Sa Kaharian ni Raha Buwaya at Prinsesa Waling-Waling
Ni Percival Campoamor Cruz
Maiking Katha
Sa isang kaharian noong araw, di kalayuan sa lalawigan ng Kapis, ay kinatatakutan si Raha Buwaya dahil sa siya ay mabangis at hindi nagpapatawad. Makailang ulit nang sumubok ang mga nag-aadhikang pabagsakin siya sa kanyang kapangyarihan, na mga raha rin katulad niya, nguni’t bawa’t pagsubok ay humahantong sa pagkabigo at kapanganyayaan. Unang-una ay talagang magaling sa labanan si Raha Buwaya at gayon din ang kanyang mga tauhan. Tuloy-tuloy ang kanilang pagsasanay at pag-angkat ng mga paputok mula sa Tsina at pati na ng mga makabagong paraan sa pakikidigma.
Pandirigma ang pangunahing mithiin ng Raha. Matagumpay siya sa pagpapakalat sa paniniwalang siya ay mabangis at hindi nagpapatawad kung kaya’t bago pa lamang lumusob ang mga kalaban ay nagagapi na ang kanilang isipan sa matinding takot. At pangalawa, pinaligiran ni Raha Buwaya ang kanyang kaharian ng pagkataas-taas na bakod na yari sa malalaki at mahahabang buho ng kawayan. At pagkatapos ay nagpahukay pa siya ng moog o ilog-ilogan na kadikit lamang ng bakod at kasing-haba nito ang nasasaklaw na lupain ng haliging-bakod.
Sa tubig ng ilog-ilogan ay pinaglipana ng magulang na raha ang mga alagang buwaya. Sa pinakamataas na bahagi ng kanyang lupain ay doon nagpatirik ng kanyang tahanan si Raha Buwaya, na mula sa malalaking durungawan nito ay natatanaw niya ang buong paligid at agad nalalaman kung may dumarating na di kilala o galing sa ibang kaharian na manglalakbay. Ginamit ni Raha Buwaya ang kanyang kapangyarihan at karahasan sa pagpilit sa mga lalaki ng kanyang kaharian na isagawa nila ang pagtatayo ng bakod at ilog-ilogan, at pati na ng kanyang marangyang tahanan. Mahabang panahon at maraming pasakit ang ginugol ng mga mamamayan sa paggawa ng mga nabanggit na panukala ng raha. Ang sino mang mahuli na tumatakas o lumalabag sa pinag-uutos niya ay inihuhulog sa ilog-ilogan at nagiging pagkain ng mga buwaya. At marami rin ang mag-anak na nawalan ng ama dahil sa ang buhay nila ay nabulid sa karahasan ng kanilang pinuno. Dalawa lamang ang katungkulang pagpipilian ng mga lalaki sa kaharian ni Raha Buwaya: Ang maging kawal sa kanyang hukbo o ang maging manggagawa sa kanyang mga pinagagawang panukala.
Kung ano ang maibigan ni Raha Buwaya ay nasusunod. Hinangad niya na maangkin ang mga lupaing kanugnog ng kanyang kaharian at iyon ay natutupad, kahi’t na nanlalaban ang mga nagmamay-ari, sa paraang marahas.
Hinangad niya na maging asawa ang sino mang babae, sa loob ng kaharian niya o sa kaharian man sa labas ng kanyang lupaing nasasakupan, ang babae ay nagiging kanya sa paraan ring sapilitan.
Samantala, sa isang panig ng kapuluan, si Prinsesa Waling-Waling ang susunod na mamumuno sa kaharian ni Raha Matanda. Siya ang kaisa-isang anak na magmamana sa kapangyarihan, kahi’t na siya ay babae, sa oras na pumanaw ang ama .
Sa kaharian ni Raha Matanda, malaya ang mga mamamayan. Nakapamimili sila ng ikabubuhay. May mga nagtatanim sa bukid, may mga nangingisda, may mga nangangahoy at nagtatayo ng bahay, may mga nag-aalaga ng manok at kambing . . . Malaya sila na nakapipili ng mapapangasawa at pati na ng paraan ng pagsamba sa Lumikha; may mga nananalig kay Mohamad at may naniniwala kay Hesu Kristo. Masaya at maunlad ang pamumuhay ng mga nasasakupan.
Si Raha Matanda ang may hawak ng huling pagpapasiya kung may tao o pangyayari na nangangailangan ng katarungan. Nguni’t bago ibigay ng raha ang kanyang pagpapasiya ay nakikinig muna siya sa paliwanag ng lahat ng panig, pati na ang patunay ng inuusig. Bibihira ang hinahatulan ng raha ng kamatayan, nguni’t sa mga di maiiwasang pangyayari, ang parusang kamatayan ay isinasagawa sa pamamagitan ng busog at palaso – biglaan at mahinahong pagkamatay sa paraang pagpupunla ng palasong may kamandag ang sima sa puso ng nahatulang nagkasala.
Mabait at marunong na pinuno si Raha Matanda. Hindi malaki at hindi malakas ang kanyang hukbo ng tagapagtanggol sapagka’t ang kanyang pakay ay kapayapaan at hindi ang pandirigma. Mapayapa ang mga mamamayan at iginagalang nila bilang “ama” ang raha, ginagampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa pinag-uutos ng batas ng paggalang at pagiging matapat.
Magkaiba ang pag-uugali ni Raha Buwaya at ni Raha Matanda. Magkaiba ang paraan nila ng pamamahala. Tanyag sa buong kapuluan ang pagiging marahas ng una; at ganoon din katanyag ang pagiging mapayapa at maginoo ng pangalawa. Ang maraming raha sa iba’t ibang panig ng kapuluan ay humahanga kay Raha Matanda. At kung gaano kalaki ang kanilang paghanga sa kanya ay ganoon naman kalaki ang pagkamuhi nila kay Raha Buwaya. May pagkakaisa ang mga raha na kung sakaling lulusubin ni Raha Buwaya ang kaharian ni Raha Matanda, darating sila upang tumulong at sumalungat sa ano mang maitim na balakin ng malupit na raha.
Nguni’t may talino ng matsing si Raha Buwaya – talinong mapaglinlang; isang balakin lamang ang kanyang isasagawa, at hindi ito maituturing na paglusob, at mapapasakanya na ang kaharian ni Raha Matanda. Binalak niya na dukutin si Prinsesa Waling-Waling at turingin ang napakagandang susunod na pinuno ng kaharian na isa sa marami niyang asawa!
Sapagka’t malaya nga ang mga tao sa kaharian ni Raha Matanda na isulong at isagawa ang kanilang mga naisin sa buhay, may isang pangkat ng mga mamamayan na may paniniwala sa kapangyarihan ng isip sa ibabaw ng katawan, ang nagpupulong sa kailaliman ng gabi sa isang lihim na kuweba sa may kabundukan.
“Ang ibig nating maabot ay ang kakayahang mapamayani ang lakas ng isip sa lakas ng katawan,” paliwanag ng pinakamatandang kasapi ng pangkat. “Karunungan itong angkin ng aking mga ninuno na isinalin sa aking mga magulang at ngayon ay ako na ang may hawak.”
Bahagya nang naiilawan ang pook sapagka’t iilan lamang ang may dalang sulo. Nguni’t sa ibig ipakita ng matanda ay naaangkop naman ang kadiliman. “May mga espiritu na gumagala sa ating paligid. Ang iba ay guguluhin ang inyong isip at uutusan kayong gumawa ng masama. Ibig nating makipag-ugnayan sa mabubuting espiritu na makapagtuturo sa atin ng panggagamot sa ating mga kapuwa na may karamdaman. Sila rin ang gabay sa pagkakaroon ng galing na maisagawa ang mga pambihirang kakayahan na hindi magagawa ng pangkaraniwang tao – katulad ng ipakikita ko sa inyo ngayon.” Paliwanag ng matanda.
Lumakad ang matanda patungo sa gitna ng bulwagan habang ang lahat ng kasapi ay nakatuon ang mga paningin sa kanya at sa kanyang gagawin. Tumigil na tila bato ang matanda nang ilang sandali at tila rin may inuusal na orasyon. Sa ilang saglit pa ay nagkapakpak ang matanda at nagsimulang umangat at lumutang siya sa hangin. Nahati ang kanyang katawan at naiwan sa lupa ang hati na mula sa baywang hanggang sa paa, samantalang ang hati na mula sa ulo hanggang sa baywang ay nagkapakpak at nahahanda nang makalipad. Wak-wak-wak, narinig ng mga kasapi ang hampas ng pakpak sa hangin; nakita nila ang matanda na lumipad patungo sa bunganga ng kuweba. Sumunod sila at nakita na ang matanda na kakalahati na ang katawan ay lumabas sa kuweba at lumipad nang mabilis papaitaas at nagpaikot-ikot sa kalawakan.
“Manananggal” ang tawag sa mga nilalang na napaghihiwalay ang itaas at ibabang hati ng kanilang katawan at nakalilipad na tila mga paniki. Sa araw ay pangkaraniwan ang anyo ng mga nilalang na ito at tumutupad sa kanilang mga gawain. Sa gabi, kung may pakay, ay nagiging “manananggal”.
Ang masasamang “manananggal” ay nagkakaroon ng mahahabang pangil at kuko at naghahanap ng dugong mahihigop kawangis ng mga vampira. Pinipili nilang biktima ang mga ina na may sanggol sa sinapupunan. Masarap na pagkain sa kanilang panglasa ang dugo at laman ng di pa isinisilang o kasisilang pa lamang na sanggol. Bumababa sila sa bubungan ng bahay ng mag-anak na may sanggol, umuupo doon, hanggang sa makahanap ng pagkakataon na makuha ang sanggol. Humahaba ang dila nila at ang dilang iyan ay napapalalawit o napadadaan nila sa mga siwang ng bubong o dingding ng bahay at naaabot ang ninanasang sanggol.
Ang mga arbolaryo na nakaaalam kung papaano labanan ang “manananggal” ay nagpapayo na takot ang mga impaktong nasabi sa amoy ng bawang at sa sikat ng araw o malakas na liwanag. Makabubuti, payo ng mga arbolaryo, na hanapin kung saan naiwan ang hati ng katawan mula baywang hanggang paa at buhusan ng bubog at basag na kristal ang ibabaw nito. Pagbabalik ng “manananggal” sa kanyang ibabang hati ng katawan ay hindi mangyayari na mailapat na muli ang itaas na hati; siya’y maghahanap ng mapagtataguan nguni’t sa huli ay mamamatay at malulusaw kapag siya ay natamaan ng sikat ng araw.
Magbalik tayo kay Raha Buwaya at Prinsesa Waling-Waling. Naisakatuparan ni Raha Buwaya ang pagdukot sa prinsesa. Nguni’t bagama’t bihag niya ang prinsesa ay hindi niya ito maangkin bilang asawa sapagka’t ang dilag ay nanlalaban. May punyal si Prinsesa Waling-Waling at binantaan niya ang mapangahas na raha: “Huwag mo akong sasalingin man lamang. Ang punyal na ito ay babaon sa iyong maitim na puso. At huwag kang gagamit ng dahas sapagka’t hindi mo ako pakikinabangan. Ibabaon ko ang punyal sa aking puso at ako’y mamatay muna bago maging alipin ng isang baliw at isang halimaw!” matigas na pagbabanta ng magandang prinsesa.
Paano ililigtas ni Raha Matanda at ng mga kaibigan niyang raha ang binihag na prinsesa? Paano nila mapapasok ang kaharian ng suwail na raha gayong mataas at matibay ang haliging-bakod na nagtatanggol doon, at may moog pa sa paligid na binabahayan ng mga gutom na buwaya?
Kung nag-iisip ang mga raha ay nag-iisip din si Raha Buwaya kung ano ang kanyang gagawin. Mula sa kanyang durungawan ay nagmamasid siya at ang kanyang mga tapat na kawal sa tuwina upang mabatid nang maaga pa kung may dumarating na mga tagapagligtas si Prinsesa Waling-Waling. “Mga buhong silang lahat! Walang makapapasok, walang makalalagpas sa itinayo kong harang! Ha, ha, ha . . .” pagyayabang niya.
Isang gabi ay nagulantang si Raha Buwaya at ang kanyang mga tapat na kampon sa ingay na papalapit nang papalapit sa kanilang kinaroroonan – Wak, wak, wak, wak . . . Inaaninag nila ang kalupaan upang matiyak kung sino ang dumarating na di inaasahang “panauhin”. Wala silang makitang ano man o sino man. Nguni’t nang sila’y tumingin sa itaas ay saka pa lamang nila nakita ang isang pulutong ng tila mga malalaking paniki na mabilis na lumilipad patungo sa kanilang bakuran.
Dumating ang mga “manananggal”upang sagipin ang kanilang prinsesa. May dala-dala silang mga nag-aapoy na sulo at mga paputok at ang mga ito ay inilaglag sa pugad ni Raha Buwaya. Nagliyab ang nasabing pugad, pati na ang mga haligi na kawayan. Malaking sunog ang sumiklab na nakatawag sa pansin ng mga mamamayan. Nagsilabasan sila na may dalang mga gulok, yantok, bato at sari-saring sandata. Ito na ang panahong pinakahihintay nila; ang sunog ay naging hudyat na oras na ng paghihimagsik na magpapatumba sa kanilang malupit na raha mula sa trono ng kapangyarihan. Nagtakbuhan ang mga kawal at pati na ang raha. Palibhasa’y lango sa ininom na alak ay nalito siya sa gitna ng pagkakagulo at sa paglikas ay natisod siya sa isang bato at nahulog sa ilog-ilogan. Naging masarap na hapunan siya ng mga gunugutom nang mga buwaya.
Pinagsapi ng mga mamamayan sa iisa na lamang na kaharian ang dati’y dalawang kaharian at ito’y pinamunuan, nang malaon, ng pinakamaganda at pinaka-makataong sultana sa buong kapuluan.

Pasasalamat : TagalogShortStories.net
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento