Kahit Saan
ni Jose Corazon de Jesus
Kung sa mga daang nilalakaran mo,
May puting bulaklak ang nagyukong damo
Na nang dumaan ka ay biglang tumungo
Tila nahihiyang tumunghay sa iyo;
Irog iya’y ako!
Kung may isang ibong tuwing takipsilim
Nilalapitan ka at titingin-tingin
Kung sa iyong silid masok na magiliw
At ikaw’y awitan sa gabing malalim;
Ako iyon, Giliw!
Kung tumingala ka sa gabing payapa
At sa langit nama’y ulilang tala,
Ng sinasabugan ikaw sa bintana
Ng kanyang malungkot na sinag ng luha,
Iya’y ako mutya!
Kung ikaw’y magising sa dapit-umaga
Isang paruparo ang iyong nakita
Nasa masetas mong diligin sana
Ang pakpak ay wasak at nanlalamig na;
Iya’y ako, Sinta!
Kung nagdarasal ka’t sa matang luhaan
Ng Kristo’y may isang luhang nakasungaw,
Kundi mo mapahid sa panghihinayang
At nalulungkot ka sa kapighatian;
Yao’y ako, Hirang!
Ngunit kung ibig mong makita pa ako
Akong totohanang nagmahal sa iyo;
Hindi kalayuan, ikaw ay tumungo
Sa lumang libinga’t doon asahan mong..
Magkikita tayo!
Kahit Saan
ni Jose Corazon de Jesus
Tula
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento