LINGGO NG WIKA (Talumpati ni Noli De Castro)

Ito ay talumpati ni Pangalawang Pangulo Noli De Castro sa pagdiriwang nga Buwan Ng Wika at ng Department of Education noong ika-18 ng Hulyo 2003, Ortigas, Pasig City.



"Maganda at makabuluhang umaga sa ating lahat! Sana ay nagising na ng kape ang bawat ugat sa inyong katawan at kayo ay nakapag-unat na upang buong handang harapin ang trabaho sa linggong darating.

Kagalang-galang na Kalihim Edilberto De Jesus, mga opisyales at kawani ng Kagawaran ng Edukasyon, malaking karangalan para sa inyong Kabayan ang makadalo sa inyong taonang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.


Masasabi kong malaking karangalan na kayo ay aking makaharap sa umagang ito dahil alam nating lahat na ang Kagawaran ng Edukasyon ang pinakamahalagang sangay ng ating pamahalaan dahil kayo ang nagsisilbing pag-asa at tulay sa magandang bukas para sa mga estudyanteng Pilipino. Saludo ako sa inyong dedikasyon sa inyong trabaho at sa inyong serbisyo sa ating bansa.

Isang magandang programa ng DepEd ang kasalukuyang paggunita sa kahalagahang ng Wikang Pambansa. Bilang isa sa mga nangunguna sa pagpapatibay sa wikang pambansa, ako ay nalulungkot na sa pagdaan ng humigit pitongpu’t-limang taon mula ng ideklara ang Tagalog, na ngayon ay Filipino, bilang pambansang wika ni Presidente Manuel Luis Quezon, ay marami pa rin sa ating mga kababayan, lalo na ang mga prominenteng opisyal ng gubyerno, ang mas nanaisin pang gamitin ng banyagang salita sa loob at labas ng tahanan,….. at kung minsa’y ititinatatwa pa ang salitang sariling atin.

Gayunpaman, naniniwala ako na sa pangunguna ng DepEd, magdaan man ang mahabang panahon ay patuloy pa ring lalaganap ang salitang Filipino at sa pamamagitan ng mga programang gaya ng Buwan ng Wikang Pambansa na ating pinagdiriwang ngayon, ay mamahalin din ng mga darating na henerasyon ang wikang Filipino.

Sa kinalakihan kong lalawigan ng Oriental Mindoro ay likas at laganap ang pagsalita ng wikang Filipino. Sa bahay, kalye, opisina o sa paaralan ay Filipino ang aming salita. Naaalala ko noong aking kabataan ay malimit akong pina-aalalahanan ng aking Nanay na mahalin ang ating sariling wika dahil ang magigiting na mga bayani ng ating lahi, na kinabibilanagn nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Manuel Quezon, ay nabuhay at namatay na tinataguyod ang salitang ito.

Sa tulong at gabay ng aking ina ay maaga akong namulat sa kahalagahan ng ating sariling wika. Kung kaya’t maaga akong nanindigan na sa ano mang larangan o propesyon ang aking pasukin ay bibigyan ko ng prioridad ang pag-gamit ng Filipino. Nakakalungkot lamang na sa panahon ngayon ay binabatikos at kinukutya ang mga kagaya naming mas pinahahalagahan ang salitang Filipino.

Gayunpaman, hindi ako natitinag. Taas noo kong itataguyod ang ating sariling wika dahil ito ang simbolo ng ating pagka-Pilipino. Gaya nga ng katagang iniwan ni Gat Jose Rizal: “Ang taong hindi marunong magmahal sa sariling wika ay masahol pa ang amoy sa malansang isda”.

Ang sabi naman ni Kabayan: “Ang hindi pagtangkilik ng sariling wika ay paglapastangan sa Inang Bayan.” At tayong mga nasa gubyerno ang dapat manguna sa paggamit ng wikang Filipino bilang magandang halimbawa sa ating mga kababayan.

Sa pagdiriwang natin ng Buwan ng Wika, nararapat lamang na ating balikan ang kasaysayan ng pagdedeklara ng Filipino bilang pambansang wika. Ako ho ay naniniwala na upang lalo nating pahalagahan ang ating wika ay nararapat lamang na alamin natin ang kasaysayan nito.

Nakasaad sa ating unang Saligang-Batas, na na-ratipikahan noong 1935, na ang Tagalog ang opisyal na lenguahe ng ating pamahalaan. Sangayon sa nasasaad sa Saligang Batas, noong November 13, 1937, inaprubahan ng unang National Assembly ang batas na nagbubuo ng National Language Institute o NLI. Ang NLI ay naatasang pag-aralan ang mga katutubong wika upang makatukoy ng isang lenguahe na nararapat na kumatawan sa lahat ng mga salita sa iba’t ibang rehiyon. Matapos ang paga-aral ay napagpasyahan ng pamahalaan ang Tagalog bilang nararapat na pambansang wika.

Bilang epekto ng pagaaral na ito, noong December 31, 1946 ay dineklara ni Pangulong Manuel L. Quezon, na tubong Baler, Tayabas, ang Tagalog bilang Pambansang Wika ng Pilipinas.

Makaraang ideklara ang independensiya ng Pilipinas mula sa mga Amerikanong mananakop noong July 4, 1946, ay isinabatas naman ng National Assembly ang Commonwealth Act No. 570. Sinasaad dito ang pagbilang sa Tagalog bilang isa sa tatlong opisyal na wika ng pamahalaang Pilipinas, kabilang sa Espanol at Ingles.

At dahil i-ilang probinsya lamang sa Luzon ang gumagamit ng salitang Tagalog, hindi naging madali para sa mga kababayan natin sa hilaga at timog Luzon, Visayas at Mindanao na tanggapin ang pagkakahirang sa salitang Tagalog bilang pambansang wika. Upang malutas ang reklamo at batikos ng mga gumagamit ng ibang katutubong-salita, ang Tagalog ay pinalitan ng pangalang Pilipino noong 1959.



Sa loob ng Konstitusyon ng 1973, ang Pilipino ay ginawang isa lamang sa dalawang opisyal ng salita ng ating bansa, ang isa pa ay ang wikang Ingles. Noong ding dekada setenta ay sinimulan ng National Board of Education ang paggamit ng bilingual method sa pagtuturo sa lahat ng antas ng edukasyon.

Sa ilalim ng Konstitusyon ng 1987, muling nabigyan ng halaga ang salitang Filipino. Datapwat Filipino at Ingles pa rin ang opisyal na wika sa ating saligang-batas, naglagay ang 1986 Constitutional Convention ng isang probisyon na nagaatas sa ating Kongreso na pagaralan at magbuo ng isang tunay na pambansang wika na tatawaging Filipino na kakatawan sa lahat ng mga katutubong wika at maging wikang banyaga na malaki rin ang impluwensya sa paghubog ng ating kalinangan.

Labing-anim na taon mula ng maipagtibay ang kasalukuyang Saligang-Batas, malayo na ang narating ng ating pambansang wika. Malaki na ang itinaas ng kamalayan ng bawat mag-aaral na Pilipino sa wikang Filipino. At yan ay pinagpapasalamat natin sa lahat kayong mga nasa Kagawarang ito.

Sa pagdiriwang natin ng Buwan ng Wika, huwag nating kaligtaan na ang Pambansang Wika ay dapat magsilbing dagta na makapag-bubuo sa ating mga Pilipino saan man dako ng mundo tayo makarating. Hayaan ninyong tapusin ko ang aking talumpati sa isang hangarin na sana ay mabigyang katuparan ang pangarap nina Gat Jose Rizal at dating Pangulong Quezon na isang araw ay mangingibabaw ang salitang Filipino sa pang-araw-araw na buhay ng ating mga kababayan.

Maraming Salamat Po! Mabuhay ang Wikang Filipino!


LINGGO NG WIKA
Talumpati ni Noli De Castro





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento