GA-GRADWETY IS JOEL (ni Francis Rodolfo M. Marcial, Jr.)

1

Naglalakad pauwi si Joel mula sa eskwelahan. Nag-iisip siya nang malalim. Iniisip niya kung papaano niya sasabihin sa kanyang mga magulang na hindi siya gagradweyt sa taong iyon. At alam niyang masasaktan sila. Lagi kasing sinasabi sa kanya ng magulang niya, “Alam mo anak: kapag nabigo ka, hindi lang ikaw ang masasaktan. Siyempre bilang magulang mo, doble ang sakit na madarama namin dahil sa kabiguan mo.” Siyempre, alam niyang naghihirap ang mga magulang niya para lang makapagtapos silang magkakapatid.

“Mano po Inay.” Nagmano so Joel sa ina.

“Kamusta na anak, sana grumadweyt ka na. Para mabawasbawasan naman ang mga problema natin,” masayang sambit ng kanyang ina.

Bigla siyang natulala. Tila bang huminto ang mundo niya. Naitanong niya tuloy sa sarili, “Papaano ko ito sasabihin? Umaasa sila. Umaasa sila!” Pero wala na siyang magagawa. Hindi siya makakagradweyt.

Tumuloy na si Joel sa kanyang silid at naupo sa kama. Nanlalamig siya’t pinapawisan. Parang naglaro siya ng basketbol nang isang linggong walang tigil. At pinipilit ibura ang masayang bati ng kanyang ina kanina. Masaya ang kanyang mukha. Masayang umaasa na gagradweyt ang anak niya. Ang anak niyang si Joel; na hindi nga gagradweyt. “Hindi nga ako makakagradweyt. Hindi! Hindi!” Napasigaw si Joel ng tahimik. Sumigaw ang kanyang puso. “Hindi ako gagradweyt. Hindi niyo ba naiintindihan?” at dumaloy ang luha mula sa kanyang mga mata.



2

Kinaumagahan, pumasok si Aling Tessie sa silid ni Joel upang gisingin. Ngunit nagulat siya sa kanyang nakita. Nagsitayuan ang kanyang mga balahibo. Natagpuan niyang nakahalupasay ang kanyang anak sa sahig. Pero namamalik-mata lang siya. Napakalawak kasi ng kanyang imahinasyon sanhi ng panonood ng sop opera sa telebisyon.

Inakala niyang kinakabahan ang kanyang anak at nagrerepaso para sa nalalapit na pagsusulit. “Anak, bangon na’t mag-almusal,” masayang bati ni Aling Tessie kay Joel. Minulat ni Joel ang kanyang mga mata at nabanaag ang ina sa mata habang binabanggit ang mga salitang, “Kaya no ‘yan anak! AJA!”



3

Pumasok na sa eskwelahan si Joel. Agad-agad tinungo ang kanyang mga guro upang makiusap baka magawan ng paraan. Ngunit kahit anong gawin niyang pagmamakaawa, wala na talaga. Hindi na talaga siya makakagradweyt. At kailangan na rin niyang ipagtapat sa kanyang mga magulang upang hindi na umasa nang umasa…

“Nay, tay, hindi po ako ga-gradweyt.” Nag-eensayo na si Joel kung paano niya sasabihin, “Kasi nahirapan talaga ako sa major namin e. Pero sinisigurado ko next year, gagradweyt na ako. ‘Hindi ito.’” “Hindi po ako ga-gradweyt! Huwag na kayong umasa!” Iba iba na ang naiisip na panimula at pagpapaliwanag. Ngunit pakiramdam niya’y hindi siya maiintindihan.



4

Dumating na ang tinakdang oras. Panahon na para magtapat at nang matapos ang pangangamba!




5

Masayang umuwi ng bahay si Joel. At abot-taynga ang kanyang ngiti. May dala-dala siyang ice cream. At sa sala, sila’y nagkainan. Nagkatuwaan ang buong pamilya sa hindi malamang dahilan. ‘Yun na yata ang pinakamasaya nilang pagsasama kahit araw-araw silang masaya.

“O! Anak, ano bang meron?” Tanong ng ama kay Joel.

“Siguro gagradweyt kang cum laude ‘no?” Pabiro ngunit umaasang tanong ni Aling Tessie.

“Inay, itay at sa mga mahal kong kapatid. Siyempre kayo dapat ang unang makakaalam. Isang happy family tayo ‘di ba? Kahit na ako, hindi ako makapaniwala na mangyayari ang mga bagay-bagay nang hindi inaasahan.” Nasusurpresa ang buong pamilya. “Kaya, dapat niyo lang malaman na… na hindi ako ga-gradweyt itong taon. Pero next year, sure na. At sa pagmartsa ko, ang bawat hakbay ay para sa inyo. Maiintindihan niyo naman ako ‘di ba?” Nangingiti pa siya habang nagsasalita. Gusto nang tumalon ng kanyang puso palabas ng dibdib.

At dahil sa pagtatapat ni Joel ay natulala ang lahat. Ang kanina’y masayang larawan ay nabalutan ng katahimikan. Natulala ang lahat. Natunaw na lamang ang ice cream sa apa na hawak ng kanyang ama.

“Pero bakit? Ikaw pa naman ang inaasahan namin ng tatay mo. Mag-uuwi-uwi ka pa ng ice cream tapos ito lang ibabalita mo sa ‘min. Ano bang problema, gusto mo kausapin natin ang mga titser mo? Magmamakaawa ako at luluhod sa harapan nila, para lang makagradweyt ka. Ano?” Mahinahong tanong ng kanyang ina. At hindi na umimik si Joel.

Humirit pa si Aling Tessie na umiiyak, “Hindi mo lang alam ang hirap na pinapasan namin ng ama mo para lang makapagtapos kayo. Tapos, ito lang ang igaganti mo.” “Alam ko naman ‘yon Nay. Kaya lang hindi talaga nagyon,” sagot ni Joel. “At nangangatwiran ka na ngayon,” nagagalit na si Aling Tessie. “siyam na buwan kitang dala-dala. Anim na taon kang nasa elementarya. Apat na taon sa hayskul. Tapos ngayon, ano? Imbis na mamahinga na lang kami ng ama mo dumadagdag ka pa sa problema.” Sinibukang kumbinsihin ni Joel ang ina’t ama, pero hindi rin siya pinakinggan.



6

Umalis sa bahay si Joel nang may sama ng loob sa ama’t ina. Ngunit mahal na mahal niya sila. Kung bakit hindi siya magawang intindihin ng dalawa. At nang naglalakad siya papalayo sa kanilang bahay, ay bumabalik sa kanya ang mga alaala ng siya’y nagtapos ng elementarya at hayskul. At dumaloy ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Kasabay ng mga luhang ito ang maalat na sipon na dumampi sa kanyang nga labi buhat ng mabigat na pag-iyak. At ang huling larawang sumanib sa kanya ay ang kani-kaninang masayang salu-salo nila sa sala, nung hindi pa niya binanggit ang tungkol sa hindi niya paggradweyt.



Napag-isipan niyang bumalik. At nang tumalikod siya upang bumalik ay bigla siyang nakarainig ng isang malakas na pagsabog. Sumabog ang bahay nila, ang kanyang tahanan. Siya’y natulala. Natulala siya. Siya’y natulala. Natulala siya. Natulala. Napaluhod siyang namumutla’t may pagsisisi sa sarili.



7

“Inay, itay at sa mga mahal kong kapatid. Siyempre kayo dapat ang unang makakaalam. Isang happy family tayo ‘di ba? Kahit na ako, hindi ako makapaniwala na mangyayari ang mga bagay-bagay ng hindi inaasahan. Kaya, dapat niyo lang malaman na… na hindi ako ga-gradweyt itong taon. Pero next year, sure na. At sa pagmartsa ko, ang bawat hakbay ay para sa inyo. Maiintindihan niyo naman ako ‘di ba?”

At napaluhod siyang namumutla’t may pagsisisi sa sarili.

- - - -
Nalathala sa Marejada 2006, The Official Literary Folio of Ateneo de Zamboanga University


GA-GRADWETY IS JOEL
ni Francis Rodolfo M. Marcial, Jr.
Maikling Kwento

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento