sa maputing tabing ng aming kahapong nilikha ng tao;
sa pagkakawalay sa isang magulang ay waring natuto
nahawi ang ulap na nagbigay silim sa kanyang talino.
ang kinahinatnan ay signos ng ulap ng panunubali;
kanyang kaluluwang nakitalamitam sa dilim na tangi
ay nakipanaghoy sa luha ng anghel habang nagmumuni.
Kay lungkot isipin ang gayong kasaklap na pagkakalayo
na kung gunitain pati hininga ko ay halos mapugto;
at pati ang langit ng bagong umaga’y waring nagdurugo
at ang dapithapon kung pagmamasdan ko ay naghihingalo.
Haplos ng pag-ibig ang naiwan niya sa supling ng puso,
kanyang inulila’y may bakat ng luhang sa pisngi dumapo;
kay Ina ang buhay ay ibayong saklap sa pagkasiphayo
at may nakalaang tiising pasanin sa kanya’y titimo.
Ngayon kung babalik sa pinag-iwanang lubid na putol,
dadamhi’y pangako sa luksang pangarap na tinatalunton;
tataas ang mukha’t lalong kikisig pa sa taglay na suot
at damdaming ama’y hahanga ngang lubos sa sariling hinlog!
KAY AMA
Emelita Perez Baes
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento