob ng isang simbahan
Ay nananalangin sa kapighatian,
At abang kandilang naiwan sa hukay,
Na binabantayan ng lumang libingan.



Sa aking paanan ay may isang batis,
Maghapo’t magdamag na nagtutumangis,
Sa mga sanga ko ay nangakasabit
Ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.

Sa kinislap-kislap ng batis na iyan,
Asa mo ri’y agos ng luhang nunukal,
At saka ang buwang tila nagdarasal,
Ako’y binabati ng ngiting malamlam.

Ang mga kampana sa tuwing orasyon,
Nagpapahiwatig ng kanilang bulong;
Ang mga ibon ko nama’y nakayungyong,
Ang batis ko naman ay daloy nang daloy.

Nguni’t tingnan ninyo ang aking narating;
Natuyo, namatay, sa sariling aliw;
Naging kurus ako ng pasuyong laing,
Naging tanda ako ng luha at lagim.

Wala na, ang gabi ay lambong na bukas,
Panakip sa aking namumutlang mukha;
Ang mga sanga’y ko’y nawalan ng dagta,
Nawalan ng dahon, bulaklak ma’y wala.

Ginawang sugahan ng isang kalabaw,
Ginawang silungan ng nangagdaraan,
Ginawang langkaya at tanda sa ilang,
Panakot ng aking dating kaaliwan.

Isang ibon akong pangit na sa lagim,
Ang aking kamukha ay ang ibong kuling;
Kung ang katawan ko’y balot man ng itim,
Ang tinig ko naman ay tumatagingting.

Yaong kakawating ang Mayo, pagdatal,
Balot ng bulaklak ang aking katawan,
Saka sa pagpasok ng pagtatag-ulan,
Ang mga sanga ko’y lanta’t namamatay.

Walang utang na-di may bayad na buo,
Akong nagmasaya, ngayo’y isang bungo;
Huwag mong salangin, sa bahagyang bunggo
Sa puso’y nanatak ang saganang dugo.

Kung iyong titingnan sa malayong pook,
Ako’y tila isang nakadipang kurus;
Sa napakatagal na pagkakaluhod,
Tila hinahagkan ang paa ng Dios.

Ipipikit ko na itong aking matang
Nang isang panahon ay langit ng saya;
Ngayon ay masdan mo, ikaw’y magtataka,
Ang langit na yao’y libingan na pala.

Para kang kumuha ng isang kandila
Na pinagbantay mo sa gabi ng luha;
Sa sariling hukay, sa gabing payapa’y
May luhang napatak na ayaw tumila.

At sa paanan ko’y nagkaroon ng batis,
Maghapo’t magdamag na nagtutumangis;
Ang kanyang lagaslas ay daloy ng hapis,
Ang kanyang aliw-iw ay awit ng sakit.

Sa kinikislap-kislap ng batis na iyan,
Parang luha na rin na kikinang-kinang;
Bakit binabati ng buwang malamlam,
Tanawi’t ang lungkot ay nakamamatay.


ISANG PUNONGKAHOY 
Jose Corazon de Jesus

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento