PANULAT (by Benigno R. Ramos)

PANULAT
ni Benigno R. Ramos
1930

Kung ikaw, Panulat, ay di magagamit
kundi sa paghamak sa Bayang may hapis,
manong mabakli ka't ang taglay mong tulis
ay bulagin ako't sugatan ang dibdib.




Kung dahil sa iyo'y aking tutulungan
ang nagsisilait sa dangal ng Bayan,
manong mawala ka sa kinalalagyan,
at nang di na kita magawang pumaslang!...

Di ko kailangang ang ikaw'y gamitin
kung sa iyong katas ang Baya'y daraing,
ibig ko pang ikaw'y tupuki't tadtarin
kaysa maging sangkap sa gawaing taksil...

Di ko kailangang ikaw ay magsabog
ng bango sa landas ng masamang loob,
ibig ko pang ikaw'y magkadurong-durog
kaysa magamit kong sa Baya'y panlubog.

Kailangan kita sa gitna ng digma
at sa pagtatanghal ng bayaning diwa,
hayo't ibangon mo ang lahat ng dukha!
hayo't ibagsak mo ang mga masiba!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento