SIGAW NG PUGAD LAWIN (Talumpati ni Noli De Castro)

Ito ay Talumpati ni Pangalawang Pangulo Noli De Castro Sa Ika -108Th Anibersaryo Ng Sigaw Ng Pugad Lawin, 23 August 2004, Bahay Toro, Quezon City.



Magandang Umaga Bayan!

Isang karangalan po para sa inyong kabayan ang maging panauhing pandangal isang makasaysayang pagdiriwang ng ika-108 Taon ng Sigaw ng Pugad Lawin. Kaya malugod kong binabati ang mga opisyal at kawani ng lungsod Quezon at lahat ng nandito ngayon na nakikiisa sa pagdiriwang na ito sa pangunguna ng ating butihin at kagalang-galang na punong lungsod, Mayor Feliciano Belmonte Jr.


Binabati ko rin ang pangalawang punong lungsod, na bagama’t batang-bata pa ay matagal nang nanunungkulan sa pamahaalang lungsod, vice mayor herbert bautista; ang kagalang-galang na Ginoong Vincent “Bingbong” Crisologo, ang minamahal na kongresista ng unang distrito ng Quezon City; at pati na rin ang mga punong barangay ng unang distrito ng Quezon City.

Sandali tayong magbalik tanaw at ating gunitain sa araw na ito, isandaan at walong taong nang nakalipas nang ipamalas ng ating magigiting na mga ninuno ang kanilang tahasang pag-aalsa laban sa mga kastila … at ito ay naganap dito mismo sa lugar ng pugad lawin. Isang makasaysayang pagpunit ng kanilang sedula na naghudyat naman ng simula ng “Philippine Revolution of 1896”. Isang pagtitipon ng mahigit sa isang libong Katipunero na pinamunoan ni Gat Andres Bonifacio na naghimagsik upang supilin ang kalupitan ng pamahalaang Kastila.

Ipinamamalas ng “Sigaw ng Pugad Lawin” ang likas ng katapangan at kabayanihan ng mga Pilipino, na palibhasa’y mapagmahal sa kalayaan, ay handang magbuwis ng buhay alang-alang sa bayang minamahal.

Bilang inyong Pangalawang Pangulo, nais ko'ng pukawin ang inyong mga puso sa mga katangiang ipinamalas at ipinagmamalaki ng ating mga ninuno: katapangan, pagiging matiyaga sa lahat ng bagay, at kabayanihan. Naway isabuhay natin at ng bawat Pilipino ang mga katangiang ito, lalung-lalo tayong mga mamamayan ng lungsod Quezon.

Dito sa ating lungsod nagsimula ang paghihimagsik, na humantong sa pagkalagot ng tanikala ng ating pagka-alipin. Kaya marapat lamang tayo ang magsilbing halimbawa at huwaran ng isa pang makabagong Gat Andres Bonifacio. Magsisilbi tayong bagong kasapi ng KKK, na magpapasimuno hindi laban sa mga mananakop, kundi laban sa kahirapan, na umaalipin sa nakararami nating mga kababayan. Lalabanan natin, hindi ang mga dayuhan, kundi ang mga suliranin ng bansa na humahadlang sa ating pag-unlad.

Katapangan

Buong tapang sana nating harapin at buong tatag nating lutasin ang mga problema at salot ng lipunan upang tayo ay makaahon sa ating kinalalagyan. Huwag pairalin ang takot sa ating mga sarili bagkos, magpakatapang at magpakatatag tayo makakamit natin ang kaunlarang malaon na nating minimithi.

Sa panahong ito na ang ating bayan ay nasasadlak sa samu’t-saring suliranin, kalimutan muna natin ang ating mga pangsariling kapakanan… tayo’y magkapit bisig at magkaisa para sa madaling ikalulutas ng mga problema ng lipunan.


Pagiging matiyaga

ipinakita ng ating mga ninuno ang pagtiyatiyaga nila na buklurin ang sambayanang pilipino upang ipaglaban ang kanilang karapatan laban sa mga mapalupig na dayuhan.

Naway magsilbi itong gabay sa ating lahat upang isulong natin ang mga program ng pamahalan na naglalayong maiangat mula sa kahirapan ang bawat Pilipino. Ipakita natin sa buong mundo na kaya nating mapaunlad ang ating pamumuhay at ang “Juan Tamad” na minsang ibinansag sa ating pagkatao ay isang kathang-isip lamang.

Kabayanihan

Sa araw na ito, ating gunitain ang mga sakripisyo at kabayanihan ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanilang buhay para lang makamtan ang kalayaan ng inang bayan.

Lantad sa ating panahon ngayon ang di matatawarang kabayanihan ng ating mga OFW’s na siyang nagbibigay ng malaking kita sa ating Gobyerno kung kaya sila ay tinagurian “Bagong Bayani”.

Kaya hinihikayat ko kayong lahat na mahalin at bigyang halaga natin ang ating bansa at ang lungsod Quezon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin nito lalong-lalo na ang pag-babayad ng tamang buwis na siyang gagamitin ng ating pamahalaan sa pagtustos sa mga serbisyong sosyal na ipagkakaloob sa bawat mamamayan.

Bilang panghuling salita ay pinapangako ko na ako at ang aking tanggapan ay ka-agapay nyo sa pagsulong ng Pilipinas at lungsod Quezon tungo sa kaunlaran.

Mabuhay ang Pilipinas!

Mabuhay ang lungsod Quezon!

Maraming salamat po at mabuhay tayong lahat.


SIGAW NG PUGAD LAWIN
Talumpati ni Noli De Castro




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento