Ipinanganak sa San Nicolas, Ilocos Norte noong Agosto 31, 1939 si Ramon “RCB” Barba. Ang kanyang mga magulang ay sina Juan Madamba Barba na isang abogado at Lourdes Cabanos. Si RCB ang pinakabata sa apat na magkakapatid – dalawang lalaki (ang nakatatanda ay si Efren) at dalawang babae (Aida at Rachel). Nagtatrabaho ang kanyang lolo na si Juan Cabanos bilang isang opisyal sa Bureau of Plant Industry (BPI) sa San Andres.
Tuwing dumadalaw ang kanyang lolo sa kanila, lagi siyang may dalang mga buto. Itinatanim niya ito at napagkatuwaan ni RCB na panooring lumaki ang mga ito.
Nag-tapos siya ng Bachelor of Science degree in Agriculture, major in Agronomy (Fruit Production) noong 1958 sa Unibersidad ng Pilipinas- Los Baños (UPLB). Na-inspire siya ni Dr L G Gonzales na pag-aralan ang Fruit Production. Noong estudyante pa siya sa UPLB, interesado na si RCB sa mekanismo ng mango flower induction. Matapos niya basahin ang Plant Growth Regulators in Agriculture (1955) ni Dr A Carl Leopold ng Purdue University, naisipan niyang maghanap ng growth regulator for induction.
Nagturo si RCB sa University of Georgia ng plant propagation. Nag-aral din siya rito at nagkamit siya ng Master of Science degree in Horticulture (may parangal) noong 1962. (Ang Horticulture ay siyensiya at sining ng pagpapatubo ng mga prutas, gulay, bulaklak, shrub, at puno.) Nakakauha siya ng scholarship para sa kanyang doctoral program sa University of Hawaii at dito niya ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Noong 1967, nakatapos siya ng doctorate sa Plant Physiology, specializing in tropical fruits and tissue culture.
Naisip ni RCB na gumawa ng chemical spray upang mamunga ang mga puno ng mangga nang wala sa panahon upang mapataas ang produksyon nito. Matagal nang gawain ang paglalagay ng usok sa ilalim ng mga puno upang mamunga ang mga ito. Tinatawag itong smudging. Ang smudging ay matrabaho, mapanganib, at hindi mapagkakatiwalaan. Hindi rin ito environment-friendly dahil ang usok ay gumagawa ng polusyon. Ang paggamit ng chemical spray ay mas mainam.
Sinubukan niyang gamitin ang ethrel. Isa itong kemikal na nagpapalabas ng ethylene sa halaman. Ang ethylene ay nagpapahinog sa mga prutas. Matapos siyang makauwi galing sa Amerika, naging assistant professor siya sa Department of Horticulture sa UPLB – napag-alaman niya na si Prof Feliciano Manuel ay nag-eeksperimento na gamit ang ethrel sa mga mangga. Ngunit nagkaproblema si Prof Manuel sa kanyang eksperimento – kapag mataas ang konsentrasyon ng ethrel, ang mga dahon ay nalalanta ngunit kapag mababa naman ang konsentrasyon, nagiging mababa naman ang tagumpay nito. Hindi konsistent ang mga resulta.
Noong 1969, tinulungan niya ang kanyang kaibigan na may 400 punong mangga na 12 taon na ngunit hindi namumunga. Sa Quimara Farms na pag-aari ng kanyang mga kaibigan na sina G at Gng Jose Quimson, niya isinagawa ang kanyang mga eksperimento. Isa siyang farm consultant noong panahong iyon. Bumili siya ng sprayer sa halagang P27 galing sa isang pest control company at potassium nitrate na nagkakahalagang 50 sentimo bawat kilo sa isang drug store. May mga kompanya na nagbigay sa kanya ng mga kagamitan nang libre.
Winisikan niya ng potassium nitrate ang limang sanga at ang iba pang limang sanga ay winisikan naman ng isa pang kemikal. Upang hindi magkawaan ang mga kemikal, binalutan niya ito ng plastik. Matapos ang isang linggo, ang mga sangang winisikan ng 1 porsyentong potassium nitrate ay umusbong. Matapos ang dalawang linggo, namulaklak ang mga ito.
Nagsimula ang paggamot sa mga punong mangga noong Enero 1970, 150 na puno ang winisikan at 150 na puno naman ang hindi ginamot. Dalawa sa mga puno na ginamot ang hindi namulaklak, kumpara sa 141 na nasa control group. Namulaklak ang karamihan sa mga puno sa pagitan ng isa hanggang tatlong linggo ngunit ang iba ay namulaklak pagkatapos ng isang buwan. Sa mga hindi nagamot na mga puno, dalawa lang ang namulaklak nang tuluy-tuloy sa unang linggo ng Marso at pito ang may kumulang pa sa sampung bulaklak kada puno. Sa taong iyon, ang normal na pamumulaklak sa Quimara Farms ay tuwing Marso at 80% ng mga hindi nagamot na puno ang hindi namulaklak ng mga panahong iyon.
Isa sa mga kagandahan ng chemical spray na ito ay gumagana pa rin ito kahit maulanan ito matapos wisikan. Pinag-aralan din ito ni RCB at nadiskubre niya na ang potassium nitrate ay gumagana kaagad.
Bakit nga ba epektibo ang potassium nitrate sa pamumulaklak ng mangga? Ayon sa teorya De la Fuente noong 1974, ang potassium nitrate ay parang ethylene. Napili ni RCB ang potassium nitrate dahil nakakaapekto ito sa respiration, differentiation, seed germination, bud break, shoot growth kasama ang mga pisyolohikal na gawain na naaapektuhan ng ilang growth regulator na nagpapabulaklak sa mga halaman.
Marami siyang napalanunan na parangal. Ito ay ang mga: Rizal Pro Patria Presidential Award for Tissue Culture at East-West Center Outstanding Filipino Alumnus noong 1980, Crop Science Society Research Award noong 1981, UPLB Achievement Award for Tissue Culture Research in 1984, National Research Council of the Philippines’ Achievement Award noong 1986, Most Distinguished Fellow Award for Science and Technology by the Netherlands Fellow Foundation of the Philippines noong 1988, IBM Science and Technology Award, UP Achievement Award in Research at UP Outstanding Research Team (Team Leader) noong 1989, Philippine Fruit Industry Association Recognition Award at DA-Khush Award noong 1995, at Gamma Sigma Delta Most Distinguished Award in Agriculture noong 1997.
RAMON CABANOS BARBA
Pinoy Imbentor
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento