Kung Paano Nagkaroon ng Tagong-Buwan o Eclipse

Noong unang panahon ay may mag-asawang may mabuting pagpapasunuran at pagmamahalan. Sila'y sina Adlaw at Bulan. Nagkaanak sila ng maraming bituin. 

Napansin ni Adlaw na lubha ng masikip sa kanilang bahay sapagkat patuloy na nag-aanak si Bulan. Kinausap ni Adlaw si Bulan at sinabi sa asawa na pagpapatayin nila ang iba nilang mga anak upang lumuwag ang kanilang tirahan. Tinutulan ni Bulan ang mungkahi ni Adlaw at ito ang naging dahilan ng mainit nilang pagkakagalit. Wala nang katahimikan sa kanilang bahay sapagkat halos araw-araw ay nag-aaway sila. 

Hindi na nakatiis si Bulan at ipinasya niyang makipaghiwalay sa asawa na lalo namang ikinagalit ni Adlaw. Hindi nagtagal ay pumayag na rin si Adlaw na makipaghiwalay sa kasunduang isasamang lahat ni Bulan ang mga anak na bituin at hindi na pakikita sa kanya ang mag-iina.



Kaya mula noon, makikitang nag-iisang sumusikat si Adlaw (Araw) sa araw at sa gabi naman ay lumilitaw si Bulan (Buwan) kasama ang mga anak na bituin. Kapag ang dating mag-asawa'y nagkakatagpo ay lalong tumitindi ang poot ni Adlaw kay Bulan kaya hinahabol niya ito na nagiging dahilan ng tagong-buwan o eclipse.


Kung Paano Nagkaroon ng Tagong-Buwan o Eclipse
Kwentong Bayan ng mga Tinggiyan


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento