IBALON (Epiko ng mga Bicolano)

Si Baltog ay isang batang lalaki na malakas, mabait at matipuno. Siya ay anak ni Handiong, ang pinuno ng kanilang pamayanan. Isang araw, ikinuwento ng kanyang ama ang kaawa-awa nilang kalagayan sa lupain ng Samar. Napakarami nilang kaaway na laging dumarating upang sirain ang kanilang pananim at patayin ang kanilang mga alagang hayop. Namamatay ang mga tao sa gutom dahil sa kawalan ng pagkain. Ang natitira sa kanila ay hindi sapat upang umabot sa susunod na pag-aani.



Pagod nang lumaban ang mga tao anak, sabi ng kanyang ama. Gusto nila ng payapang buhay na walang gutom na gumagala sa paligid. Ang ating mga hayop ay kumokonti ng kumokonti araw-araw. Kapag nagpatuloy ang ganitong sitwasyon ay mamamatay tayong lahat sa gutom.

Ano ang gusto mong ipagawa sa akin, ama? tanong ni Baltog. Tumingin ng diretso sa kanyang mata ang kanyang ama. At hinawakan nito ang kanyang balikat.

Humanap ka ng lugar kung saan makakapamuhay tayong panatag at payapa.

Iginala ni Baltog ang mga mata. Nakita niya ang mga tao sa kanilang kaawa-awang kalagayan. Nakita niya ang gutom at sa mukha ng bawat bata. Nakita niya ang panghihina sa bawat mukha ng ama't-ina. Siya din ay nalungkot.




Masyado na akong matanda kaya inaatang ko na ito sa iyong mga balikat. Bata ka pa, malakas at matapang. Alam kong magagawa mo ito. Para sa akin at sa ating mga mamamayan.

Ibinigay ni Handiong ang basbas kay Baltog. Naglayag si Baltog kinagabihan sakay ng isang maliit na bangka na magdadala sa kanya sa isang lugar ha tinatawag na Kabikulan. Marami na siya ring narinig tungkol sa lugar at naisip niya na maganda kung makakahanap siya ng lugar kung saan sila maninirahan habang-buhay. Sa malawak na dagat, nasagupa ni Baltog ang malakas na hangin at malalaking alon na sumira sa kanyang bangka. Kinailangan niyang lumangoy at muntikan na siyang malunod bago niya ligtas na narating ang dalampasigan ng baybaying bayan ng Kabikulan.

Nagsimula niyang galugarin ang Kabikulan, hanggang umabot siya sa lupain ng Aslon at Inalon na sumasakop sa kapatagan na nakaligid sa bundok ng Asog, Masaragam, Isarog at Lignion. Natagpuan niya ang Ibalon, isang magandang lugar para sa kanya at sa mga mamamayan. Ang lupa ay mataba at magandang pagtamnan ng mga halamang ugat, palay at mga gulay. Ito rin ay maganda para sa kanilang mga hayop. Para itong lupain ng gatas at pulot.

Nais ko ang lupaing ito para sa akin at sa aking mga mamamayan, sabi ni Baltog sa sarili.

Ngunit nagsalita siya ng maaga. Dahil naninirahan sa paligid ng Ibalon ang ilang buwaya na may pakpak na nakakalipad, mga baboy ramong kasinglaki ng elepante at isang sawa na may ulo ng isang babae. Ngunit desidido si Baltog na makuha ang Ibalon para matirhan kaya nilabanan niya ang mga buwaya at mga baboy ramo ng buo niyang lakas. Dahil sa kanyang galing sa mano-manong pakikipaglaban natalo niya lahat ng buwaya at baboy ramo, pinatay niya ito at pinagpira-piraso. Ngunit, ang sawa na may ulo ng babae ay nakatakas at humanap ng ibang matitirahan.

Bumalik siya at ibinalita sa ama ang tungkol sa lupain na nakita niya para sa kanila. Hindi na sila nagsayang ng oras, si Baltog at ang kanyang ama at ang lahat ng mga mamamayan ay nilisan ang Samar papuntang Ibalon, ang kanilang bagong tahanan. Tinuruan nina Handiong at Baltog ang mga mamamayan ng ilang paraan upang magkaroon ng kabuhayan. At hindi nagtagal ay gumanda ang kanilang pamumuhay. Pinuno nila ang lupain at nagkaroon sila ng masaganang ani. Sa lupaing iyon ang gutom ay naging alaala na lamang ng nakaraan.

IBALON
Epiko ng mga Bicolano




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento