Si Amang

SI AMANG
ni Percival Campoamor Cruz
Maikling Kwento

Ang maginoong iskultor ay alagad ng sining. Nahuhubog niya ang putik o iskayola at ito’y nagiging tapat na imahen ng isang ideya. Nalililok niya ang kahoy at natatapyas ang bato at ito’y nagkakahugis, nagkakabuhay at nagiging mamahaling hiyas na hinahangaan ng madla.

Ang galing sa paglililok, gayon din ang galing sa pagkatha ng tula, paglikha ng musika o sayaw, ang pagpipinta, ay galing na ipinunla ng Maykapal sa katauhan ng artista. Ang artista ay sumilang, lumaki at nagkaisip na angkin na ang galing mula pa sa sinapupunan. Bagama’t ang artista ay maaaring mag-aral sa paaralan upang ang galing ay lalong mapag-ibayo, ang galing ay bahagi na ng kanyang katauhan sapul pa sa pagsilang.

Kay dami ng halimbawa sa ating paligid! Ang isa sa pinakatanyag at pinakamahusay na kompositor na si Amadeus Mozart ay “child prodigy”; musmos pa ay kompositor na at mahusay sa piyano at biyolin. Bago pa maging binata ay naging paborito na ng mga hari, reyna at prinsipe na taga-likha ng mga tugtuging pansayaw (“waltzes”), mga sonata at tugtuging pang-konsyerto.

Sa larangan ng pagpinta ay nangunguna sa katanyagan si Leonardo da Vinci na siyang nagpinta ng Mona Lisa, ang babaeng may mahiwang ngiti; ng Huling Hapunan (“Last Supper”),at pati na ang mga malalaki’t makukulay na larawan (“frescoes”) sa kisame ng Sistine Chapel sa Italya. Pambihira itong si Da Vinci! Tila siya hindi tao kundi nagmula sa ibang mundo! Naiguhit niya nang mataimtim ang anyo ng mga“organs” na nasasa loob ng katawan ng tao – katulad ng puso, sikmura, atay, lapay, bituka – na tila ang larawan ay kuha ng kamera (samantalang wala pang kamera noong panahong iyon)! Ang mga iginuhit na nasabi ay ginamit ng mga doktor sa pag-uunawa kung papaano gumagana ang mga nasabing mga “organs” at kung papaano gamutin ang mga maysakit. Si Da Vinci rin ay naging isang imbentor. Siya ang nag-imbento ng “parachute”, ng gunting, at marami pang ibang bagay na naging inspirasyon ng mga sumunod na mga imbentor hanggang sa makagawa sila ng iba’t-ibang uri ng motor at kasangkapang kailangan ng tao sa pang-araw-araw na buhay.

Sa ating sariling bayan, tampok sa mga alagad ng sining si Amorsolo, ang pintor na kayang hulihin ang sinag ng araw at ilagay ito sa “canvass”. Pambihira ang kanyang mga nalikhang makukulay na larawan ng magagandang tagpo sa bukid na kung pagmasdan ay tila may angking liwanag.

Ang mga alagad ng sining, ang mga artista, ang mga likha nila na “obra maestra” – sila ang katibayan na may Manlilikha at naiiba ang tao sa lahat ng nilikha sapagka’t ang tao ay may galing, may dunong, may puso, may kaluluwa na naglalaman ng galing at inspirasyon na ipinunla ng Manlilikha.

Ang paksa ng ating kuwento ay si Guillermo Tolentino, na ang magiliw na tawag sa kanya ng mga kamag-anakan at kasamahan sa sentro ng mga ispiritista ay Amang. Ayon sa Wikipedia: “Ipinanganak siya noong 1890 sa Malolos,Bulakan kay Isidro Tolentino at Balbina Estrella. Siya ay mag-aaral ni Gng. H. A. Bordner na siyang unang nagturo sa kanya ng pagguguhit sa Paaralang Intermedyaryo ng Malolos. Nagtapos siya ng mataas na paraalan sa Mataas na Paaralan ng Maynila. Dahil sa kanyang sariling pagsisikap, nakapagtapos siya ng kurso ng pinong sining sa Pamantasan ng Pilipinas noong 1915. Lumakbay papuntang Mga Nagkakaisang Estado noong 1919 at pinagkalooban siya ng iskolarsyip ni Bernard Baruch, isang Amerikanong milyonaryo sa Paaralan ng Sining Beaux, Lungsod ng Bagong York at tinapos niya na may mga gawad noong 1921. Sa taong din iyon, lumakbay siya sa Europa, pumupunta sa mga tanyag na museo at galerya sa Londres at Paris.

Noong 1922, siya ay pumasok sa Regge Istituto di Belle Arti, nakapagtapos ng pag-aaral nang bahagya sa pamamagitan ng lingap ng kolonyang Italyano sa Maynila. Sa Roma, gumanap ang kanyang unang pang-isahang eksibisyon kung saan kabilang ang Saluto Romano (Saludong Romano). Sa paligsahang pang-iskultura na ginanap sa Lungsod ng Walang Hanggan, ang kanyang Apat na Mangangabayong Apokalipsisna napanalunan niya ng ikalawang gantimpala. Umuwi sa Pilipinas noong 1924 at nagsarili sa loob ng isang taon. Noong 1926, siya ay inatasan bilang guro sa Paaralan ng Pinong Sining ng Pamantasan ng Pilipinas at kinalaunang naging propesor, kalihim, at sa huli tagapamahala. Namuno siya ng Paaralan mula sa 1953 hanggang sa kanyang pagreretiro bilang Emeritong Propesor noong 1955. Noong 1932, siya'y lumagay sa tahimik kay Paz Raymundo at nagkaroon ng pitong anak.

“Nakilala si Tolentino sa buong bansa nang dahil sa Monumento ni Bonifacio na may maraming pigurang kasinlaki ng tao na dinisenyo noong 1930 at inilantad noong 1933. Nakapaglikha din siya ng iba pang mga tanyag na bantayog tulad ng mga Oblasyon ng Pamantasan ng Pilipinas, ang bantayog ni Pangulong Ramon Magsaysay sa bulwagang pasukan ng GSIS, at ang Lualhati ng Pamantasan
ng Silangan.

“Nakapaggawa rin siya ng mga maraming rebulto ni Lapulapu, Antonio Luna, Gregorio del Pilar, Jose Rizal, Manuel Quezon, Epifanio de los Santos, A.V.H Hartendorp, Fernando Amorsolo, Carlos P. Romulo, Jose Cojuangco, Manuel Roxas, Jaime at Sofia de Vera.

“Kinumpleto niya ang ugnay-ugnay ng anim na pansilangang mananayaw, kabilang ang mananayaw na pambibliya na si Salome, Maria Clara, Persyana, Havanesa, at mga mananayaw Tsino. Nakagawa siya ng pigurang alegorika tulad ng mga Pilipina, tinatawag din Alipin, isang pigura ng babaeng hubad na nakagapos ng mga guyuran. Nakagawa rin siya ng mga imaheng panrelihiyon, tulad ng Imakuladang Konsepsyon at ang Madona at ang Bata. Dinisenyo niya ang Gawad Maria Clara para sa pelikula, at iba pang mga tropeo at medalya.

“Isang produkto ng pampaaralang pinamulihanang naayon sa nakapamihasnan, Si Tolentino ay isang kampeon ng klasisismo.

“Mula Hulyo hanggang Oktubre 1948 sa Magasing Sunday Times at sumunod sa This Week, kinasundo niya si Victorio Edades sa isang pagtatalo sa pagsusulat sa klasikal at makabagong aestetika, tumutuligsa sa 'pagpalipit' at muling pagsasandata ng halaga ng sining na naayon sa nakapamihasnan. Bagama't ang pagsasanay ni Tolentino ay klasikal, ang kanyang mga likha ay lumalagos ng palaibig na kakayahang makadama na namamayani ang Kanluraning daigdig mula sa unang ika-19 na siglo hanggang sa dekadang 20. Kaya, ang kanyang mga likha ay nakatuon na may damdamin, lalung-lalo na may pagkamakabansa mula't sapul na siya'y marubdob na Rizalista.

“Isa rin siyang gitarista, espiritista, at tagapagsaling-wika. Nakapagsulat siya ng lumang baybaying Tagalog at gumagawa ng libreto para sa opera ng Noli Me Tangere ni Felipe Padilla de Leon.”

Ang bahay ni Amang sa Retiro, sa may hanggahan ng Maynila at Quezon City, ay tagpo ng mga mahihiwagang pangyayari. May mga testigo na nakakikita sa mga pangyayari katulad ng malimit na pagsalo ni Amang ng mga tila binhi o buko ng halaman na nahuhulog mula sa itaas, na kung saan nagmumula ay walang nakaaalam. Binubuksan ni Amang ang nasasalong bagay (“aportes” ang tawag) at nakakikita siya ng mga mensahe sa loob ng mga ito.

Minsan ay may ibig magpagawa kay Amang ng rebulto ni Hesu Kristo. Sabi niya ay hindi niya matatanggap ang trabaho.“Bakit po, bawal ba sa inyong relihiyon?”, tanong ng nagpapagawa.

Sagot ni Amang, “Hindi naman. Ang dahilan kung kaya’t hindi ko matatanggap ang inyong pakiusap ay hindi ko kayang gawin ang pinagagawa ninyo.”

“Nguni’t kayo po ang pinakamagaling na iskultor sa Pilipinas!” tutol ng tao.

“Totoong makagagawa ako ng rebulto at ipagpapalagay natin na ang nagawa ko ay rebulto ni Hesu Kristo, nguni’t iya’y pagsisinungaling,” dugtong ni Amang.

“Hindi ko kayo maintindihan,” sabi ng tao.

“Hindi ko alam kung ano ang itsura ni Hesu Kristo! Hindi ko pa siya nakikita! Upang maililok ko ang kanyang kaanyuan, kailangan na makita ko siya,” paliwanag ni Amang.

Lumipas ang mga araw at mga buwan. Minsan ay pinapunta niya sa kanyang “studio” ang taong nagpapagawa ng rebulto ni Hesu Kristo. At nang ang tao ay dumating ay nakita niya na nakapatong sa isang mesa ang isang kalilikhang rebulto ni Amang – ang mukha ni Hesu Kristo!

Paano niya ito nalikha? Ayon sa sariling salaysay ni Amang, nagkaroon siya ng masidhing pagnanais na makita ang mukha ni Hesu Kristo at nang ito ay maihubog niya sa isang rebulto. Isang araw na siya ay abala sa kanyang “studio” ay may kumatok sa pinto. Nang buksan ni Amang ang pinto ay nagpakilala ang panauhin at nagsabi, “Masdan mo ang aking anyo. Ngayong nakita mo na ako, magagawa mo na ba ang aking rebulto?”

Totoo man o hindi ang pangyayari, may isang obra si Amang na ang kawangis ay ang anyo ng mukha ni Hesu Kristo at ang pinagmulan nito ay nababalot ng hiwaga.


SI AMANG
Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Maikling Kwento

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento