Ang Alamat ng Lamok
ni Severino Reyes
Muling Isinalaysay ni Christine S. Bellen
Noong unang panahon sagana sa lahat ng bagay ang bayan ng Tungaw. Mataba ang lupang taniman dito. Masasaya ang mga tao. Ngunit marumi sila sa kanilang kapaligiran. Madalas na naglulusak sa dumi ang mga bakuran. Nagkalat ang mga balat ng prutas kahit saan. Nanlilimahid ang mga bata sa daan.
Isang araw, nahintakutan ang lahat sa biglang pagkawala ng ilang mga tao.
Walang nakakaalam kung saan sila napupunta. Padalas nang padalas ang mga nawawala kaya't lumapit ang taong bayan sa kanilang makisig na hari upang humingi ng tulong.
"Magbantay tayo sa bawat sulok ng ating bayan," sabi ng hari.
Kahit ubuhin sila sa nakasusulasok na mga basura, araw at gabing nagbantay ang mga taong bayan at mga kawal. Hanggang sa makita nila ang paglitaw ng higanteng si Amok sa may paanan ng bundok. Kinuha nito ang isang magbubukid at agad na nilulon.
"Wala nang sasarap pa sa maruruming tao! Blurp," dighay ng higante.
"Wala tayong laban sa higante," panlulumo ng isang binatang nangungutib ang kamiseta.
"Mabuti sigurong umalis na lamang tayo sa Tungaw," mungkahi ng mga matatandang kutuhin.
Iwanan kaya nila ang kanilang maruming bayan?
"Hindi natin maaaring iwan ang ating bayan. Dapat natin itong ipagtanggol," mahigpit na sabi ng hari.
"Nasasarapan ang higanteng Amok sa ating karumihan. Kailangan nating maglinis upang iwanan tayo ng higante," utos ng hari.
Nagwalis ang kababaihan. Naligo ang mga bata. Naglaba ang kalalakihan. Saka sila naghandang muli upang ipagtanggol ang kanilang bayan.
Nang muling lumusob ang higante, pinaulanan nila ito ng pana sa dibdib. Ngunit parang walang puso ang higante. Hindi ito nasasaktan. Nilulon ng higante ang ibang kawal at dinakip ng buhay ang ilang taumbayan.
"Wala sa dibdib ang puso ng higante kaya't hindi siya mapatay," paalala ng isang matanda.
"Nasaan kaya?", tanong ng hari.
"Walang sinumang nakakaalam", sagot ng matanda.
Nag-isip nang paraan ang hari upang matuklasan kung paano mapapatay ang higante. Nang minsang mabusog ito, nagkunyaring nahimatay ang hari. Napasama siya sa mga dinakip ng buhay. Nang makarating sa kuweba, isang batang higante ang sumalubong kay higanteng Amok.
"Narito ang pagkain mo. Matuto kang magtipid. Marunong nang maglinis at magtago ang mga taong marurumi," saka muling umalis ang higante.
Biglang bumangon ang hari at hinugot ang espada. Natakot ang batang higante.
"Hindi ko na po kayo kakainin, huwag ninyo akong patayin," pagmamakaawa nito sa hari.
"Nasaan ang puso ng iyong ama?," sigaw ng hari.
"Hindi mo dapat malaman!," iyak ng batang higante.
"Kung gayon ay papatayin kita!," matapang na sabi ng hari.
"Nasa ilong ang puso ng aking ama kaya't nasasarapan siya sa inyong kabahuan at karumihan," nangangatog na sagot ng batang higante.
Itinali ng hari ang batang higante at pinakawalan ang mga taong nakakulong sa kuweba.
Hinanap ng makisig na hari ang higanteng Amok. Naabutan niya ito sa bayan.
Umakyat sa puno ang hari at tinaga sa ilong ang higante. Namilipit ito sa sakit. Pinagtulungan nilang itali kasama ng batang higante. Sinunog ng taong bayan ang mag-amang higante sa gitna ng tambak nilang basura.
"Hindi n'yo kami mapapatay. Hangga't marumi ang inyong paligid, babalik kami at sisipsipin ang inyong mga dugo!," sigaw ng higanteng Amok bago siya matupok ng apoy.
Itinapon ng taumbayan ang mga abo ng mag-amang higante sa maruming ilog.
Tumahimik na muli sa bayan ng Tungaw. Ngunit nagulat ang lahat sapagkat mula sa maruming ilog ay may maliliit na insektong lumulusob sa bayan tuwing gabi. Naninipsip sila ng dugo ng mga tao.
Naalala ng mga matatanda ang sabi ng higanteng Amok bago masunog kasama ng anak. Nilinis ng mga taga- Tungaw ang kanilang maruming ilog. Dumalang ang maliliit na insektong naninipsip ng dugo. Kinalaunan, tinawag ng mga taumbayan ang mga insektong, Lamok.
Isa sa sampung aklat ng mga muling pagsasalaysay ng Mga Kuwento ni Lola Basyang ni Severino Reyes. Inilathala ng Anvil Publishing Inc. noong 2004 at iginuhit ni Ruben de Jesus ang mga larawan sa aklat. Ginawaran ng Special Citation Award sa National Book Awards noong 2004.

Alamat

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento