Aling wika ang dapat gamiting ng mga Pilipino: Wikang Puro o Wikang Halo?
ni Joel Costa Malabanan
(Balagtasan)
Azl : “Si Gat Jose Rizal, noo’y nagwika
Siya ang nagpangaral sa ating bansa
Ang hindi raw magmahal sa sariling wika
Ay higit pa ang amoy sa mabahong isda!”
Ako po ay naparito sapagkat nabalitaan
Na dito raw gaganapin ang dakilang Balagtasan
Pagkat ako ay makatang naghahanap ng kalaban
Ang sinumang katunggali ay hindi ko aatrasan!
Ngunit ako’y nag-iisa, nasaan ang Lakandiwa?
Kung di tuloy ang programa’y mabuti pang umuwi na!
Sayang na pagkakataon, eto akong handang-handa
Ngunit sa malas ay tila walang makakasagupa!
Jonathan: Wag na wag kang aalis diyan, makata kong kaibigan
Ako itong Lakandiwa nitong ating Balagtasan
Natrapik lang nang bahagya sa may bandang Panapaan
Kaya’t saglit na nabalam dito sa ating tagpuan!
Lakandiwang naatasan, pangala’y Jonathan Calda
Sa palatuntunang ito’y siyang tagpangasiwa
Ngunit teka, sandali nga, bakit tila nawawala
Ang makatang katunggali’t kabanggaan mo sa diwa!
Regie: Ako’y hindi nawawala, tulad mo rin, natrapik lang
Sabik akong ilampaso, ang kalabang nag-aabang
O Ginoong Lakandiwa, ako po’y pahintulutan
Na lumahok sa programang may tagisan ng katwiran!
Jonathan: Halika at umakyat na dito sa ating tanghalan
At nang itong Balagtasan ay agad nang masimulan
Kaagad ipakilala, ang sarili’t pinagmulan
At saka ko ilalahad, paksa ng balitaktakan!
Mga madlang nanood bago kami magsimula
Masaigabong palakpakan ang sa ami’y ibandila!
Azl: Azl Cedric Lopez po, Caviteñong naturingan
Makata ng Perpetual Help, Prinsesa ng Balagtasan
Katwiran ko’y parang suntok, bawat tugma’y tila kulog
Ang sinumang kalaban ko’y sa pansitan matutulog!
Regie: Regie Ucang ang pangalan, ang Diyosa ng Balagtasan
Sa talino’t kagandahan, taob ang aking kalaban
Hindi ako nananakot, hindi ako nagbabanta
Ang huling nakalaban ko, hanggang ngayon ay tulala!
Jonathan: Ang paksa pong nakalaan, sa patulang pagtatalo
Alin ba ang nararapat , Wikang puro, wikang halo,?
Si Azl ay nagsasabing itong Wikang Filipino
Nararapat ipagtanggol, ingatan at gawing puro!
Samantalang si Regie ay malaon nang nagpahayag
Panghihiram ng salita, lubos siyang pumapayag
Kaya hala, mauna na ang panig ng tumututol
Sige Azl, simulan mo katwiran mo ay ipukol!
Azl: Itong lahing Pilipino, may sariling pagkatao
May kulturang kinagisnan, may sariling alpabeto
Katangian at tradisyong minana pa sa ninuno
Nararapat alagaan sa haplit ng pagbabago!
Pagkat tayo’y nag-iisip gamit ang sariling wika
Ito rin ang siyang bintana nitong ating kaluluwa
Ang dalisay, purong wika ay mahusay na sandata
Upang hindi madumihan ng kultura ng banyaga!
Regie: Malalalim na salitang hindi mo maintindihan
Pagkat sadyang makaluma, kaya nagkakalituhan
Sa panahon ng internet, ng counter strike at ng Friendster
Wika’y magiging praktikal, at ang gamit ay forever!
Subalit kung katulad mong parang lola kung mangusap
Ay baka mas mainam pang ka-eye ball mo ay kulisap
Hindi mo mapipigilan, pagkalat ng wikang English
Wikang halo ay mahusay, kahit pa nga ito’y Taglish!
Azl: Halong wika, halong diwa, kaya walang pagkatuto
Bulol na nga pag nag-English, bulol din sa Filipino
Dalawang wikang winawasak nitong mga katulad mo
Sa halip na tumalino, henerasyo’y naging bobo!
At nang dahil sa counter strike, at lagi mong pagpe-friendster
Naubos na ang oras mo, pati pera sa computer
Kabataang sinasabing pag-asa daw nitong bayan
Eto ngayo’t sinasamba ay kultura ni Uncle Sam!
Regie: Tapos na po ang labanan, ako na po ang nagwagi
Purong wika’y imposibleng magagamit na palagi
May salita bang katutubong panumbas mo sa computer
Ni hindi mo maisalin, ang counter-strike o ang friendster
Patunay na kilangangang ang wika ay halu-halo
Ito pa nga ang sandata upang tayo’y mas matuto
Henerasyon daw ay bobo, hindi kami, baka kayo!
Na makitid kung mag-isip, di tanggap ang pagbabago!
Azl: Anong klaseng pagbabago kung kolonyal ang isipan
Ekonomiya at kultura, ang may kontrol ay dayuhan
Kung salita ay hiniram, pwede namang matumbasan
Mag-imbento ng salitang panapat sa kinagisnan!
At pwede ring ang salita’y babayin sa Filipino
Ang ispeling ay baguhin, isalin sa katutubo
Katulad ng ginagawa ng Indones at ng Malay
Katagang dayo’y binabaybay na gamit ang wikang taglay!
Regie: Ikaw ba ay nababaliw, technical terms babaguhin?
E di lalong ang lahat ay kayhirap na intindihin
Azl: Wala akong sinasabing technical terms babaguhin
Mukhang itong kalaban ko ang siyang lola at ulyanin
Regie: Sino kaya ang ulyanin, sino ba ang mas maganda?
Kayong madlang nanonood kayo na nga ang humusga!
Azl: Di hamak na mas maganda , kayumangging Pilipina
Kumpara sa katulad mong labanos na namumutla!
Regie: Hindi ako namumutla, ang gamit ko y Glutathione
Kaya’t kutis ng artista itong beauty ko sa ngayon!
Azl: Kagandahang artipisyal, niretoke nitong agham
Tanging ang magkakagusto’y yaong nahihibang lamang!
Regie: At sino ang nahihibang?
Azl: Ikaw!
Jonathan: Sandali lang, sandali lang, aking mga kaibigan
Lubhang lumalayo kayo sa paksa ng Balagtasan
Pakiusap na balikan ang paksa ng talakayan
Huminahon at magtimpi sa banggaan ng katwiran
Ikaw Regie, konting lamig, sa iyo Azl ay ganun din
Ngayon itong Balagtasan itutuloy na po natin
Kayong madlang nanood, muli’y aking kahilingan
Ialay nang buong sigla, masigabong palakpakan!
Regie: Di praktikal na tumbasan bawat hiram na salita
Ang paggamit nitong wika ay hindi naitatakda
Artbitraryo itong wika, nagbabago, nag-iiba
At sa mundo’y walang wikang purong-puro, nag-iisa!
Azl: Itong Wikang Filipino’y may sariling katangian
Hindi dapat na baguhin, bagkos dapat alagaan
Rebisyon ng alpabeto nitong taong 2001
Matapos ang limang taon, di nagamit, pinigilan!
Wag wasakin ating wika, ito ang siyang panawagan
Wag patayin ang salita, at wag na wag ding papalitan
Kung mayroong English campaign sa lahat ng paaralan
Dapat na may programa rin, para sa wikang kinagisnan!
Regie: Kaya nga may Buwan ng Wika, at programang tulad nito
Ay upang masuportahan itong Wikang Filipino
Azl: Ngunit ito ay di sapat, kulang na kulang pa ito
Ang kailangan ay mahusay na programa ng gobyerno
Dapat na ibasura rin itong E.O. 210
Na siyang pumapatay ngayon sa ‘ting Wikang Filipino!
Regie: Nilagdaan ng pangulo itong E.O. 210
Bilang tugon sa hamon ng pagbabago nitong mundo
Kailangang paghusayin, ang paggamit nitong English
Hindi naman tuluyan na wika nati’y inaalis!
Pagkat itong wikang English ay ang wikang universal
Pangunahing ginagamit sa lahat nang pag-aaral
Pag ang Pinoy ay nag-abroad at kung mahusay na mag-English
Tiyak na siya ay may trabaho’t ang pag-aseso’y mabilis!
Azl: O ang aliping caregiver na tagahugas ng puwit
Ito ba ang gantimpala sa pangarap na malupit
Pilipino’y sinasanay upang agad ay ieksport
Sa kanser ng kahirapan ay siyang natatanging gamot?
Kolonyal na edukasyong ang pundasyon ay ang English
Ang ugat ng pagdurusa’t malaon nang pagtitiis
Kung ang nais ay paglaya’t ganap na pag-unlad natin
Itong Wikang Filipino ang siyang dapat paunlarin!
Regie: Makitid na pag-iisip, bangungot na panaginip
Ang dahilan kung bakit ang bansa nati’y nagigipit
Habang Koreano’t Hapon ay nagnanais mag-English
Heto naman ang tulad mong nais ito ay maalis!
Azl: Hindi ko sinasabing ang English ay dapat alisin
Kundi Wikang Filipino ang dapat na bigyang pansin!
Regie: Itong wikang Filipino’y di magamit sa call center
Sa interview, babagsak ka kung ang alam mo lang ay “Sir!”
Azl: Huwag ka nang magkolehiyo kung call center agent lamang
Hayaan mong murahin ka ng dayuhang mapanlamang!
Regie: Sigawan man o murahin, mahalaga ay may pera
Kaysa naman may prinsipyo ngunit gutom ang sikmura!
Jonathan: Akin muling puputulin, lumalayo ang usapan
Paksa nating sinimulan ang siyang dapat pagtalunan
Linawan ang sasabihin, wag iwanan ang usapin
Wikang puro, wikang halo, alin ba ang pipiliin?
Sa pagkakataong ito, kayo’y aking pagbibigyan
Huling tindig, huling hirit ng katwiran ay bitawan
At ang madlang nakikinig, muli’y aking kahilingan
Gisingin ang diwang tulog sa ritmo ng palakpakan!
Azl: Bawat wika sa daigdig ay may kanyang katangian
Na dapat na irespeto, at dapat na pag-ingatan
Bawat lahi’y may kultura, may sariling kakanyahan
Hindi dapat talikuran, hindi dapat na talikdan!
Purong wika ay salamin ng puro ding pagkatao
Dalisay na pundasyon ng ating pagka-Pilipino
Wika natin ay ingatan, payabungin, paunlarin
Sa pagpanday ng lipunang may paglayang maaangkin!
Regie: Ang wika ay daynamiko, umuunlad, nagbabago
Kagaya rin ng pag-unlad nitong Wikang Filipino
May hiniram sa Kastila, may salitang katutubo
May hiram sa mga Intsik, sa Hindu at sa Arabo
Kung kaya’t ang wikang halo ay wika ng pagkatuto
Isang hakbang patungo sa hinahangad na asenso
Kapag ang wika ay puro, ito’y tiyak mamatay
Ngunit kapagka may halo, may pagyabong na dalisay!
Jonathan: Matapos na mapakinggan ang palitan ng katwiran
Panahon na upang silang dalawa ngayon ay husgahan
Wikang puro, wikang halo, alin ba ang maktwiran
Na gamitin at ituro sa lahat nang paaralan?
Totoong ang Wikang English ay sadyang ating ka’ylangan
Ito’y wikang universal na dapat ay pag-aralan
Mahalaga sa pag-unlad ng lipunan at ng bayan
Katotohanang kailan ma’y di mapasusubalian
Ngunit kung mayrong wikang hindi dapat kalimutan
Walang iba kundi itong wika nating kinagisnan
Higit sa alinmang wika ng kung sinumang dayuhan
Ang Wikang Filipino ang siyang dapat pahalagahan!
At sapagkat itong wika’y umuunlad, nagbabago
Hindi maaaring laging manatili itong puro
Kung nagkakaintindihan, kahit wika’y halu-halo
Ituturing natin itong pagyabong na positibo!
Ang dapat lamang iwasan, sa pormal na talakayan
Ay ang halu-halong wikang ginagamit nang palitan
Kung English ang katanungan, English din ang kasagutan
Kung Filipino ang usapan, Taglish dapat ay iwasan!
Kung salita’y technical term, hindi dapat na palitan
Ngunit kung mayrong panumbas, gamiting may kalayaan
Itong Wikang Filipino’y nararapat paunlarin
Pagyamanin, tangkilikin ang sariling wika natin!
Wikang puro, wikang halo, alin ba ang maktwiran
Na gamitin at ituro sa lahat nang paaralan?
Palagay ko’y nasagot na itong ating katanungan
Kahilingan namin ngayon, kaming tatlo’y palakpakan!
Aling wika ang dapat gamiting ng mga Pilipino:
Wikang Puro o Wikang Halo?
ni Joel Costa Malabanan
(Balagtasan)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento