Ang Alamat ng Saranggola : Ang Batang Istik
Sa dulong bahagi ng Pilipinas may isang bayan kung saan bibihira lang ang pamilyang nagugutom. Bukod kasi sa masisipag ang mga magulang ng mga batang masisiglang naglalaro, samu’t sari din kasi ang mga tumutubong pagkain dito, na s’ya ring pangunahing ikinabubuhay ng mga tao.
Si Pepe (may katabaan), kilala sa pangunguna sa nag-iisang paaralan sa kanilang baryo. Si Jose (matangkad ng kaunti kay Pepe), kilala naman sa pagiging lider ng mga bata. At si Istik isang patpating bata. Hindi sya normal sa paningin ng iba dahil meron syang kapansanan mula sa pagkakaroon nya noon ng Polio.
Minsan napadaan ang magkaibigang Pepe at Jose sa bakuran ni Mang Efren -ang lolo ni Istik. Naroon at nasulyapan nila ang batang walang ibang ginawa kundi pagmasdan ang mga ibong dumadapo sa kanilang manggahan.
Pepe: Jose, tingnan mo si Istik nangangarap na naman ng gising, hayun o at nakatunganga. (Sabay turo)
Jose: Oo nga baka naghihintay maiputan ng mga maya sa mukha.
Jose at Pepe: Ha ha ha!!
Maririnig ni Istik ang mga tawanang iyon kaya tatawagin niya na si Mang Efren
Istik: Lolo!! Loloo!! ipasok nyo na po ako sa loob (na noo’y nakaupo sa ginawang duyan ng kanyang lolo)
Mang Efren: O, bakit? kakaupo mo lang diyan.
Istik: Basta ‘Lo, gusto ko na po magpahinga.
Doon, nakita ni Mang Efren na nagharipas na nang takbo ang dalawang batang kanina’y nagtatawanan.
Sa loob ng bahay, bakas pa rin sa mukha ni Istik ang lumbay. Pinipilit itong tanggalin ni Mang Efren:
Mang Efren: Alam mo apo, minsan hindi mo talaga madidiktahan ang gustong gawin ng ta.. (napahinto si Mang Efren dahil biglang magsasalita si Istik)
Istik: kahit nakakasakit na po sila ng iba!? ‘Lo, hindi ko po sila inaano (bakas ang namumuong emosyon sa kanyang mga mata)
Mang Efren: Apo, naiintindihan kita. Habang ipinapakita mo sa kanila na apektado ka mas lalo ka nilang pakikitaan ng ganiyang asal.
Istik: Ano pong gagawin ko? -awayin din sila?, umiyak habang nilalait at pinagtatawanan?
Mang Efren: Makipaglaro ka. Ipakita mo na kaya mo ding makipaglaro at maranasan ang mga nagagawa ng isang ordinaryong batang tulad mo, sa ganoon apo hindi ka na nila pagtatawanan. Ipakita mo rin yung iba mong talento tulad ng pagguhit na di nila kayang gawin -tulad nito (itinaas ang papel na may mga ginuhit na mga batang hugis istik)
At doon nakuha ng ngumiti ni Istik at sabay silang nagtawanan.
Istik: Lolo naman e, niloloko mo naman ako, hayaan nyo iguguhit ko din po kayo ng Istik na lolo.
Mang Efren: Hohoho iguhit mo na din Lola mo at si bantay. Hohoho
Kinabukasan, naabutan na naman ni Pepe at Jose na nagduduyan si Batang Istik.
Pepe: Jose, Jose! si Istik nagduduyan na naman. Inggitin natin, maglaro tayo nito (hawak ang bolang yari sa inikot na dahon ng buko.
Jose: O sige, ihagis mo na.
Tinamaan agad ito ni Jose gamit ang paa pero napalakas ito at pumasok sa bakuran nila Istik.
Kumahol si Bantay.
Istik: Bantay tigil!
Pepe: Naku! papaano ‘yan hindi na natin makukuha ‘yan. Nandoon pa naman yung aso baka habulin tayo.
Napansin iyon ni Istik kaya nahihirapan man, tinungo ito gamit ang kanyang saklay.
Istik: ‘yung bola nyo, (habang inaabot)
Nagkatinginan ang magkaibigang Pepe at Jose.
Jose: Gusto mo maglaro? (sabi kay Istik)
Pepe: Tek…a (sabay siko kay Jose)
Istik: Ak..ko?
Jose: Oo Istik gusto ka namin makalaro puwede bang pumasok?
Istik: Oo sige tuloy kayo.
Masaya silang naglaro. Nagpasahan sila ng bola, subalit sa isang pagkakataon hindi ito nasalo ni Istik kaya nalaglag sa lupa.
Jose: Sige Istik tadyakan mo na lang papunta sa’min gamit yung kaliwa mong paa.
Nangamba ito pero sinubukan nya pa rin, subalit natumba s’ya. Muling nagkatinginan si Pepe at Jose, hindi na nila napigilan ang pagtawa.
Mangiyak-ngiyak si Istik pero ayaw pa rin niyang ipakitang nasaktan siya. Masakit man, nagawa pa rin niyang makitawa. Subalit sa hindi n’ya inaasahang pagkakataon may ibang ibig sabihin na pala ang mga tawang iyon ng magkaibigang Pepe at Jose.
Pepe: Naku Istik ano ba’yan! napakalampa mo!
Jose: Oo nga Istik ang payatot mo kasi kaya madali kang hanginin at matumba.
Jose at Pepe: Hahaha Lampayatot! Lampayatot!
Narinig ito ni Mang Efren at nakitang nakahandusay si Istik sa lupa at nahihirapang tumayo. Nang makita ng papalapit si Mang Efren nagtatakbo na ang dalawang bata palabas ng bakuran.
Mang Efren: Diyos ko! Bata ka! anong nangyari sayo!?
Istik: Naglalaro po kasi kami ‘Lo, nung natumba ako kaya tinukso na naman nila ako.
Mang Efren: ‘wag na ‘wag ka nang makikipaglaro sa mga batang iyan!
Mula noon hindi na muling nakipaglaro si Istik, bagkus tinulungan na lang n’ya ang kanyang Lolo Efren sa pagtatanim sa bakuran nila.
Isang araw, sinupresa ni Mang Efren si Istik nang bigyan ito ng simpleng hardin na may mga bakod ng nakatayo.
Mang Efren: Ayan apo, nilagyan ko na ng bakod yan para sakaling nakapagtanim ka na, hindi agad mapapasok ni bantay at ng iba nating alagang hayop.
Istik: Maraming salamat po ‘Lo, may paglilibangan na’ko at hindi na matutukso ng mga bata.
Nagsimula ng magtanim ang maglolo, unang ipinagkaloob ni lolo ang buko ng niyog na may sibol na.
Mang Efren: May mga sibol na yan apo, hindi ka na mahihirapang palakihin’ yan, didiligan mo lang lagi.
Istik: Lo, bakit ang galing nyo magtanim? tulad po ng mga punong mangga natin, hitik sa bunga. Pati na rin po pala yung mga halaman ni lola hindi pa rin nawawalan ng mga malalagong bulaklak. Tapos yung mga gulay natin ang lalaki.. tapos…
Mang Efren: tapos? tapos ka na?.. hohoho ang daldal mo ngayon ha.
Nagtawanan sila.
Nagpatuloy si Mang Efren
Mang Efren: Alam mo kasi apo, Bukod sa diyan tayo kumukuha ng ikabubuhay natin, importanteng makapagtanim tayo. Kung walang puno, babahain ang bayan natin. Wala na kasing ugat na tutulong sipsipin ang tubig ulan na puwedeng maging dahilan ng pagguho ng lupa sa kabundukan dahil wala ng kakapitan ang lupa.
Istik: (mataimtim na nakikinig) ganoon po ba yun? e ang mga halaman at bulaklak ano pong pakinabang?
Mang Efren: Ganoon din, pero bukod doon, ang mga bulaklak ay nakakatulong din hindi lang sa pagpapaganda ng kapaligiran kundi nakakatulong din sa mga hayop at insekto, na nakakatulong din sa pagbalanse ng ating kapaligiran.
Istik: waw naman ‘Lo, ang dami kong natutuhan. Ginaganahan tuloy akong magtanim.
Lumipas ang mga araw nagkaroon ng resulta ang pag-aalaga ng mga halaman ni Istik.
Nagtaka naman sina Pepe at Jose kung bakit hindi na nila nakikita si Istik. Nagawa nilang pasukin ang bakuran at doon nakita nga nila itong nagdidilig.
Pepe: Andoon pala ang lampayatot tara guluhin natin.
Jose: Tama, apakan natin yung mga kamatis nya.
Wala nang nagawa si Istik dahil sa kanyang kalagayan.
Istik: Teka ‘wag nyo gawin yan pinaghirapan namin ni Lolo yan!
Sa sobrang galit, bumunot si Istik ng kahoy na nakabaon sa lupa at pinagpapalo ang dalawa sa likuran. Hindi na nakaganti ang dalawa dahil sa sakit na natamo. Tumakbo na lang ang dalawa at nagsumbong sa kanilang mga magulang.
Inabot na ng gabi sa pag-aayos si Istik sa mga nasira at doon na sya inabutan si Mang Efren hatid ang mga masasakit na mensahe ng mga magulang ni Pepe at Jose.
Mang Efren: Ikaw bata ka anong nakain mo’t nagawa mo yun sa dalawang bata!?
Istik: Lo, sinira nila ang hardin ko, sinira nila pinaghirapan natin.
Mang Efren: Kahit na hindi mo dapat ginawa yun.
Istik: Bakit sila pa po kinakampihan ninyo? di ba kayo na rin po nagsabi kung gaano kaimportante ang mga tinanim ko? Pinaghirapan ko po yung mga sinira nila! ‘Lo, bakit ganoon sila sakin!?
Mang Efren: Kahit anong sabihin mo mali apo.
Istik: ako po apo niyo ‘Lo, hindi sila!
Hirap man sa kalagayan si Istik nagawa niyang magpakalayo layo palabas ng bakuran at kung saan napadpad.
Dahil sa kapaguran sa paglalakad sa tulong ng saklay, sa puno na ng makopa inabutan ng antok si Istik.
Naalimpungtan na lang ito nang biglang may liwanag na lumabas mula sa puno. -Isang diwata.
Diwata ng Makopa: Batang Istik, batid ko ang ikinasasama ng loob mo, tulad ng sabi ng iyong lolo hindi mo dapat nagawang manakit ng kapwa mo.
Istik: Pero hindi ko naman po kagustuhan ang nangyari kaya paunmahin po.
Diwata ng Makopa: Nagpapasalamat ako sayo dahil alam kong nais mo lang protektahan ang kapaligiran mo. Napakabait mo. Dahil diyan bibigyan kita ng tatlong kahilingan at sa paggising mo maaari ka nang humiling at sa huli mong kahilingan ito’y matutupad.
Kinabukasan namulat na lang si Istik na nasa silid na at nakatitig sa kanya ang kanyang lolo
Mang Efren: Wag mo na iyon uulitin apo nag-alala ako sayo ng lubos mabuti na lang at natagpuan kita kaagad.
Istik: Patawad po ‘Lo.
Hindi pa rin mawaglit sa isip ni Istik ang Diwata ng Makopa sa kanyang panaginip.
Habang nasa duyan muli na namang nakita ni Istik ang mga Maya na malayang nagliliparan
“Sana tulad na rin ako ng mga Maya hindi man nakakatakbo nakakalipad naman”
At habang nangangarap ng gising si Istik dumating na naman ang dalawang bata, hindi para makipag-away kundi himingi na tawad.
Pepe: Istik , kinausap na kami ng lolo Efren mo, sorry na talaga.
Jose: Kung hindi sa’min, hindi ka maliligaw sa kagubatan.
Istik: Ayos lang yun. “Sana balang araw, makapaglaro tayong tatlo ng wala ng sagabal sa paa ko”
Jose: Ano ka ba Istik, puwede naman kahit hindi natin gamitin ang paa mo. Ito may dala akong Yoyo laro tayo.
Kinagabihan, Habang naghahapunan masayang nagkuwentuhan si Lolo Efren at Istik tungkol sa mga bago niyang kaibigan.
Istik: ‘Lo, nagkabati na po kaming tatlo nila Pepe at Jose. Tinuruan pa nila akong maglaro ng yoyo at may iba’t ibang kulay pa. Ito nga po at binigyan pa nila ako ng isa. (pinakita kay mang Efren)
Mang Efren: Mabuti naman apo at nadagdagan na naman ang paglilibangan mo bukod sa pagtatanim at pagguhit ng mga taong Istik. Teka, asan na ba yung pinapaguhit ko sayo?
Istik: Lolo naman e! binibiro nyo na naman ako. Pero alam nyo lo, “Sana isang araw, nagagawa ko na rin pong hindi magpaalaga sa inyo, yung kakayanin ko na rin pumunta sa malayo na hindi kayo kasama” mamimiss nyo po ba ako?
Mang Efren: Oo naman Istik, apo kaya kita. Tapusin mo na pagkain mo ng makatulog ka na.
Sa pagtulog, muli na namang nakita ni Istik ang Diwata ng Makopa at muli silang nakapag-usap.
Diwata ng Makopa: Istik, natutuwa akong nagawa mo ng magpatawad at magpatawad sa Lolo at mga bago mong kaibigan. Ganoon din dahil naka tatlo ka ng kahilingan.
Istik: Hah? Paano pong nangyari yun?
Diwata ng Makopa: Huwag kang mag-alala bukas matutupad na rin ang kahilingan mong makalipad tulad ng Maya, malayang makipaglaro sa mga kaibigan mo na hindi gamit ang mga paa mo at magawang makapunta sa malayo na hindi na mangangamba ang iyong lolo.
Kinabukasan, nagulat na lang si Mang Efren nang di n’ya makita si Istik sa kangyang higaan, maliban sa di mapaliwanag na bagay na pinagsama-samang papel na may mga ginuhit ni istik na tao na may sipi mula sa tali ng yoyo.
May kutob na si Mang Efren kung ano ang totoong naging kalagayan ni Istik at kung paano nangyari. Malungkot man alam niya na nasa masaya na itong kalagayan.
Dumating ang mga araw na di pa rin nagpapakita si Istik sa kanyang mga kaibigan kaya napagpasayan na nila Jose at Pepe na itanong ito kay Mang Efren.
Pepe: Lolo Efren, si Istik po matagal na naming hindi nakikita nasaan na po siya?
Mang Efren: Wala na ang kaibigan ninyo, iniwan na tayo. Heto pala at may ibinigay siya sa inyo.
Jose: Ano po ito?
Mang Efren: Pagkaingatan nyo daw at laging isama sa paglalaro. Nakikita nyo ba ang mga nakaguhit dyan? hindi ba’t kayo ang mga iyan.
Jose: Oo nga tingnan mo pepe ikaw yung mataba. hahaha
Pepe: Si istik talaga!, pero bakit po may tali?
Mang Efren: hindi ko rin malaman pero iyan yung tali mula sa binigay ninyong yoyo sa kanya di ba?.
Jose: Sige po Lolo Efren, maraming salamat po mauna na kami.
Nagtataka pa rin ang magkaibigan kung para saan ang bagay na iyon.
Nagtungo sila sa tambayan ni Istik -sa may duyan at doon nilapag nila muna ang isang bagay nang bigla itong hanginin at mapadpad sa taas ng puno.
Pepe: Hala paano yan Jose! sumabit na sa puno!
Jose: Akyatin mo na lang.
Nakuha naman nila agad at muling pinag-usapan kung anong klaseng bagay ba iyon.
Pepe: Alam mo habang nasa puno ako may mga nakita akong Maya, naalala ko tuloy si Istik.
Jose: Bakit naman?
Pepe: Madalas kasi nating makita si Istik na tila gusto ding lumipad tulad ng mga Maya.
Jose: Oo nga e nakakamiss talaga.
Pepe: Naaalala mo ba yung pangyayaring nawalan siya ng balanse habang sinisipa yung bolang gawa sa dahon ng niyog?
Jose: Nahihiya nga ako sa sarili ko pag naaalala yun Pepe.
Pepe: Kung makikita lang natin si Istik muli, gusto ko siyang handugan ng bola na yari doon na ako mismo ang may gawa.
Naglaro na lang muli ng Yoyo ang dalawa. Sa kadahilanang kailangan nilang bitawan ang bagay na bigay ni Istik ayon kay Lolo Efren, madalas itong liparin kaya nagawa na lang nila itong itali gamit ang mga sipi ng Yoyo.
Nagulat na lang sila nang tangayin ito ng malakas na hangin. Natuwa sila sa nadiskubre kaya pinagdugtong-dugtong nila ang tali ng yoyo.
Jose: Pepe tingnan mo, isang bagay na buto’t balat pero nakakalipad.
Pepe: Napakatayog lumipad Jose kahit yari lamang sa mga papel, tali at Istik.
Pepe at Jose: Istik!? (nagkatinginan ang dalawa)
Jose: Hindi kaya si Istik ang bagay na iyon?
Pepe: Ano namang ipapangalan natin dito sa bagay na ito?
Jose: Ikaw na magbigay Pepe.
Pepe: Tutal gusto ko siyang bigyan ng bola, bakit hindi na lang bola ang ibigay kong pangalan diyan?
Jose: Korni mo ha.
Sa Pagdaan ng panahon ipinangalan na lang ito sa bagay na nais laruin ni istik -ang bola na yari sa dahon ng niyog, pero dahil hindi naging katanggap tanggap sa iba ipinangalan na lang iyon sa lugar kung saan ito unang natagpuan -Saranggani. Kalaunan tinawag na rin itong Sarang-ola, pinagsamang pangalan ng lugar at bola.
Marami na itong yari bukod sa papel-de-hapon. Maaari na rin sa lumang dyaryo, plastik at kung anu-ano. Sa ngayon mas kilala na ito sa katawangang “Saranggola”.
Ang Alamat ng Saranggola : Ang Batang Istik
Source : Facebook.com/TheSorbetesMovement
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento