Alamat ng Hipon
Noong unang panahon, ang mundo ay sagana sa likas na yaman. Walang puno ang hindi hitik sa bunga. Walang ilog ang hindi puno ng isda. Ang mga hayop sa gubat ay naglipana din. Dahil dito ang mga tao ay laging may mga piging. Ito ay alay nila bilang pasasalamat kay Bathala. Lahat ng tao, bata man o matanda, lalake at babae, ay tumaba. Tumaba sila ng tumaba hanggang sa tuwing maliligo kahit na pa tatlong tao lang sa sapa ay umaapaw agad tubig.
Ngunit may isang bata ang may bulate kaya lagi siyang walang gana. Habang lumolobo ang mga binti ng ate nya at nagkakagilit-gilit ang leeg ng kuya niya, siya ay lumaking seksi. Ang pangalan niya ay Wiwit.
Maganda si Wiwit. Huwag lang haharap. Dahil kung anong ganda ng katawan ay siya namang pagkaimpakto ng mukha. Ang labi niya ay isang dipang kapal. Ang ilong nya ay matangos naman ngunit bukaka ang mga butas. Ang mga mata niyang banlag ay animo'y laging gulat.
Isang araw naglalakad si Wiwit papuntang piging ng may bigla siyang nakasalubong na babaeng humihingi ng limos. Ito na yata ang pinakamatabang babae na nakilala niya. Dahil sa pandidiri ay nilayuan niya ito pero ang pulubi ay humabol at um-embrace at nagmakaawa.
"Aba'y lintek na babaeng ito! Ang langis mo! Paano na ako magugustuhan ni Pedro nyan!" ani ni Wiwit sabay hawi ng hair.
Nang biglang lumindol at nawala ang matabang babae. Isang diwatang ubod ng ganda ang lumitaw sa harap nya.
"Ako si Minervie! Ang dyosa ng dagat! Dahil sa kasamaan mo, parurusahan kita! Simula ngayon, hindi ka na maglalakad sa lupa. Dahil ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda. So, simula ngayon ikaw ay magiging HIPON!"
"Baka Hippie?" sabad ni Wiwit.
"Gaga hipon! At katulad ng katawang lupa mo, kahit sa dagat katawan lang ang may silbi sa'yo!"
Biglang lumiwanag ang paligid at si Wiwit ay naging hipon. Hanggang ngayon, makikita sa likod ng hipon ang bulate na nagmistulang sumpa nung hibi pa si Wiwit.
Alamat ng Hipon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento